Sunday, June 19, 2011

May nagmamahal, kaya may Nagbibigay

June 19, 2011
SOLEMNITY OF THE MOST HOLY TRINITY
Ex 34, 4b-6.8-9 . 2Cor 13,11-13
Jn 3,16-18
===


GLORIA PATRI ET FILIO, ET SPIRITUS SANCTO...

Sinabi ni Rizal, Filipinos don't realize that victory is the child of struggle, that joy blossoms from suffering, and redemption is a product of sacrifice. 

Sa kanyang buhay, itinaguyod ni Jose Rizal ang paglaya ng ating minamahal na bayan mula sa pagkaalipin sa mga Kastila. Sa pamamagitan ng kanyang mga panulat at akda, pinasimulan ang isang malawakang rebolusyon na nauwi sa pagpapalaya ng ating bansa mula sa mga mananakop. Higit sa lahat, inialay niya ang kanyang buhay upang sa pamamagitan nito ay mabuhay sa ating mga puso ang tunay na pagmamahal sa bayan na para rito ay dapat handa tayong ialay ang lahat-lahat.

It kills you to see them grow up. But I guess it would kill you quicker if they didn't.

Halos ganito rin ang pinagdadaanan ng makabagong ama sa ngayon. Sa mga pamilyang nawalan na ng ilaw ng tahanan, makikita natin ang mga haligi nito na doble-kayod at todo sa pagsisikap upang maiangat ang kanyang mga anak mula sa kanilang kabataan at maging ganap na tao sa lipunan. Mga ama na handang gawin ang lahat basta may maipakain lang sa mga nagugutom na supling; upang maipasok sila sa magandang paaralan; upang maibigay sa kanila ang mga pangangailangan nila.

Araw ng Kapanganakan ni Rizal. Araw ng ating mga Ama. Dalawang mahalagang okasyon sa ating bayan na natapat sa araw ng Linggo, na sa Simbahan ay nakatakda sa pagdiriwang ng Dakilang Kapistahan ng ating Banal na IsanTatlong Diyos: Ama, Anak at Espiritu Santo.

May Nagmamahal, kaya may Nagbibigay. Pinatunayan ito ni Rizal. Alam ito ng dakilang mga ama. Higit sa lahat, pinatutohanan ito ng ating Panginoong Hesus sa kanyang kamatayan sa Krus bilang pagtupad sa kalooban ng Ama.  Sa isang malinaw na pananalita, ipinahiwatig ni Hesus ang malaking pag-ibig ng kanyang Ama para sa ating lahat na dahil dito, ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. 

Sa kanyang ministeryo sa bayang Israel, ipinahayag ni Hesus ang Mabuting Balita, nagpagaling ng maysakit, at nagpalayas ng masamang espiritu, na ilan sa mga tanda ng pagkakasugo sa kanya ng Ama mula sa Langit. Ngunit higit sa lahat ng ito, tinupad niya ang kalooban ng kanyang Abba sa kanyang kamatayan sa Krus at Muling Pagkabuhay. Sa mga nananampalataya sa kanya, ay isinusugo ang Espiritu Santo upang maging matatag siya sa pagganap ng Kristiyanong Misyon sa daigdig, ang magmahal sa Diyos ng higit sa lahat at ang magmahal sa kapwa gaya ng kanyang sarili.

Dakilang Pagmamahal, ito ang daloy ng pag-iral ng Santisima Trinidad. Ito ang dahilan ng kanyang pagtubos sa sa ating makasalanang lahi! Ito ang dahilan kung bakit hanggang ngayon, kahit na tayo ay patuloy sa pagsuway, ay patuloy tayong nabubuhay at ginagabayan sa ating mga sasabihin at gagawin. Ito ang siyang magdadala sa atin sa tunay na kaligtasan, basta sumasampalataya lang tayo!

Sa bandang huli, ipinahayag ni Hesus, Hindi hinahatulang maparusahan ang sumasampalataya sa Anak. Ngunit hinatulan na ang hindi sumasampalataya, sapagkat hindi siya sumampalataya sa kaisa-isang Anak ng Diyos. Isa ito sa mga bagay na ating nararamdaman ngayon, hindi lang sa labas ng ating Simbahan, kundi pati na rin sa loob ng Kawan ng Diyos! Tama si Rizal nang sabihin niyang nakakalimot na tayong mga Pinoy na kailangan ng pagsakripisyo upang makamit ang pagtatagumpay ng Inang Bayan. Ngunit sa Kristiyanong pananaw, may mas malalim na interpretasyon rito, at tunay nga na nangyayari sa ating lipunan sa ngayon!  We are already forgetting in greater strides the Gospel of Redemption of God our Father revealed in Jesus Christ and enlightened by the Holy Spirit! 

Sa modernong panahon na kinapapalooban ng teknolohiya at magaang pamumuhay, dahan-dahan nang inaalis sa sistema ng tao ang mga tamang pananaw tungkol sa Diyos at tungkol sa Banal na Pamumuhay. Wala nang kuwenta ang Diyos, ang mahalaga ay ang kanilang mga sariling pagsusumikap para maiangat ang sarili at ang pamilya sa kahirapan. Masakit, pero ito ang ating realidad sa ngayon. At ang realidad na ito ang magdadala ng kaparusahan sa kanila na hindi tumatanggap sa Mabuting Balita ng ating Panginoon!

Tignan natin ang ating mga sarili at pakasuriin: Pinapahalagahan ko pa ba at sinasampalatayanan ang Misteryo ng Dakilang Pagmamahal ng Banal na IsanTatlo? Sa aking pamumuhay, patuloy pa ba akong gumagawa para sa banal at mabuting dahilan, o tulad ng nakakarami ay pinawawalang-halaga ko na lang ang pagtubos sa akin ni Kristo? Dala ng aking pagmamahal, handa ba akong ibigay ang aking sarili para sa paglilingkod sa iba, tulad ng halimbawa ng aking Panginoon? 

Marami tayong ipapanalangin sa araw na ito, tulad ng mga ama natin, o ng mga taong patuloy na lumalaban para sa ganap na kalayaan ng ating bayan. Subalit sa ngayon, wag makakalimot na mag-alay tayo ng panalangin para sa mga kapatid nating natangay na ng agos ng makabagong panahon at hindi na sumasampalataya sa Diyos. Marami na sila sa ating paligid ngayon, marami at higit na dumarami. Ipanalangin natin na sana ay magabayan sila ng liwanag ng Banal na Espiritu upang muli silang makaunawa sa tinanggap nilang pananampalataya at makabalik sa ating komunidad.

Gawin rin natin ang ating mga tungkulin bilang Kristiyanong mamamayan, at patuloy tayong mabuhay sa kabanalan at katuwiran. Mahirap na ngang mabuhay ng ganito sa ngayon, subalit huwag matatakot! Kasama natin ang Diyos. 

Sa atin na sumasampalataya sa IsanTatlong Diyos, patuloy nawa nating maunawaan ang mga salita ni Rizal, that victory is the child of struggle, that joy blossoms from suffering, and redemption is a product of sacrifice. Naganap ito sa misteryo ng ating kaligtasan. Kaligtasan na bunsod ng isang Dakilang Pagmamahal. May Nagmamahal, kaya may Nagbibigay.

No comments:

Post a Comment