Saturday, January 5, 2013

Kung Magbibigay Ka...

Enero 06, 2013
DAKILANG KAPISTAHAN NG EPIPANYA
Dies Pro Negritis
Is 60,1-6 . Efe 2-3a.5-6
Mt 2,1-12
===

Isa sa mga kilalang pista ng Simbahan na may kaugnayan sa Pasko ay ang Dakilang Kapistahan ng Pagpapakita ng Panginoon, o Epipanya. Mula sa malayong lugar, dumating ang mga Pantas na dala ang kanilang handog na kamanyang, ginto at mira para sa Haring bagong-silang. Sa araw na ito, tradisyunal na nagbibigayan ng regalo ang bawat isa, sabi nga ng kanta, 

Nauna ang tatlong Haring Mago, 
nagbigay ng mga regalo,
simula na ito ng kagandahang-loob
ng mga taong naging Kristiyano.

Nasaan ang isinalang na Hari ng mga Hudyo? Nakita namin ang kanyang tala sa silangan at nais namin siyang bigyan ng paggalang. Sa kanilang paghahanap ay ginabayan sila ng tala na siyang pahudyat na dumating na ang Haring Tagapagligtas. At matapos ang mahaba-habang paglalakbay, sila ay napatungo sa lugar na, ayon sa kanilang pag-aaral, ay siyang bayang sinilangan ng Haring ito.

Una silang nagtungo sa Jerusalem kung saan naghahari noon si Herodes. Nabagbag siya ng takot at ang buong bayan ay naligalig sa balitang ito. Sa isip ni Herodes, walang makakapantay sa kanyang kapangyarihan, kaya sa paghahangad niyang mapatay ang bagong-silang na hari ay pinayao niya ang mga pantas at nagbilin na na pag nakita ito ay balikan siya upang makasamba rin.

Subalit hindi niya madadaig kailanman ang plano ng Diyos. Sa kanilang pagpapatuloy, muling sumilay ang tala hanggang sa makarating sila sa Betlehem kung saan nila nakita si Maria at ang Sanggol na si Hesus. Sa laking tuwa at pagkamangha ay nagpatirapa sila at hinandugan ng marangyang regalo ang Sanggol na Manunubos ng lahat.

Ang pagbibigay ay hindi lamang nabubunsod ng sariling interes. Palagi nating nasasa-isip na kapag binigay natin ang isang bagay sa kaibigan natin ay maaalala nila tayo, at ito ay totoo, subalit sa paglaon, ay maiisip ng ating binigyan na pasalamatan ang Diyos dahil pinagkalooban siya ng isang mabait at maaalalahaning kaibigan tulad natin. Mapapansin natin na ang Diyos pa rin pala ang nagbigay sa atin ng dahilan upang handugan ng regalo ang ating kaibigan.

Pero iba ang pagbibigay na taos sa puso sa pagbibigay para sa sariling interes. Karamihan sa atin ang naghahangad na mabigyan ng malaking halaga mula sa isang politiko, lalo na yung mga tatakbo sa halalan sa Mayo, dahil pag nabigyan tayo ay tiyak na iboboto natin sila. Masasabing ito ay panawid-gutom ng ilan subalit katumbas naman nito ay ang paghalal sa isang pulpol na kawani ng ating pamahalaan. Makasarili at walang pakundangan ang ganitong motibo at hindi naaayon sa tunay na dahilan ng pagbibigay, na dahil sa pagmamahal.

Mga giliw, sa pagdiriwang natin ng Pagpapakita ng Panginoon, tanungin natin ang ating mga sarili, kamusta ang aking pagbibigay? Ano ang dahilan kung bakit ako nagbibigay? Dahil ba sa sarili kong interes at motibo, o bunsod ng isang mapagmahal at mapagbigay na puso tulad ng mga Pantas?

Inihandog ng Diyos ang kanyang anak upang iligtas tayo. Isang dakilang regalo siya para sa ating lahat na makasalanan. Kung tayo ay magbibigay, sana ay itulad natin ito sa kanyang paghahandog ng buhay. Magbigay na taos at bukas-palad, at tanggapin ang biyaya ng Diyos para sa atin!

Panginoon, ikaw ay hinahandugan, hindi lamang ng ginto, kamanyang at mira, kundi ng aming mga pusong nais sumunod sa iyong kalooban. Turuan mo kaming makita ang tunay na halaga ng pagbibigay: na hindi upang itaas ang sariling ambisyon, kundi upang ipakilala ang iyong pagmamahal sa iba. Amen!

No comments:

Post a Comment