August 06, 2011
FEAST OF THE LORD'S TRANSFIGURATION
Dn 7,9-10.13-14 . 2Pt 1,16-19
Mt 17,1-9
===
Minsan, may nakausap akong kaklase na nagbahagi sa akin tungkol sa karanasan niya. Ito ay noong siya ay magbakasyon sa probinsya nila pagkatapos ng summer classes namin. Sa wakas, matapos ang isang buwan ng paghihirap at pagtagaktak ng pawis sa pag-aaral, mararanasan na rin niya ang kakaibang regalo ng pamamahinga.
Nagbago sa isang iglap ang kanyang kapaligiran, from hell to heaven, ika nga. Sa sobrang sarap ng naging pagbabago sa buhay niya, nasabi niya, Naku, Bitz! Sobrang saya doon, di ko napansin, June na pala. Kaya yun, bumalik na ako sa Malabon para magpa-enroll.
Minsan talaga, kapag nakakaranas tayo ng isang malaking pagbabago sa buhay natin, nakakaranas tayo ng isang kakaibang kasiyahan. Parang nakakapanibago sa pakiramdam, na napapasigaw tayo, Naku naman! Ang saya-saya naman dito! Parang sana, dito na lang ako nakatira... Nakakalimutan nila na sa kabila ng kakaibang pakiramdam ay isang tunay na realidad na
Ito rin ang pakiramdam nina Pedro, Santiago at Juan noong sa harap nila ay biglang nagbagong-anyo ang kanilang Rabbi. Isipin ba naman, sa tanghaling-tapat, ang kanilang Panginoon ay nagbagong-anyo! Nagningning ang mukha, pumuting sobra ang damit, kuminang na walang kapantay! At may special guest pa, sina Moises at Elias!
Hindi talaga makapaniwala si Pedro na sa di-inaasahang pagkakataon ay makikita niya at ng kanyang mga kasama ang isang kababalaghan. Para silang nanalo ng higit sa milyun-milyong jackpot sa tindi ng hiwagang nasaksihan nila. Sa sobrang kilabot at tuwa, ay napabulalas si Pedro, Panginoon, dito na tayo! Gagawa kami ng tatlong tolda, tig-isa kayo nina Moises at Elias!
Pero dito natapos ang lahat. Isang ulap ang pumagitna sa kanila at may tinig na nagsabi: Ito ang aking anak na kinalulugdan ko ng lubusan; pakinggan ninyo siya! At sa muling pagkurap ng mata, ay bumalik na sila sa realidad. Wala nang hiwaga, si Hesus na lang. Balik sa dati, ngunit tumatak na sa isipan ng tatlong alagad ang misteryong nakita nila. Meron ngang kakaibang maibibigay si Hesus!
Pasukin natin ang ating araw-araw na buhay. Bawat araw, busy tayo. Tadtad ng trabaho, pagod at puno ng stress. Wala nang oras na tumahimik na sandali at magnilay sa gawain ng Panginoon sa ating kalooban. Takbo nga ito ng mundo sa ngayon, eh. Wala nang oras para sa Diyos, puro ako, ako at ako na lang. Ninanais nga nating mag-unwind, magbago, subalit hindi natin nagagawa dahil panay atupag natin sa gawain ng mundo.
Pero kung lubos lang nating nakikita at nauunawaan ang hiwaga na ginagawa ng Panginoon sa ating buhay, sa kabila ng di-mabilang na paghihirap na pinagdadaanan natin, masasabi rin nating dahan-dahan ay nababago tayo, nagpapalit-anyo mula sa dating makasalanang pagkatao patungo sa isang iniligtas na nilalang ng Diyos!
Malakas ang panawagan ng Ama: Pakinggan si Hesus at tiyak na mararating rin natin ang isang pinagbagong-anyong katauhan! Hindi na natin kailangang hanapin ito sa kung saan, dahil hindi natin ito makikita o matutumbasan ng bagay ng mundo. Makinig sa mga Salita ng Diyos, tanggapin siya sa bawat Misa sa Banal na Pakikinabang, at pagsumikapang sundan siya sa araw-araw na pamumuhay. Tiyak na hindi magtatagal tayo ay mabibigyan rin ng pinagbagong katauhan, isang katauhang pinagpala ng Diyos, isang katauhang laging mahal sa paningin ng ating Panginoon!
At pag nasumpungan natin ito, tiyak rin nating masasabi, Ang saya naman dito!
No comments:
Post a Comment