June 24, 2011
SOLEMNITY OF THE BIRTH OF JOHN THE BAPTIST
Is 49,1-6 . Ac 13,22-26
Lk 1,57-66.80
===
Maulan at bumabagyo sa araw na ito. Wala pang pasok, kaya makakapagpahinga tayong lahat na may pasok. Pero sa ilang bayan, magandang pagkakataon ang araw na ito upang magbasaan at magpista dahil sa selebrasyon ngayong araw na ito.
Wow! Ano'ng meron?
Ito siguro ang nasa isipan ng mga kapitbahay nina Elisabet at Zacarias noong sumapit ang sandaling isinilang na ni Elisabet ang kanyang nag-iisang anak. Isipin nyo naman, baog si Elisabet, Matanda na sila pareho, tapos nakapagsalita pa si Zacarias na napipi ng siyam na buwan? Napaka-imposible namang maganap ng mga nabanggit sa ating Ebanghelyo sa araw na ito!
Ngunit bago tayo magpatuloy, ay balikan natin ang mga nagdaang mga pagkakataon. Alam natin na sa panahon ni Hesus at ni Juan, ay itinuturing na sinumpa at pinarusahan ang mga mag-asawang hindi magkaanak, lalo na ang mga baog. Ang isang bagong-silang, at ang mga anak na nagmumula sa dalawang mag-asawa ay tanda ng biyaya ng Panginoon, na kinalulugdan sila ng Diyos. Ngayon, sina Elisabet at Zacarias ay isang banal na mag-asawa na naninirahan sa kaburulan ng Judea. Banal ang kanilang pamumuhay, at masunurin sa atas ng Panginoon. Pero may twist, sila ay walang anak. Baog kasi si Elisabet, at pareho na silang matanda kaya wala na talagang pag-asa na magkaroon pa sila ng supling.
Matatandaan natin na sa pagdiriwang ng Pista ng mga Hudyo, ay si Zacarias ang nakatokang manguna sa pag-iinsenso at pananalangin sa Dakong Banal ng Templo. Subalit may hiwagang nagpakita sa kanya, si Gabriel na Anghel ng Panginoon. Ipinahayag nito sa kanya na may isisilang siyang isang lalaki, taglay ang espiritu at kapangyarihan ni Propeta Elias. Siya ang magiging tagapanguna sa pagbabalik-loob ng mga Israelita. Siya nga ang mangunguna sa paglalaan ng daan para sa Panginoon.
Pero ano'ng nasa isip ni Zacarias? 'Ano'ng Meron? Ako? Magkakaanak?' Hindi talaga siya makapaniwala sa mga narinig niya mula kay Gabriel. At napuno ang kanyang isipan ng pagtataka, na dahil dito ay kanyang nasabi, Paano ko pong matitiyak na mangyayari iyan? Ako'y matanda na at gayundin ang aking asawa. Dahil dito, ay naglapat ng mahiwagang tanda si Gabriel kay Zacarias. Dahil sa hindi ka naniwala sa mga sinasabi kong matutupad pagdating ng takdang panahon, ikaw ay magiging pipi. Hindi ka makakapagsalita hanggang sa araw na maganap ang mga ito.
Lumipas nga ang ilang linggo at nagsimula na ang katuparan ng mga pahiwatig ng Anghel. Naglihi na si Elisabet! Isa itong tanda ng paglingap para kay Elisabet, Ngayo'y kinahabagan ako ng Panginoon. Ginawa niya ito upang alisin ang sanhi ng aking kahihiyan sa harap ng mga tao! Samantala, nalaman ito ng mga kapitbahay nila at nagtaka rin sila. Ano'ng meron? Si Zacarias naman, ayu't hindi makapagsalita, naipi kasi siya. Tahimik lang niyang tinitignan ang mga nagaganap sa kanyang paligid. Nagtataka't nag-iisip, Ano'ng meron?
Lumipas na nga ang siyam na buwan, at sa sandaling isinilang ni Elisabet ang bata, silang lahat ay tuwang-tuwa. Naging instant headline ang mag-asawa, at malamang ay naging laman sila ng kuwentuhan ng mga babae sa mga lansangan. Imposible nga naman itong mangyari, pero naganap! Ano'ng meron sa kanila?
Makalipas naman ang walong araw, ay naganap ang pagtutuli sa sanggol. Nais nilang lahat, Zacarias rin ang ipangalan sa bata, ngunit pinili ni Elisabet na ipangalan sa bata ang Juan, Yohannan, mapagbiyaya ang Diyos. Pinagtalunan pa nga ito ng madla, dahil sa tradisyon ng mga Hudyo, ipinapangalan sa mga ama at mga ninuno ang mga anak. Pero iba ang nais ni Elisabet! Ano na namang meron? Dahil diyan, ay hiningi nila ang payo ng ama ng bata. Humingi nga si Zacarias ng masusulatan at sinulat niya ang bagay na mas magdadala ng pagtataka sa taong-bayan.
Ioannes est nomen eius!
At matapos nito, ay nawala ang pagkapipi at nakapagsalita na si Zacarias! Benedictus Deus Dominus Israel! Lubos itong pinag-usapan sa buong kaburulan ng Judea ang mga naganap sa tahanan nina Elisabet at Zacarias, at ang kanilang tanong: Naku! Ano'ng meron sa batang ito? Obvious na sumasakanya ang Panginoon!
Isinilang si Juan, at nagsimulang umalingawngaw ang tinig sa ilang. Napakamahiwaga ng araw na ito. Sa pagsilang kay Juan Bautista, nagdala ng paglingap ang Diyos sa kanyang minamahal na bayan, isang pasimula sa kaligtasang paparating. Sa hindi nakakaunawa, mapapabulalas rin sila sa pagtataka, Ano'ng meron?
Ang pagsilang ni Juan ang nagbigay ng buhay sa tigang na sinapupunan. Walang anak sina Elisabet at Zacarias dahil sa pagkabaog at katandaan. Pero sa pagdating ni Juan, umusbong ang buhay sa kanilang kawalan. Imposible itong maganap sa kapanahunan nila, subalit pinag-adya ng Panginoon upang maging tanda ng kanyang pagmamahal sa mga taong tapat sa kanya.
Nagbalik ang boses ni Zacarias sa pagsilang kay Juan. Si Zacarias ang tipo ng taong kailangan muna ng pruweba para maniwala. Dahil dito, siya'y napipi. Subalit pinanganak si Juan at bumalik ang kanyang tinig. Malinaw na sa kanya ang lahat, at siya'y napasigaw sa papuri. Makikita natin dito ang kapangyarihan ng Diyos na mapag-ganap ang lahat ng bagay, na walang imposible sa kanya!
Si Juan ang tulay sa kaligtasan ng bayan ng Diyos. Pansinin natin, isinilang si Juan sa matatandang magulang, samantalang si Kristo ay isinilang kay Birhen Maria at age 14 or 16. Ito ang tanda ng pagwawakas ng Lumang Tipan, at pasimula sa Bagong Tipan kay Kristo. At si Juan ang tumayong tulay na nag-uugnay sa mga propesiya noon at sa katuparan nito sa pagdating ng kanyang pinsang si Hesus.
Eh, ano'ng meron, sa panahon natin ngayon? Malinaw na ang kapanganakan ni Juan ang nagpasimula sa pagdating ng kaligtasan sa Israel. Sa panahon natin ngayon na napapaligiran ng kawalan ng pananampalataya, tinatawag rin tayong manguna sa pagbabalik-loob ng ating kapwa pabalik sa Diyos. Hindi na natin kailangan ng mga kababalaghan upang tawagin ang ating mga naliligaw na kapatid pabalik sa tuwid na mga gawi. Kailangan lang nating maging tapat at mabuti sa ating iniisip, sinasabi at ginagawa. Pagmamahal na higit sa Diyos at sa kapwa bago
Matatanong natin sa ating sarili, Paano tayong tumatayong tanda sa pagdating ni Hesus sa makabagong panahon? Sa ating buhay-pananampalataya, makikita bang malinaw sa atin ang pagdating ng kaligtasan? Nagiging dahilan ba tayo ng pagbabalik-loob ng ating kapatifd? Tulad ni Juan, palagi bang Adbiyento sa ating mga buhay sa paghahanda sa Pasko ng Kaligtasan?
Ano mga'ng meron sa araw na ito? Simple lang ang sagot: Ang pagsilang kay Juan Bautista at pagsilay ng bukang-liwayway ng ating kaligtasan. Hamon sa atin ngayon na tulad ng kapanganakan kay Juan na nagdala ng tinig sa ilang, tayo rin ay magsilbing tinig at mukha ng kaligtasan na dumarating sa atin sa pamamagitan ni Hesus. Sa una, mapag-iisip ang ating mga kapatid at masasabi nila, Ano'ng meron? pero sa sigasig ng ating ministeryo at sa higit nating pananalangin, maaakay rin natin sila patungo sa Diyos.
No comments:
Post a Comment