Sunday, February 10, 2013

Huwag ako!

 Pebrero 10, 2013
Iklimang Linggo sa Karaniwang Panahon
Isa 6,1-2a.3-8 . 1 Cor 15,1-11
Lucas 5,1-11
===

Kunwari, election ng officers ng isang klase. Nananahimik ka sa isang tabi, iniisip mo kung ano ang gagawin mong tactics sa Dota, nang biglang may tumayo at nagsabi ng pangalan mo. Ni-nominate ka pala for President. Naturalmente, ang unang reaksyon na ating mararamdaman ay gulat. 

Ha? Bakit ako?! Huwag ako, uyy!!!

Pero dahil ikaw ang pinili ng higit na nakakarami, wala kang magawa kundi sundin ang kanilang nais. Tinanggap mo ang maging presidente ng mga pasaway mong kaklase, at nagawa mo naman silang pangunahan ng maayos. Nagkaroon ka pa ng chance na ipakita ang iyong galing at husay. Sa bandang huli, nagkaroon ka pa ng Student Leadership award dahil sa iyong pagiging leader.
Lahat naman tayo ay mahilig tumanggi o umiwas kapag nakakatanggap ng responsibilidad. Pero parang may nag-uudyok sa atin na tumuloy lang at gawin ang inaatas sa atin. Maaaring ito ay magbigay sa atin ng matinding sakit ng ulo, problema at kung anu-ano pa, pero sa bandang huli ay makakaramdam tayo ng kakaibang saya na nakakapaglingkod tayo sa iba.

Ngayong ilang araw na lang at Cuaresma na naman, ibinabahagi sa atin ng ating Ebanghelyo ang isang napakagandang mensahe ng paglilingkod sa kabila ng takot at pangamba ng ating katauhan. Sa sandaling iyon na naghimala ang ating Panginoon sa laot, ay nakita ng isang mangingisda ang kanyang panibagong misyon, na sa una ay kanyang tinanggihan ngunit sa biyaya ng Panginoon ay kanyang pinanindigan.

KILALA NATIN SI PEDRO, ang unang Santo Papa na naging tagapanguna ng Iisang Banal na Iglesia Katolika Apostolika. Ngunit kung babalikan natin ang kanyang sinimulan, ay makikita natin ang isang simpleng mangingisda na may simpleng pamumuhay at tuwa sa kabila ng kaabalahan, hanggang sa dumating si Hesus na nagpabago sa kanyang buhay.

Sa himalang kanyang nasaksihan sa kanya mismong bangka na punung-puno ng isda sa tanghaling-tapat, nakita ni Pedro na hindi basta-basta ang taong nakisakay sa kanyang bangka. Sa kanyang isip, naunawaan niya na hindi siya karapat-dapat na nasa harapan ni Hesus kaya bigla siya nagpatirapa at nagsabi, lumayo po kayo sa akin, Panginoon!

Ngunit, sa kabila nito ay pinatatag ni Hesus ang kanyang kalooban, Huwag kang matakot, magiging mangingisda ka ng tao mula ngayon. Di mahalaga kay Hesus ang pinanggalingan o kahinaan ni Pedro, maaari na rin nating masabi na alam na ni Hesus ang gagawing pagtatwa ni Pedro sa sandaling iyon, pero hindi pa rin ito mahalaga. Ang mahalaga kay Hesus ay ang papel na gagampanan ni Pedro sa pangunguna sa kanyang Simbahan, na kanya namang ipaglalaban hanggang kamatayan.

Madalas tayong tinatawag ng Panginoon sa kakaiba ngunit banal na mga adhikain. Mas madalas sa hindi, ay hindi ayon sa plano natin ang ating mga nakukuha. Tila ba nagbabago ang takbo ng ating mundo sa oras na ang Panginoon na ang gumalaw.

Minsan pa nga, tinatanong natin ang ating sarili kung bakit tayo ang pinili para rito - bakit hindi sila? Bakit ako? - at madalas pa tayong tumatakbo at umiiwas sa kanyang kalooban sa tuwing tayo'y magkakasala, subalit saanman tayo tumakbo, gaano mang kalayo ang ating marating, sa kanya at sa kanya pa rin tayo babalik.

Eh bakit pa nga ba iiwas? Kung siya ang nagbibigay ng lakas, ay bakit tayo lalayo? Kung sa kanya tayo makakakuha ng buhay, ay bakit tayo tatakbo?

Pa-Cuaresma na ulit, mga ka-Dose. Ngayon pa lang, tignan na natin ang ating mga sarili at tanungin, umiiwas pa ba ako sa biyaya? Kung oo, at malamang ay ganito ang sagot nating lahat, ay wag tayong matakot na lumapit sa ating Diyos. 

Ihanda natin ang ating sarili sa kanyang pagmamahal. Walang makakapantay sa kanyang pagtawag sa atin, sa kanyang pagkalinga at paghirang. Kahit na ilang beses nating sabihing Lord, wag ako!, ay patuloy niyang sasabihin, HUWAG KANG MATAKOT.

No comments:

Post a Comment