Enero 20, 2013
KAPISTAHAN NI HESUS, ANG BANAL NA SANGGOL
(SANTO NIÑO)
Is 9, 1-6 . Efe 1,3-18
Lucas 2, 41-52
Para sa Ikalawang Linggo sa Karaniwang Panahon:
Juan 2, 1-11
===
Sa araw na ito ay pinagdiriwang ng Pilipinas ang Pista ng Batang manliligtas. Inaalala natin sa araw na ito ang pagsisimula ng isang pananampalatayang nag-alab sa puso ng Pilipinong Kristiyano sa nagdaang mga siglo, at patuloy na pinatatatag ng pagsubok. At ang ating tanda rito ay ang imaheng handog ni Magellan kay Humabon, ang Batang Hesus na patuloy na minamahal at pinipitagan ng buong sambayanang Pilipino, dito o saanman sa mundo.
Mahal natin ang Niño sa simpleng mga dahilan; di natin maikakaila na pinapakilala nito si Hesus na tunay na naghahari sa puso ng mga namimintuho at nagtitiwala sa kanya, bata o matanda. Ang kanyang halimbawa ng kababaang-loob at katapatan sa Ama ay mababanaag sa ating Ebanghelyo ngayon, na tungkol sa pagkawala ni Hesus sa Templo.
Hindi ba ninyo nalalaman na ako'y dapat na nasa tahanan ng Aking Ama? Sa pagkakita sa kanya sa Templo, nabanaag nina Maria at Jose ang misyon ni Hesus na ilapit ang lahat sa kanyang Ama, tulad ng kanyang paglapit sa ating piling. Hindi niya inalintanang mawala ng tatlong araw, basta makilala ng lubusan ang kanyang Ama.
At nakikilala nga ng Batang Hesus ang Ama, dahil tinutupad niya ang kanyang kalooban sa lahat ng oras. Sa atin namang pagsulyap sa Ebanghelyo para sa Ikalawang Linggo ng Karaniwang Panahon, masasaksihan natin ang Kasalan sa Cana kung saan ginawang alak ni Hesus ang tubig. Sa kabila ng pagtutol
ni Hesus ay sinabi pa rin ng kanyang Ina, Gawin ninyo ang sasabihin niya sa inyo. Natatalos na ni Maria na panahon na upang ipakilala ni Hesus ang kapangyarihan ng Diyos sa madla.
Magagawa lamang ni Hesus na ipakilala ang kapangyarihan ng kanyang Ama kung sa kanyang kabataan ay sinikap na niyang makilala ito. At makikita nga natin ito sa kanyang buong buhay, buhat sa kanyang pagkamulat sa mga Kasulatan sa Templo, hanggang sa Unang Himala sa Kasalan. Sa ibang salita, ang pagtupad sa kalooban ng kanyang Ama ang nagbigay sa Panginoong Hesus ng higit na tatag upang ipakilala siya sa atin.
Ang Pista ng Santo Niño ay Pista ng pagtitiwala sa Panginoon, sapagkat magagawa natin kahit na imposible basta kasama natin siya. Hindi dapat tayo mawalan ng pag-asa sapagkat, tulad nga ng sinabi nila, with faith we can move mountains! Kahit na sinasabi ng mundo na hindi natin kaya, basta nasa Panginoon ang ating pag-asa ay ating mapagtatagumpayan.
Tulad ng Santo Niño, ipinagkakatiwala ko ba sa Diyos ang aking buhay?
Panginoon, salamat sa biyaya ng iyong kabataan. Tulungan mo kaming magtiwala sa Iyo at sa Iyong Ama upang magawa namin ang lahat, kahit na ang imposibleng bagay na ayon sa kanyang kalooban. Amen.
PIT SENYOR!!!
VIVA SEÑOR SANTO NIÑO!!!
No comments:
Post a Comment