August 28, 2011
Twenty-second Sunday in Ordinary Time
Jr 20.7-9 . Rm 12,1-2
Mt 16, 21-27
===
Pramis, maikli lang ito. Magpapasan pa tayo ng krus eh!
Sinabi ni Hesus sa Ebanghelyo ngayon, Ibig mo bang sumunod? E di limutin mo ang lahat, pasanin ang krus mo at sundan mo ako!
Hindi tayo nagkakamali sa mga naririnig natin ngayon. Isa itong napakatandang hamon, kasingtanda na ng ewan ko, na hanggang ngayon ay buhay na buhay pa rin ang alingawngaw sa makabagong panahon. Kahit na ang lolo ng lolo ng lolo ng lolo ng lolo (...) ng lola ng nanay natin ay narinig na ito. Lahat ng nauna sa atin ay nagsimatayan na, at lahat ng di pa nga naisisilang (kasama na ang walang habas na ia-abort ng ilan... wag sana) ay mae-encounter ang panawagan na ito.
Mula sa panahon ng imperyalismo, kolonyalismo at monopolyo, hanggang sa panahon ng skyscrapers, franchising, at networking, ng IPod, IPad, Windows 7, Smart Phone at WiFi, ng Angry Birds, Dota at Nyan Cat, ng Facebook, Twitter, Multiply, SirBitz (bakit nasama ang blog na ito?) at Ur Dose (at bakit ito rin ay nasama?), patuloy na sumisigaw si Hesus mula sa 2000 taong nakaraan. Isang panawagan na tumatagos sa isip at puso ng lahat ng tao na makakarinig...
Limutin ang lahat! Pasanin ang krus mo! Sundan mo ako!
Kung iisipin nga naman, ano ang pinagkaiba ng panahon ni Hesus sa makabagong kabihasnan? Maliban sa mga inobasyon ng makabagong isipan, wala namang talagang pinagkaiba. Tao pa rin tayo, mahihina pa rin, nagkakasala pa rin, nasasaktan pa rin, at higit sa lahat, namamatay pa rin.
Naghihirap tayo. Mula noon hanggang ngayon, patuloy nating nararamdaman ang bigat ng pagdurusa. Iniisip ng tao na makakaluwag siya sa buhay sa isang mundo na puno ng matataas na eroplano, matatayog na building, at techie na gamit. Walang masama, moderno na tayo, di ba?
Subalit, tignan natin ang puso niya, at matutuklasan natin ang lahat ng pinapasan nating mga pagdurusa at problema na dumarating sa iba't-ibang anyo: utang, masamang pagnanasa, kayabangan, alitan, digmaan, patayan, at maging ang ating biyenan. Marami tayong hinaharap na problema, mabibigat ang krus ng ating panahon.
May magagawa ba tayo sa ating sariling lakas? Ni ang isang dukha na nagpapalimos lamang sa daan, ni ang mga nakatira sa squatters' area na wala nang makain sa isang maghapon, sila man ay lumalapit rin sa Diyos upang humingi ng gabay sa oras ng pangangailangan. Di nila ito kakayanin, kaya ipinagkakatiwala nila ang kanilang mga pagsubok sa Panginoon!
Papalakpakan kita, at standing ovation pa kung sakaling kaya mo nang gawin ang lahat sa sarili mo lamang, at hindi na kailangan ng gabay ng itaas... aba, ikaw yata ang bagong Diyos! Walang magagawa si yabang sa harap ng Panginoon. Kahit na ilang libong rolyo ng kayabangan at kasakiman ang ipambalot natin sa sarili natin, pagdating ng oras ng mabibigat na pagsubok, di ba't ikaw pa ang nauuna sa mga mahihirap sa paglapit sa ating Panginoon, kasi mabigat ang problema mo?
Gusto ninyo ng example? Ito, si Tata Usteng ng Cavite. Sa Aug. 28 rin ang kanyang Kapistahan. |
Di ba nga, kaya rin nga natin hinahalikan ang Krus ni Kristo tuwing Biyernes Santo, bilang pagkilala rin sa ating personal na mga pasanin sa buhay. Niyayakap natin ito, hinahalikan, at TINATANGGAP. Sa ating pagpasan sa ating sariling mga krus, sinusundan natin ang yapak ng Panginoong Hesus, isang yapak na puno ng kaligayahan, kababaang-loob, at pagpapaubaya sa kalooban ng Ama.
Oo, suyang-suya na tayo sa mga hinaharap nating mga suliranin sa buhay, pero sa pagpasan natin dito makikita natin ang kaganapan ng paglilingkod ng Panginoong Hesus, isang paglilingkod na laging binabanggit, Hindi ako, ngunit ang Kalooban mo ang masunod!
Iyan ang Kristiyano. Sa harap ng mabibigat na pagsubok ay keri lang ang buhay, hindi nangangamba kahit na ilang bagyo at mabibigat na krus ang dumaan. Bakit? Dahil ito ang kanyang pamantayan...
Limutin ang lahat! Pasanin ang krus mo! Sundan mo ako!
Sa ating pagsunod sa panawagan na ito ni Kristo, makakaasa tayong mararating natin ang kaganapan ng ating minimithi. Hindi man natin ito matanggap sa buhay na ito, di ba nga't may Eternal Life? Ang nagnanais na iligtas ang kanyang buhay ay mawawalan pa nga nito; ang mawalan ng buhay alang-alang sa akin ay magkakamit nito! Basta, handa tayong magpasan, at sumunod sa landas ng Panginoon. Umasa tayong may makakamit tayong gantimpala sa kinabukasan.
O, di ba't maikli? O, siya! Pasan na tayo ng krus!
No comments:
Post a Comment