Saturday, August 6, 2011

Halika Rito...

August 07, 2011
Nineteenth Sunday in Ordinary Time
1 Kgs 19,9a.11-13a . Rm 9,1-5
Mt 14,22-33
===

Kahapon, nakita ni Pedro ang isang kakaibang Hesus, nagbagong-anyo sa bundok. Maningning, maluwalhati, at binisita pa nina Moises at Elias. Sa sobrang kasiyahan niya at pagkatuwa, ay napasigaw siya na kung maaari ay dumoon na lang sila. Gagawa pa nga daw sila ng tatlong tolda para sa kanilang tatlo. Sa kabila ng mixed emotions, nanaig ang kasiyahan at pagkamangha sa puso ni Pedro. Natatalos niyang Diyos nga si Hesus na pinapanginoon kahit ng mga alagad ng lumang tipan.

Si Pedro pa rin ang isa sa mga karakter sa ating Ebanghelyo ngayon. Ito ang isang pagpapakita ng 'other side' niya, ang kanyang mahinang kalooban. Kung sa Pagbabagong-anyo, nanaig ang pagkamangha, dito sa ating Ebanghelyo ngayon, naghahari ang takot at kakulangan ng pananampalataya. Paano?

Babalik tayo sa pagpapakain ni Hesus ng limanlibong lalaki. Pinauwi na niya ang lahat pagkatapos ng milagrosong pagpapakain, samantalang inatasan niya ang mga alagad na sumampa na sa bangka at mauna na sa susunod na destinasyon. Pagkaalis nilang lahat, nanatili siya sa bundok upang manalangin. Gabi na noon.

Samantala, ang bangkang sinasakyan ng mga alagad, hayu't binabayo ng malakas na bagyo sa lawa. Hindi mapakali ang lahat, sagwan ang isa, hawak ng tali ang iba. Lahat ay inaasikaso ang mga maaaring paraan para hindi sila malunod at mamatay. Lahat ay nag-aalala para sa kanilang buhay. Lahat ay takot na takot. Hanggang sa may makita sila sa tubig...

isang lalaki...

NAGLALAKAD SA IBABAW NG TUBIG?!

Mas lalo silang pinagharian ng takot. Syempre, iisipin mong multo ang isang taong naglalakad sa ibabaw ng tubig! Wala pang ibang taong nakalakad sa ibabaw ng lawang binabagyo liban sa isang ito! 

Pero sumigaw ang lalaking ito, isang tinig na pamilyar at makapangyarihan. Huwag kayong matakot! Tatagan ninyo ang loob ninyo! Ako si Hesus! Oo, ang kanilang Rabbi, naglalakad sa ibabaw ng lawa sa kabila ng bagyo!  Anong kababalaghan ang nasaksihan nilang ito! Tunay nga na isang himala!

Pero biglang pumasok sa eksena si Pedro. Nais niyang sunduin si Hesus sa tubig, kaya sumigaw siya, Panginoon, kung ikaw nga yan, hayaan mo akong makapaglakad rin sa ibabaw ng tubig. Kung ito ay tanda ng tapang o pag-aalinlangan, malinaw na nais ni Pedro na mapatunayan na si Hesus nga ang lalaking naglakad sa tubig at hindi siya namamalik-mata.

Halika rito. At naglakad nga si Pedro sa direksyon ng kanyang guro. Sa una, ay nakaramdam siya ng tuwa sa paglalakad niya sa tubig. Nag-uumapaw siya sa saya. Aba, naglalakad ako sa tubig!!! Wow!!! Subalit lahat ng ito ay nawala nang tumingin siya sa paligid at nasindak sa delubyo na kanyang nararanasan. Malakas na hangin, bagyong walang kasinglakas. At si Pedro ay nahulog sa tubig at nalunod. Panginoon! Sagipin mo ako!

Nilapitan nga siya ni Hesus at tinulungang tumayo. Tumatak malamang sa kanyang isipan ang mga sinabi ng kanyang Maestro,  Bakit ka nag-alinlangan? Bakit ang liit ng iyong pananampalataya? At sila ay nagtungo sa bangka. Samantalang ang iba naman ay sinamba siya at sumambulat, Ikaw nga ang Anak ng Diyos!

Posible kaya itong mangyari sa panahon natin ngayon? Hindi. Hindi natin makakayanang gawin ito liban na lang kung may gagamitin tayong espesyal na gadget para makapag-enjoy sa ibabaw ng tubig. Tanging isang may-kapangyarihan lamang ang maaaring gumanap nito sa isang kanyang nilikha. Iyun ay wala nang iba kundi si Hesus na siyang sinugo ng kanyang Amang Makapangyarihan upang muling tubusin ang tao mula sa kamatayan at kasalanan. Siya na Diyos na totoo at taong totoo ang maaaring magpamalas ng ganitong kapangyarihan sa atin!

Halika rito!

Sa totoo lang, patuloy na naglalakad si Hesus sa gitna ng mga pagsubok ng ating buhay.  Iyung mga sandaling feeling-down tayo, iyung mga sandaling naliligalig tayo, na para bang bagyo na binabayo at sinasalanta ang buong katauhan natin, at para bang hindi natin alam ang gagawin. Tingin tayo, andun sa malapit si Hesus, nakalahad ang kamay at iniimbitahan tayong maglakad rin sa gitna ng mga pagsubok na ito. Para bagang sinasabi niya,  Huwag kang matakot, anak; andito lang ako! Halika, maglakad ka papunta sa akin!

Kapag nakita natin siya, huwag tayong mag-alinlangang lumapit. Huwag matakot sumunod sa kanya! Siya na nagbagong-anyo sa itaas ng bundok, at nagpapahayag ng kanyang kadakilaan, ang siyang tumatawag sa atin ng lumapit sa kanya. Pumunta nga tayo patungo sa kanya kalakip ang buong pananampalataya sa puso. Natatalos nating kapag kapiling natin ang Panginoon, wala tayong mararamdamang pangamba:  The Lord is my Light and Salvation... whom shall I fear?

Pero sa sandaling mahulog tayo sa bangin, at malunod sa lawa ng pangungulila at mawalan ng pananampalataya. Huwag nating kalilimutan na andyan pa rin siya at patuloy na handang sumaklolo sa atin. Sana ay hindi natin maranasan ito, ngunit kapag ito ay dumating sa ating buhay, isipin lang natin na andyan lang siya, tumatakbo patungo sa atin, at nakahandang sagipin tayo. 

May imbitasyon si Hesus: Halika rito! Hindi niya papahintulutang mahulog tayo sa bangin ng kadiliman, ni maligaw sa di-tamang landas. Tumingin lang tayo sa kanyang mata, malapit na ilahad ang kamay papunta sa kamay niya, at manampalataya! Ililigtas niya tayo sa gitna at sa kabila ng lahat ng ating pinagdadaanan! HUWAG MATAKOT!

No comments:

Post a Comment