Wednesday, February 13, 2013

BABALIK KA RIN SA ALABOK.

Febrero 13, 2013
MIYERKULES NG ABO
Jl 2,12-18 . 2Cor 5,20-6,2
Mt 6,1-6.16-18
===

Sa tagal na ng buhay mo sa mundo, imposibleng magulat ka pa kung may makita kang may abo sa noo ngayon. Minsan nga di pa hugis-Krus, kundi may tuldok, may bilog at may star pa. (:p)

Anuman ang itsura, basta may makita kang abo na nasa noo, ang unang papasok sa isip mo ay ang dahilan ng pagdiriwang sa araw na ito.

"Ay, Ash Wednesday na nga pala. Di pa ako nakakasimba!"

Matik na sa atin na ang Miercules de Ceniza ang hudyat ng pagsisimula ng Panahon ng Cuaresma. Sa pagpahid (o paglalagay) ng abo sa noo ay isinasa-alang-alang natin ang ating katayuan sa mundong ito: babalik tayo sa alabok na pinagmulan natin - in short, mamamatay rin tayo. Pinaghahandaan na rin natin ang Pasko ng Pagkabuhay ni Hesus, ang dahilan ng ating kaligtasan, sa pamamagitan ng pananalangin, pag-aayuno at paglilimos. Kalakip nito ang taimtim na pananampalataya sa kanyang pagmamahal at katapatan sa atin.

Medyo dramatic nga lang ang pagdiriwang natin ng Ash Wednesday ngayong taon. Noong Lunes, nabalitaan natin na magbibitiw na sa tungkulin ang Santo Papa Benito XVI. Isa itong balitang ikinagulat ng buong Santa Iglesia, na nasanay na ang Papa ay maglilingkod hanggang sa kamatayan. Totoo ito, subalit para kay Papa Benito, batid niya na hindi na kaya ng kanyang katawan at kalusugan ang hamon ng makabagong panahon, at may isang mas kakayanin ang lahat ng kanyang ginagawa sa ngayon bilang Bikaryo ni Kristo.

Para sa iba, ito ay tanda na duwag ang Santo Papa, na hindi niya kayang harapin ang hamon ng makabagong panahon, kung saan nagbabago ang pananaw ng tao sa moralidad. Ngunit hindi ito ang nasa isip ng Papa; bagkus ito ay ang kanyang pagtugon sa tawag ng Panginoon na magpahinga mula sa mabibigat na hamon na hinaharap ng Simbahan. Ito ay tanda ng kanyang kababaang-loob, ng pagbatid na may mas makapangyarihan pa sa kanya, at pagtanggap sa realidad ng kanyang buhay na malapit nang bumalik sa alabok, sa Diyos na may-likha.

At di ba nga ito ang panawagan ng araw na ito, na tayo ay nagmula sa alabok at doo'y babalik rin tayo? Madalas nating iniisip na mahaba pa ang buhay natin, na marami pa tayong oras para bumalik sa Diyos kaya birada lang tayo sa pagmamayabang at pagkakasala.

TIGNAN NINYO, NARITO NA ANG PANAHONG NARARAPAT; NARITO NA ANG PAGLILIGTAS!
Tama nga siguro si Pablo sa kanyang paaalala, na sa pagsapit ng Cuaresma, ay dumarating sa atin ang isang panibagong pagkakataon na ihanda ang ating sarili sa pag-alala sa kaligtasang hatid ng kamatayan ni Kristo, paghahandang hindi makikita sa isang buhay na puno ng yabang at sarili, sa pagpapakitang-tao o sa paglublob sa sarili sa buhay ng pagkakasala.

Ang paghahanda na kailangan, ay ang paghahanda na taglay ang pusong nagsisisi sa mga pagkakamali, at buhay na handang magsakripisyo para sa Panginoon. Hindi ipinagmamakaingay ang ginagawang tama at mabuti, kundi ipinapaubaya sa Diyos ang lahat, taglay ang pananampalataya na nakikita ng Amang butihin ang kanyang ginagawa. Hindi bulag ang ating Diyos; binibiyayaan niya ang lahat ng nagsisilbi sa kanya ng tapat kahit na di alam ng madla.

GAGANTIMPALAAN KAYO NG AMANG NAKAKAKITA NG BAGAY NA GINAGAWA MO NG LIHIM.

Kuwaresma na naman, mga giliw! Muli na naman tayong tinatawagan na pagnilayan ang dakilang pagliligtas na ginawa ni Hesus. Itutulad na naman ba natin ito sa nagdaang mga Kuwaresma na lumipas na walang nagbago sa atin? Handa ba tayong ibaba ang sarili at tanggapin ang realidad na tayo ay babalik sa alabok, babalik sa Diyos?

Ipanalangin natin ang Santo Papa sa kanyang pagbaba mula sa upuan ni Pedro, na patuloy niya tayong mapangunahan na taglay ang pusong mapagpakumbaba, pusong tulad ng isang Ama sa kanyang mga anak. Ipanalangin natin ang buong Simbahan - na walang iba kundi tayo - upang maipagdiwang natin ang Kuwaresma na puno ng pagpapasalamat sa hatid ng ating pananampalataya: ang ating Kaligtasan.

Sunday, February 10, 2013

Huwag ako!

 Pebrero 10, 2013
Iklimang Linggo sa Karaniwang Panahon
Isa 6,1-2a.3-8 . 1 Cor 15,1-11
Lucas 5,1-11
===

Kunwari, election ng officers ng isang klase. Nananahimik ka sa isang tabi, iniisip mo kung ano ang gagawin mong tactics sa Dota, nang biglang may tumayo at nagsabi ng pangalan mo. Ni-nominate ka pala for President. Naturalmente, ang unang reaksyon na ating mararamdaman ay gulat. 

Ha? Bakit ako?! Huwag ako, uyy!!!

Pero dahil ikaw ang pinili ng higit na nakakarami, wala kang magawa kundi sundin ang kanilang nais. Tinanggap mo ang maging presidente ng mga pasaway mong kaklase, at nagawa mo naman silang pangunahan ng maayos. Nagkaroon ka pa ng chance na ipakita ang iyong galing at husay. Sa bandang huli, nagkaroon ka pa ng Student Leadership award dahil sa iyong pagiging leader.
Lahat naman tayo ay mahilig tumanggi o umiwas kapag nakakatanggap ng responsibilidad. Pero parang may nag-uudyok sa atin na tumuloy lang at gawin ang inaatas sa atin. Maaaring ito ay magbigay sa atin ng matinding sakit ng ulo, problema at kung anu-ano pa, pero sa bandang huli ay makakaramdam tayo ng kakaibang saya na nakakapaglingkod tayo sa iba.

Ngayong ilang araw na lang at Cuaresma na naman, ibinabahagi sa atin ng ating Ebanghelyo ang isang napakagandang mensahe ng paglilingkod sa kabila ng takot at pangamba ng ating katauhan. Sa sandaling iyon na naghimala ang ating Panginoon sa laot, ay nakita ng isang mangingisda ang kanyang panibagong misyon, na sa una ay kanyang tinanggihan ngunit sa biyaya ng Panginoon ay kanyang pinanindigan.

KILALA NATIN SI PEDRO, ang unang Santo Papa na naging tagapanguna ng Iisang Banal na Iglesia Katolika Apostolika. Ngunit kung babalikan natin ang kanyang sinimulan, ay makikita natin ang isang simpleng mangingisda na may simpleng pamumuhay at tuwa sa kabila ng kaabalahan, hanggang sa dumating si Hesus na nagpabago sa kanyang buhay.

Sa himalang kanyang nasaksihan sa kanya mismong bangka na punung-puno ng isda sa tanghaling-tapat, nakita ni Pedro na hindi basta-basta ang taong nakisakay sa kanyang bangka. Sa kanyang isip, naunawaan niya na hindi siya karapat-dapat na nasa harapan ni Hesus kaya bigla siya nagpatirapa at nagsabi, lumayo po kayo sa akin, Panginoon!

Ngunit, sa kabila nito ay pinatatag ni Hesus ang kanyang kalooban, Huwag kang matakot, magiging mangingisda ka ng tao mula ngayon. Di mahalaga kay Hesus ang pinanggalingan o kahinaan ni Pedro, maaari na rin nating masabi na alam na ni Hesus ang gagawing pagtatwa ni Pedro sa sandaling iyon, pero hindi pa rin ito mahalaga. Ang mahalaga kay Hesus ay ang papel na gagampanan ni Pedro sa pangunguna sa kanyang Simbahan, na kanya namang ipaglalaban hanggang kamatayan.

Madalas tayong tinatawag ng Panginoon sa kakaiba ngunit banal na mga adhikain. Mas madalas sa hindi, ay hindi ayon sa plano natin ang ating mga nakukuha. Tila ba nagbabago ang takbo ng ating mundo sa oras na ang Panginoon na ang gumalaw.

Minsan pa nga, tinatanong natin ang ating sarili kung bakit tayo ang pinili para rito - bakit hindi sila? Bakit ako? - at madalas pa tayong tumatakbo at umiiwas sa kanyang kalooban sa tuwing tayo'y magkakasala, subalit saanman tayo tumakbo, gaano mang kalayo ang ating marating, sa kanya at sa kanya pa rin tayo babalik.

Eh bakit pa nga ba iiwas? Kung siya ang nagbibigay ng lakas, ay bakit tayo lalayo? Kung sa kanya tayo makakakuha ng buhay, ay bakit tayo tatakbo?

Pa-Cuaresma na ulit, mga ka-Dose. Ngayon pa lang, tignan na natin ang ating mga sarili at tanungin, umiiwas pa ba ako sa biyaya? Kung oo, at malamang ay ganito ang sagot nating lahat, ay wag tayong matakot na lumapit sa ating Diyos. 

Ihanda natin ang ating sarili sa kanyang pagmamahal. Walang makakapantay sa kanyang pagtawag sa atin, sa kanyang pagkalinga at paghirang. Kahit na ilang beses nating sabihing Lord, wag ako!, ay patuloy niyang sasabihin, HUWAG KANG MATAKOT.

Sunday, February 3, 2013

TIWALA LANG kahit di ka matanggap!

Pebrero 03, 2013
Ikaapat na Linggo sa Karaniwang Panahon
Pro-Life Sunday 
Jer 1:4-5, 17-19 .1 Cor 12:31—13:13 
Lucas 4, 21-30
===

Maikli, ngunit malaman.

Isa sa mga mahirap na gawin ng isang Kristiyano ay ang magpahayag. ng Salita ng Diyos, matindihang panlalait at paninira ang iyong maririnig para sirain ka sa harap ng tao. Dito makikita kung matatag ka o madaling panghinaan ng loob.

Lahat tayo ay binigyan ng pagkakataong magpahayag, hindi lamang sa salita, kundi at lalo na sa gawa. Kaso hindi natin maikakaila na ang mundong ating ginagalawan ay mahilig sa pagsita sa mga nagawang pagkakamali sa halip na tignan ang kabutihan sa mga bagay-bagay. 

Tulad ito ng pinagdaanan ni Hesus noong pinagdudahan siya ng mga tao sa Sinagoga sa Nazaret: di ba iyan ang Anak ni Jose na Karpintero? Sa mata ng mga dalubhasa, walang karapatan ang isang mababa sa lipunan na magpahayag. Mas may dating kung ang mapapakinggan mo ay ang bihasa talaga sa Kasulatan. 
Subalit sa pahayag ni Hesus nasalamin ang kanyang paglilingkod: Ang Propeta ay kinikilala ng lahat liban sa kanyang sariling bayan at mag-anak. Samantalang siya ay naging kilala sa buong Galilea, hindi siya nakagawa ng anumang himala sa Nazaret. Muntikan pa nga siyang ipapatay ng mga kababaryo niya dahil inihalintulad niya ang naganap noon sa Sinagoga sa naganap noong panahon ni Elias sa Serephta at noong panahon ni Eliseo sa Syria.

Upang maipahayag ang Salita, kailangan nating umalis sa ating comfort zone. Kailangan nating lumayo at ibukas ang kamalayan ng higit na nakakarami sa biyayang hatid ng Salita ng Diyos. Hindi lamang ito maghahatid ng pakinabang sa kanila, kundi sa atin rin sapagkat pagkakataon ito upang lumago at makilala ang kultura ng ibang lugar.

Ganito siguro ang pakiramdam ng mga Misyonero na isinusugo sa mga malalayo at mapanganib na lugar maihatid lamang si Kristo sa mga di pa nakakakilala sa kanya. Ganito siguro ang nasa isip ng mga relihiyoso na piniling lumayo sa kinang ng mundo at manatili sa loob ng kumbento maipanalangin lamang ang mundong balot ng lagim.

Lahat tayo ay isinusugo! Hindi natin alam ang ating daratnan sa araw-araw na buhay subalit nananatili ang biyaya ng Diyos para sa atin. Ang bawat sandali ay pagkakataon upang ihatid si Hesus sa bawat isa. Kailangan lamang nating magtiwala sa kanyang kagandahang-loob na hindi nag-iimbot. Ang bawat sandaling ginagawa natin ng tapat ang ating tungkulin, o nagpapahayag ng dangal at ganda ng buhay, o minamahal ang taong malapit sa atin - ang lahat ng ito ay nagbubunsod sa ating ipahayag si Kristo sa salita at lalo na sa gawa!

Siguro nga, hindi tayo matatanggap sa ating sariling bayang kinagisnan, subalit hayaan natin na ang Panginoon ang magdala sa atin saanmang kanyang naisin. Huwag ang kalooban natin ang pairalin; bagkus ay hayaang ang kanyang Kalooban ang manaig sa ating puso. 

Ito ang kanyang panawagan sa atin ngayon, hindi ka man nila tanggapin, may kikilala sa akin dahil sa iyo. TIWALA LANG!

Saturday, January 26, 2013

Naganap habang nakikinig.

Enero 27, 2013
Ikatlong Linggo sa Karaniwang Panahon
National Bible Sunday
Neh 8:2-4a, 5-6, 8-10 .1 Cor 12:12-30
Lucas 1:1-4; 4:14-21
===

Pasensya na po, medyo masama ang pakiramdam ng inyong tagapagnilay sa mga panahong ito. Maikli lang po ang aking ibabahagi, subalit pipilitin ko po itong idiretso sa punto.



Tumayo si Hesus at nagpahayag.

Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon!

Galing ito sa aklat ni Propeta Isaias, isang sikat na tagapamahayag ng Lumang Tipan.

Nang matapos siya, siya ay naupo at pinahayag,
Naganap ang bahaging ito ng kasulatan samantalang nakikinig kayo.

Totoo nga naman, bilang Anak ng Diyos na nagkatawang-tao, si Hesus ang katuparan ng pinahayag ng Propeta. 

Walang halong biro iyan.

Totoo.

Kung titignan natin ang buhay ngayon, isang malaking pagkakaiba.

Wala nang masyadong nagbabasa ng Biblia.

Old school daw.

Mas uso na si FB at @twtr.

Mas maganda ang Fifty Shades of Grey kasi nakaka-relate sila kay Christian Grey. 

Naungusan pa nga ni Harry Potter eh.

Wala nang nakakakilala sa mga katauhan ng Biblia.

Kilala lang nila si Adan, si Eba at ang mansanas.

Ni yung ahas, di pinapansin.

Tapos, si Papa Jesus at Mama Mary. 

Nasaan na si Amang Jose?

ITO ANG REALIDAD.

Hindi na tayo ang bayang mulat sa biyaya ng Diyos.

Karamihan sa atin, happy-go-lucky na.

Walang pakialam sa pangangailangan ng iba.

Basta ang importante, tayo. Ako. AKO.

NASAAN ANG DYOS?

Nandun, sa librong tinalikuran natin!

Bakit nga ba di natin ito muling kunin, basahin at intindihin?

Siguro, dito natin makikita ang sagot sa ating mga problema, tulad ni Amang Agustin.

Tolle, Lege, Tolle, Lege!

Siguro, mauunawaan natin ang dahilan kung bakit maraming problema sa mundo, at kung bakit tayo pinapadaan sa pagsubok, tulad ni Pablo.
Siguro, makikita natin ang halaga ng ating kapwa bilang isang Simbahan na pinangungunahan ni Kristo. 

Siguro, masusumpungan natin ang hiwaga ng ating kaligtasan.

Buksan lang natin ang librong ito. Muling ibalik sa ating buhay, pamilya, lipunan.

At muli nating maibabalik si Kristo sa mundong wala nang pagkilala sa kanya.

Kunin mo ulit ang Bibliya! Basahin mo!
At tiyak na makikita mo ang kaganapan ng buhay samantalang binabasa mo ito.


Saturday, January 19, 2013

Gawin ninyo ang sasabihin ng Batang nawala!

Enero 20, 2013
KAPISTAHAN NI HESUS, ANG BANAL NA SANGGOL 
(SANTO NIÑO)
Is 9, 1-6 . Efe 1,3-18
Lucas 2, 41-52
Para sa Ikalawang Linggo sa Karaniwang Panahon:
Juan 2, 1-11
===

Sa araw na ito ay pinagdiriwang ng Pilipinas ang Pista ng Batang manliligtas. Inaalala natin sa araw na ito ang pagsisimula ng isang pananampalatayang nag-alab sa puso ng Pilipinong Kristiyano sa nagdaang mga siglo, at patuloy na pinatatatag ng pagsubok. At ang ating tanda rito ay ang imaheng handog ni Magellan kay Humabon, ang Batang Hesus na patuloy na minamahal at pinipitagan ng buong sambayanang Pilipino, dito o saanman sa mundo.

Mahal natin ang Niño sa simpleng mga dahilan; di natin maikakaila na pinapakilala nito si Hesus na tunay na naghahari sa puso ng mga namimintuho at nagtitiwala sa kanya, bata o matanda. Ang kanyang halimbawa ng kababaang-loob at katapatan sa Ama ay mababanaag sa ating Ebanghelyo ngayon, na tungkol sa pagkawala ni Hesus sa Templo.

Hindi ba ninyo nalalaman na ako'y dapat na nasa tahanan ng Aking Ama? Sa pagkakita sa kanya sa Templo, nabanaag nina Maria at Jose ang misyon ni Hesus na ilapit ang lahat sa kanyang Ama, tulad ng kanyang paglapit sa ating piling. Hindi niya inalintanang mawala ng tatlong araw, basta makilala ng lubusan ang kanyang Ama. 


At nakikilala nga ng Batang Hesus ang Ama, dahil tinutupad niya ang kanyang kalooban sa lahat ng oras. Sa atin namang pagsulyap sa Ebanghelyo para sa Ikalawang Linggo ng Karaniwang Panahon, masasaksihan natin ang Kasalan sa Cana kung saan ginawang alak ni Hesus ang tubig. Sa kabila ng pagtutol
ni Hesus ay sinabi pa rin ng kanyang Ina, Gawin ninyo ang sasabihin niya sa inyo. Natatalos na ni Maria na panahon na upang ipakilala ni Hesus ang kapangyarihan ng Diyos sa madla.

Magagawa lamang ni Hesus na ipakilala ang kapangyarihan ng kanyang Ama kung sa kanyang kabataan ay sinikap na niyang makilala ito. At makikita nga natin ito sa kanyang buong buhay, buhat sa kanyang pagkamulat sa mga Kasulatan sa Templo, hanggang sa Unang Himala sa Kasalan. Sa ibang salita, ang pagtupad sa kalooban ng kanyang Ama ang nagbigay sa Panginoong Hesus ng higit na tatag upang ipakilala siya sa atin.

Ang Pista ng Santo Niño ay Pista ng pagtitiwala sa Panginoon, sapagkat magagawa natin kahit na imposible basta kasama natin siya. Hindi dapat tayo mawalan ng pag-asa sapagkat, tulad nga ng sinabi nila, with faith we can move mountains! Kahit na sinasabi ng mundo na hindi natin kaya, basta nasa Panginoon ang ating pag-asa ay ating mapagtatagumpayan.

Tulad ng Santo Niño, ipinagkakatiwala ko ba sa Diyos ang aking buhay?

Panginoon, salamat sa biyaya ng iyong kabataan. Tulungan mo kaming magtiwala sa Iyo at sa Iyong Ama upang magawa namin ang lahat, kahit na ang imposibleng bagay na ayon sa kanyang kalooban. Amen.
 
PIT SENYOR!!!
VIVA SEÑOR SANTO NIÑO!!!

Sunday, January 13, 2013

INSPIRED!

January 13, 2013
FEAST OF THE LORD'S BAPTISM
Is 42,1-4.6-7 . Ac 10,34-38
Luke 3,15-16.21-22 
===

Mural inside the new Orthodox Church of St. John the Baptist next to the Jordan River, showing the baptism of Jesus that probably happened just outside the church. 
We feel inspired to do something whenever we see something which begets our feelings. If we like something, it seems easy for us to do and take care of; if not, then we just wait for the day that it will be gone. If a person catches us by his words of urging to help him do something, we will do help him and more than that because he caught our hearts.

We celebrate the Baptism of Our Lord today. This marks the beginning of the Mission of Jesus as he sets forth for the proclamation of the Kingdom of God. On today's Gospel, we witness the coming of the Spirit in bodily form like a dove and a voice coming from the heavens,  You are my beloved son; in you am I well-pleased! 

Like a go signal, Jesus started his ministry to the people of Israel after this event in his life. After thirty years of a private life, serving Mary and Joseph and learning the ways of man at the house of Nazareth, Jesus leaves his Mother and proceeds in fulfilling his Father's plan of salvation. He joins the mob at the Jordan, having himself baptized with the people as a sign of preparation for his upcoming holy job. 

At this, Heaven "inspired" him to go and proceed. We hear the Father's voice and see the coming of the Spirit like a dove, like a holy sign of approval and confirmation that Jesus can start his preaching already.  Despite the bashing of the devil, the jeers of the chief priests and scribes, the unbelief of some, and the betrayal of Judas, he still proceeds to do the Father's Will; they even give him more strength to go on and tell to the world how glorious God is. This leads us to witness the rest of the year as a living proof on how Jesus would do his ministry well, up to the point that he would offer his life for us.

We look for an inspiration. In everything we do, we look for someone or something  which will fill us with much joy and strength for us to go on. We look for it in wordly things, sex, money and the like. Yes, it may inspire us but not for long, it may even leave us empty-handed. 

But deep inside, in our spirit, we can find a better driving force for us to move forward with our problems. Jesus inspires us all the more to be closer to God and do greater things for his glory. In our baptism, we accepted his gift of faith, which we bear until this very moment. This faith reminds us that God is the sole source of grace and our ultimate goal, that he gives us challenges to see if we still stick to him, and that he will never leave us alone as he is present in the Church, in the Sacraments and in the people dear to us. 

And so, how do we see God in our lives? Do we see him as an hindrance to our plans, as we still cling to the things of the world for an inspiration, or do we see him as the one true inspiration for everything we do? Do we pattern our lives after our baptismal vows, and after God's will, or after our interests?

The Lord, baptized in the Jordan, is inspired to go and preach the Gospel. Today, as we enter through the first part of the Ordinary Season of the Church, we are also inspired by God to go and make disciples of all nations. Let us then show the world how God inspires us, as he inspires Jesus! 

Father, by calling Him as your well-beloved Son, you inspired Jesus at his Baptism in the Jordan to go and preach your Salvation to all. Be with us as we continue our lives of service to our brothers and sisters. Inspire us to be your heralds of  faith, hope and love, now and always. Amen!

Saturday, January 5, 2013

Kung Magbibigay Ka...

Enero 06, 2013
DAKILANG KAPISTAHAN NG EPIPANYA
Dies Pro Negritis
Is 60,1-6 . Efe 2-3a.5-6
Mt 2,1-12
===

Isa sa mga kilalang pista ng Simbahan na may kaugnayan sa Pasko ay ang Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon, o Epipanya. Mula sa malayong lugar, dumating ang mga Pantas na dala ang kanilang handog na kamanyang, ginto at mira para sa Haring bagong-silang. Sa araw na ito, tradisyunal na nagbibigayan ng regalo ang bawat isa, sabi nga ng kanta, 

Nauna ang tatlong Haring Mago, 
nagbigay ng mga regalo,
simula na ito ng kagandahang-loob
ng mga taong naging Kristiyano.

Nasaan ang isinalang na Hari ng mga Hudyo? Nakita namin ang kanyang tala sa silangan at nais namin siyang bigyan ng paggalang. Sa kanilang paghahanap ay ginabayan sila ng tala na siyang pahudyat na dumating na ang Haring Tagapagligtas. At matapos ang mahaba-habang paglalakbay, sila ay napatungo sa lugar na, ayon sa kanilang pag-aaral, ay siyang bayang sinilangan ng Haring ito.

Una silang nagtungo sa Jerusalem kung saan naghahari noon si Herodes. Nabagbag siya ng takot at ang buong bayan ay naligalig sa balitang ito. Sa isip ni Herodes, walang makakapantay sa kanyang kapangyarihan, kaya sa paghahangad niyang mapatay ang bagong-silang na hari ay pinayao niya ang mga pantas at nagbilin na na pag nakita ito ay balikan siya upang makasamba rin.

Subalit hindi niya madadaig kailanman ang plano ng Diyos. Sa kanilang pagpapatuloy, muling sumilay ang tala hanggang sa makarating sila sa Betlehem kung saan nila nakita si Maria at ang Sanggol na si Hesus. Sa laking tuwa at pagkamangha ay nagpatirapa sila at hinandugan ng marangyang regalo ang Sanggol na Manunubos ng lahat.

Ang pagbibigay ay hindi lamang nabubunsod ng sariling interes. Palagi nating nasasa-isip na kapag binigay natin ang isang bagay sa kaibigan natin ay maaalala nila tayo, at ito ay totoo, subalit sa paglaon, ay maiisip ng ating binigyan na pasalamatan ang Diyos dahil pinagkalooban siya ng isang mabait at maaalalahaning kaibigan tulad natin. Mapapansin natin na ang Diyos pa rin pala ang nagbigay sa atin ng dahilan upang handugan ng regalo ang ating kaibigan.

Pero iba ang pagbibigay na taos sa puso sa pagbibigay para sa sariling interes. Karamihan sa atin ang naghahangad na mabigyan ng malaking halaga mula sa isang politiko, lalo na yung mga tatakbo sa halalan sa Mayo, dahil pag nabigyan tayo ay tiyak na iboboto natin sila. Masasabing ito ay panawid-gutom ng ilan subalit katumbas naman nito ay ang paghalal sa isang pulpol na kawani ng ating pamahalaan. Makasarili at walang pakundangan ang ganitong motibo at hindi naaayon sa tunay na dahilan ng pagbibigay, na dahil sa pagmamahal.

Mga giliw, sa pagdiriwang natin ng Pagpapakita ng Panginoon, tanungin natin ang ating mga sarili, kamusta ang aking pagbibigay? Ano ang dahilan kung bakit ako nagbibigay? Dahil ba sa sarili kong interes at motibo, o bunsod ng isang mapagmahal at mapagbigay na puso tulad ng mga Pantas?

Inihandog ng Diyos ang kanyang anak upang iligtas tayo. Isang dakilang regalo siya para sa ating lahat na makasalanan. Kung tayo ay magbibigay, sana ay itulad natin ito sa kanyang paghahandog ng buhay. Magbigay na taos at bukas-palad, at tanggapin ang biyaya ng Diyos para sa atin!

Panginoon, ikaw ay hinahandugan, hindi lamang ng ginto, kamanyang at mira, kundi ng aming mga pusong nais sumunod sa iyong kalooban. Turuan mo kaming makita ang tunay na halaga ng pagbibigay: na hindi upang itaas ang sariling ambisyon, kundi upang ipakilala ang iyong pagmamahal sa iba. Amen!