July 31, 2011
Eighteenth Sunday in Ordinary Time
Fil-Mission Sunday
Is 55,1-3 . Rm 8,35.37-39
Mt 14,13-21
===
Ano'ng ibig sabihin niyan? KAINAN NA! Maging simple lang iyang kainan, o salu-salo ng buong barangay, tiyak na mag-eenjoy ang lahat sa saya na hatid ng selebrasyon. Mas magiging masaya yan kapag may kasamang pagkain o inumin na napakasarap. Kahit na todo-utang na ang naglaan ng handaan, basta makita niyang busog at kuntentado ang mga kumain, ay okey sa alright na iyun para sa kanya!
Eh kung wala kang ipapakain at isang bayan ang mga bisita? Paano na?
Kayo ang magpapakain sa kanila! Iyan ang sagot ni Hesus sa tanong ng mga apostol kung paano pakakainin ang limanlibong lalaki na sama-samang nagkakatipon upang makinig kay Hesus at humiling sa kanya ng pagpapagaling. Dapit-hapon na noon, at malayung-malayo sila sa bayan para bumili ng pagkain. Kung sa bagay, wala rin naman silang pondo kaya paano nga talaga nila pakakainin ang sang-bayan na kalalakihan, wala pa ang mga babae at bata?
Ang solusyon ng mga alagad, pauwiin na ang lahat para tapos ang problema. Tama nga naman di ba? Para walang problema, paalisin na lang at pauwiin na ang lahat. Wala nang pakakainin, wala pang aalalahanin.
Ngunit ang solusyon ni Hesus: Hindi na nila kailangang umuwi! Kayo ang magpapakain sa kanila! Eto na naman si Hesus, malamang na nasa isipan ng mga Apostol. Eto na naman siya, nag-iisip ng kung anu-ano. Paano natin sila pakakainin? Kahit nga limang tinapay at dalawang isda na meron tayo ay hindi sapat para sa lahat!
Ngunit sa limang tinapay at dalawang isda na ito, nakagawa si Hesus ng milagro at paraan upang mapagsalu-saluhan ng lahat. Kinuha niya ang tinapay at isda, nagpasalamat sa kanyang Ama na pinagmulan ng lahat, at iniutos na ipamahagi iyon matapos pagpira-pirasuhin. Nag-aalangan man, ay sinunod ng mga alagad ang utos na ito ni Hesus; ibinahagi nila ang pagkain para pagsaluhan ng lahat. Akala nila ay mapapahiya sila ngunit sila ay nagkamali.
Ang resulta: Nakakain ang lahat mula sa limang tinapay at dalawang isda! Lahat ay nakakain at nabusog! Lahat ay nakuntento! Nakapagtira pa nga ng labindalawang kaing ng sobrang tinapay. Tunay nga na walang imposible sa Diyos, at lahat tayo ay nagagawa niyang pagsalu-saluhin mula sa mumunting piraso ng pagkaing nakakabusog ng katawan at kaluluwa.
Sabi ng ilan, ito raw ay miracle of sharing, iyung pagbabahagi ng lahat ng tinapay na meron sila sa ibang wala, kaya lahat ay nabusog. Pero kung Miracle of sharing nga ang naganap, hindi na mabibigyang-diin ang paghihimala na ginawa ni Hesus sa limang tinapay at dalawang isda. Kung iisipin, kaya siya natawag na himala (at nais ko itong bigyang-diin), ay dahil pinakain ni Hesus ang lahat ng naroon gamit ang ibinigay sa kanya ng mga alagad: ang limang tinapay at dalawang isda. Kung may miracle of sharing man, ay ibang bahagi na iyun ng usapan.
Portion of the Church of the Multiplication of Loaves, Tabgha, Israel |
Hanggang ngayon ay nagaganap itong kababalagang ito. Tuwing pagdiriwang ng Banal na Eukaristiya, ay nagkakasama-sama ang lahat ng Anak ng Diyos saanmang panig ng daigdig. Walang pinipili: banal man o makasalanan. Ang mahalaga, lahat tayo ay nakakabahagi sa iisang tinapay, nakakapagsalo sa iisang katawan, at nakakapagdiwang bilang isang Simbahan. Ito ang buhay na tanda ng naganap na himala noon, na hanggang sa ngayon ay nararanasan natin at ipinagdiriwang!
Kita natin, mga kapatid? Hilingin lang natin sa Diyos! Magpasalamat lang tayo at magpaubaya sa kanya, at ipagkakaloob niya ang lahat ng ating kinakailangan!
Tulad ni Hesus sa Ebanghelyo na kahit na dalawang isda at limang tinapay lang ay nagawang magpakain ng limanlibong tao, kahit na ang imposible ay kakayanin ng Diyos na ganapin, basta hihilingin lang natin sa kanya na may busilak na puso, at mabuting intensyon.
Kung alam ng Panginoon na ito ay para sa ikabubuti ng kapwa natin, makakasiguro tayo na anuman ang ating hilingin, kahit na kasing-imposible yan ng pagpapalit-lugar ng isang bulkan, o pagpapakain sa limanlibong tao o higit pa gamit ang limang tinapay at dalawang isda,ay magaganap.
O, birthday mo ba? Magpakain ka rin naman!!!
No comments:
Post a Comment