June 05, 2011
SOLEMNITY OF THE LORD'S ASCENSION
World Communications Day
Ac 1,1-11 . Eph 1,17-23
Ac 1,1-11 . Eph 1,17-23
Mt 28, 16-20
===
Malaki ang tulong ng social media sa ngayon: Cellphone, Facebook, blogging, YM. Ang dating mga mahirap abutin na lugar kung saan naroon ang ating mga mahal sa buhay, ngayon sa simpleng pindot lang ng mga button ay nakakausap, nakakamusta na natin sila, at nakakasalamuha. Parang hindi sila malayo sa atin. Sabi nga ng ilan, Global Community na tayong lahat, hiwa-hiwalay man dahil sa agwat at distansya, sa makabagong anyo ng komunikasyon lahat ay magkakalapit, lahat ay magkakapatid.
Sa araw na ito, ipinagdiriwang ng Simbahan ang pag-alis ng isang dakilang tao, ng isang Panginoon. Umalis si Hesus, umakyat sa Langit pabalik sa kanyang Ama. Umalis siya makalipas ang apatnapung araw ng kanyang Muling Pagkabuhay. Natapos na ang unang bahagi ng kanyang misyon dito sa lupa. Natupad na ang kasulatan na isang taong banal ang darating sa atin, makikipamuhay, mamamatay ngunit muling mabubuhay. Naganap na ang lahat ng ito kay Hesus. At dahil nga natapos na ang kanyang bahagi, kailangan na niyang bumalik sa pinanggalingan niya. Kailangan na niyang umalis.
Subalit, bago siya umalis ay nagbilin muna siya sa kanyang mga alagad kung ano ang kanilang gagawin. Hindi niya iniwanang walang gagawin ang kanyang mga apostol at disipulo. Humayo kayo't gawing alagad ko ang mga bansa! Binyagan sila sa ngalan ng Ama, Anak at Espiritu Santo, at ituro ninyo sa kanila ang lahat ng iniutos ko sa inyo. Sabi pa nga sa Unang Pagbasa, Tatanggap kayo ng kapangyarihan pagbaba sa inyo ng Espiritu Santo, at kayo'y magiging mga saksi ko...
Sa kabila ng takot na dinadala sa kalooban ng mga banal na tagasunod niya, pinalakas ni Hesus ang kanilang puso. Sa pag-aakalang hindi na nila kasama si Hesus pagkatapos ng lahat ng ito, ay kanyang winika: Tandaan ninyo, kasama ninyo ako hanggang sa katapusan ng panahon!
Tignan natin ang pananaw ng mga Alagad sa pag-alis ng Panginoon. Karamihan siguro sa kanila'y umiiyak. Ang ila'y nag-aalinlangan. Ang iba'y parang tulalang hindi alam ang nangyayari. Malayo nga sa kanila si Hesus, subalit sa mga huling tagubilin sa kanila ng Guro, sila ay nakakuha ng higit na lakas at tibay ng loob upang pasimulan ang isang panibagong yugto sa kanilang buhay, at sa buhay ng daan-daan at libu-libong taong nananampalataya kay Hesus. Hindi pa naman ito ang sukdulan ng lakas na kaloob sa kanila ng Panginoon, sapagkat tulad ng kanyang sinabi (at pinag-nilayan natin noong nakaraang linggo), ay may darating na isang makapangyarihang Espiritu na magbubunsod sa kanila upang simulan ang isang komunidad ng mga mananampalataya na nabubuhay at naglilingkod sa pagmamahalan.
Sa ngayon, itong tagubilin ni Hesus ang nagsisilbi nating lakas sa harap ng araw-araw na pagsubok. Lalo na sa mga sandaling parang gulung-gulo na ang isipan natin, iyung hindi na natin alam ang ating gagawin. Doon sa mga sandaling iyon ng pag-aalinlangan at pangamba, na kahit ang mga teknolohiya sa ngayon ay walang maibigay na solusyon sa ikasisiya ng ating kalooban, umaalingawngaw sa kaibuturan ng ating mga puso ang isang tinig na nagsasabi, Kasama ninyo ako hanggang sa wakas ng panahon! Huwag matakot! Sa mga hindi pumansin rito, malamang ang kanilang gagawin ay wakasan na ang 'pesteng' buhay na ito. Subalit sa mga nakinig sa tinig na ito, tumanggap rito at inihimpil sa kanilang kalooban patungo sa kaliwanagan ng mga bagay-bagay, sila ay nagpapatuloy sa buhay na masigla, masigasig at may galak sa puso. Alam kasi nila na walang anumang pagsubok ang makakapagbagsak sa kanila. Wala, sapagkat kasama nila ang Panginoon.
Maitatanong natin, Sa panahon na ito na kinatatampukan ng makabagong teknolohiya at mga gadget na digital (android pa nga), paano natin nasasalamin ang hiwaga ng mga salita ng Panginoon na nagpapahiwatig ng kanyang pagiging kaisa natin sa lahat ng oras? Mas binibigyan pa ba natin ng pansin ang tinig ni Hesus o ang tinig ng makabagong teknolohiya?
Habang tayo ay nagpapatuloy sa ating Kristiyanong misyon dito sa lupa, hinahamon tayo ng ating Panginoon na ipagpatuloy ang kanyang mga nasimulan. Oo, nakakatulong ang makabagong teknolohiya at mga pamamaraan ng social communication, subalit pakaiisipin natin na ang ating pananalangin at pakikipagniigan natin sa Panginoon ang higit na mahalga, sapagkat sa kanya lamang natin maririnig ang mga salita na kahit na hindi natin siya nakikita ay nararamdaman nating nandiyan siya: Kasama ninyo ako, hanggang sa katapusan ng panahon!
(To read the message of Pope Benedict XVI for the 45th World Communications Day: http://sirbitz.blogspot.com/2011/06/message-of-pope-benedict-xvi-for-world.html)
(To read the message of Pope Benedict XVI for the 45th World Communications Day: http://sirbitz.blogspot.com/2011/06/message-of-pope-benedict-xvi-for-world.html)
No comments:
Post a Comment