Sunday, February 3, 2013

TIWALA LANG kahit di ka matanggap!

Pebrero 03, 2013
Ikaapat na Linggo sa Karaniwang Panahon
Pro-Life Sunday 
Jer 1:4-5, 17-19 .1 Cor 12:31—13:13 
Lucas 4, 21-30
===

Maikli, ngunit malaman.

Isa sa mga mahirap na gawin ng isang Kristiyano ay ang magpahayag. ng Salita ng Diyos, matindihang panlalait at paninira ang iyong maririnig para sirain ka sa harap ng tao. Dito makikita kung matatag ka o madaling panghinaan ng loob.

Lahat tayo ay binigyan ng pagkakataong magpahayag, hindi lamang sa salita, kundi at lalo na sa gawa. Kaso hindi natin maikakaila na ang mundong ating ginagalawan ay mahilig sa pagsita sa mga nagawang pagkakamali sa halip na tignan ang kabutihan sa mga bagay-bagay. 

Tulad ito ng pinagdaanan ni Hesus noong pinagdudahan siya ng mga tao sa Sinagoga sa Nazaret: di ba iyan ang Anak ni Jose na Karpintero? Sa mata ng mga dalubhasa, walang karapatan ang isang mababa sa lipunan na magpahayag. Mas may dating kung ang mapapakinggan mo ay ang bihasa talaga sa Kasulatan. 
Subalit sa pahayag ni Hesus nasalamin ang kanyang paglilingkod: Ang Propeta ay kinikilala ng lahat liban sa kanyang sariling bayan at mag-anak. Samantalang siya ay naging kilala sa buong Galilea, hindi siya nakagawa ng anumang himala sa Nazaret. Muntikan pa nga siyang ipapatay ng mga kababaryo niya dahil inihalintulad niya ang naganap noon sa Sinagoga sa naganap noong panahon ni Elias sa Serephta at noong panahon ni Eliseo sa Syria.

Upang maipahayag ang Salita, kailangan nating umalis sa ating comfort zone. Kailangan nating lumayo at ibukas ang kamalayan ng higit na nakakarami sa biyayang hatid ng Salita ng Diyos. Hindi lamang ito maghahatid ng pakinabang sa kanila, kundi sa atin rin sapagkat pagkakataon ito upang lumago at makilala ang kultura ng ibang lugar.

Ganito siguro ang pakiramdam ng mga Misyonero na isinusugo sa mga malalayo at mapanganib na lugar maihatid lamang si Kristo sa mga di pa nakakakilala sa kanya. Ganito siguro ang nasa isip ng mga relihiyoso na piniling lumayo sa kinang ng mundo at manatili sa loob ng kumbento maipanalangin lamang ang mundong balot ng lagim.

Lahat tayo ay isinusugo! Hindi natin alam ang ating daratnan sa araw-araw na buhay subalit nananatili ang biyaya ng Diyos para sa atin. Ang bawat sandali ay pagkakataon upang ihatid si Hesus sa bawat isa. Kailangan lamang nating magtiwala sa kanyang kagandahang-loob na hindi nag-iimbot. Ang bawat sandaling ginagawa natin ng tapat ang ating tungkulin, o nagpapahayag ng dangal at ganda ng buhay, o minamahal ang taong malapit sa atin - ang lahat ng ito ay nagbubunsod sa ating ipahayag si Kristo sa salita at lalo na sa gawa!

Siguro nga, hindi tayo matatanggap sa ating sariling bayang kinagisnan, subalit hayaan natin na ang Panginoon ang magdala sa atin saanmang kanyang naisin. Huwag ang kalooban natin ang pairalin; bagkus ay hayaang ang kanyang Kalooban ang manaig sa ating puso. 

Ito ang kanyang panawagan sa atin ngayon, hindi ka man nila tanggapin, may kikilala sa akin dahil sa iyo. TIWALA LANG!

No comments:

Post a Comment