Sunday, August 21, 2011

Eh sino nga ba ako???

August 21, 2011
Twenty-first Sunday in Ordinary Time
Is 22, 19-23 . Rm 11,33-36
Mt 16, 13-20
===

May nakausap ka sa YM: NASL please...


May nakilala ka personally: Who are you?


May nag-text sa iyo na di naman nakalista sa phonebook mo: Hu u?


Mahalaga nga sa atin na kilala ang mga taong malapit sa buhay natin: mga kapamilya, kaibigan, kaopisina, kaeskwela, teacher, at kung sinu-sino pa. Maging sa gamit, pagkain, at kung anu-anong ginagamit at nakakasalamuha natin, importante ang pangalan.

Sa diwang ito iikot ang ating Ebanghelyo ngayon. Isa nang tanyag na tao si Hesus sa Judea noon. Batikang manggagamot, tagapagturo sa dukha, at isang banal na tao, iyan ang pagkakakilala ng lahat sa kanya. Pero ano nga ba? 

Sa Cesarea, magtatanong si Hesus, Sino ako ayon sa mga tao? Maraming pagkakakilalang ibinigay sa kanya, siya daw ay si Juan Bautista, o di kaya ay si Elias, o di kaya ay si Jeremias o ibang propeta. Para sa iba, si Hesus ay pagkakahalintulad ng ibang banal na tao ng nakaraan. Wala nang iba pang mahalaga.

Pero muli siyang nagtanong ng isang tanong na tila personal. Eh kayo? Para sa inyo, sino ako? Sa kanilang nakakakilala ka kanyang kapangyarihan, nais niyang malaman kung tugma nga ba ang kanilang pagkakakilala sa kanyang tunay na katauhan.

Muling pumasok si Pedro sa usapan. Siya na nakasaksi sa hiwaga ng pagbabagong-anyo sa bundok, at nakalakad sa dagat ay sumigaw: Ikaw ang Mesiyas, ang anak ng Buhay na Diyos!  Malinaw na malinaw, walang bahid-duda, kilala nga ni Pedro si Hesus. Sa harap ng pagkakaila ng bayang hudyo, narito siya't buong-lakas na bumigkas ng tunay na pagkakakilala ng kanyang guro.

Pinakilala ni Pedro si Hesus sa mundo bilang Anak ng Diyos na buhay; dahil dito ay binigyan rin ni Hesus si Pedro ng isang mahalagang pagkakakilanlan: Ikaw ay Pedro, at sa batong ito itatayo ko ang aking Simbahan... ibibigay ko sa iyo ang susi ng Langit; ang iyong itali sa lupa ay itatali rin sa Langit; ang kalagan sa lupa ay kakalagan rin sa Langit.

Sa malinaw, ipinagkatiwala ni Hesus kay Pedro ang Simbahan na itatatag sa bisa ng kanyang kamatayan sa Krus. Marami pang darating sa buhay ni Pedro, ngunit malinaw na sa kabila ng lahat ng ito, ay nakikilala niya si Hesus. Kahit na ipagtatwa niya ito ng tatlong beses, mananaig pa rin ang isang pagkakakilala na naghatid sa kanya sa isang panibagong estado sa buhay, bilang tagapamuno ng isang Simbahang matatag at banal.

Ito ang maghahatid sa atin sa pagtatanong, kapag tinanong ba tayo ni Hesus, Sino ako para sa iyo?, ano ang ating isasagot? Tayo ay bininyagan at pinakakain ng tinapay ng buhay at pinagkakaisang-diwa sa pagmamahal na biyaya ng Panginoon, ngunit sa harap ng lahat ng ito, kilala nga ba natin kung sino si Hesus? 

Tayo lamang ang makakasagot nito. Paano? Sa pamamagitan ng ating buhay. Kung nabubuhay tayo ayon sa atas ng Panginoon na magmahalan tulad ng kanyang pagmamahal, siguradong nakikilala nga natin ang ating Panginoon na sinasamba, pinasasalamatan at pinagdarangal sa araw-araw. Hindi sapat ang panalangin lamang; kilala natin si Hesus kung tayo ay nagiging buhay na Ebanghelyo sa pamamagitan ng ating buhay (Bl. Charles de Foucauld).

O, ano na? Kilala nga ba natin si Hesus?

===

HAPPY 21ST BIRTHDAY, BRO. WELDANN!!!
From: urdose.blogspot.com

No comments:

Post a Comment