Saturday, June 11, 2011

Malaya sa Espiritu ng Katotohanan!

June 12, 2011
SOLEMNITY OF PENTECOST
Philippine Independence Day
Ac 2,1-11 . 1Cor 12:3b-7, 12-13
Jn 20,19-23
===
Sumainyo ang Kapayapaan! ... Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo! 

Maligayang Kaarawan sa ating Inang Simbahan! Opo, sa araw na ito ng Pentekostes, dumating ang ipinangako ni Hesus, at ang hinihintay ng mga Alagad, ang Espiritu Santo sa anyo ng dilang apoy. Sa araw na ito ng pagpipista ng mga Hudyo sa isang masaganang ani, ay ninais ng Panginoon na pasimulan ang pag-aani ng bunga ng pananampalataya kay Hesus. Nasaksihan ng buong mundo ang pagpapamalas na ito ng Panginoon (sa pananda ng mga pinagmulan ng mga bisitang nakikipista - Unang Pagbasa). 3000 katao ang nagpabinyag sa araw na ito sa Herusalem tanda ng kanilang pagtanggap sa turo at pananampalatayang si Hesus ang tagapagligtas ng Sanlibutan. Dito nagsimula ang pamumuhay ng Kristiyanong Komunidad na nagpapatuloy hanggang sa ating panahon.

Maligayang Araw ng Kalayaan!113 taon na ang nakalipas noong iwagayway ni Emilio Aguinaldo ang watawat at idineklara ang kalayaan ng ating bayan mula sa Espanya. Espiritu ng kalayaan ang umiral sa panahong iyon. Binuwisan ng dugo ng mga mandirigma, pinaglaanan ng pluma ng mga dakilang manunulat, at minahal hanggang kamatayan ng mga masidhing kababayan. Isipin natin, mula sa kilabot at bagsik ng mga 'mapang-aping' kastila, tumayo ang Pilipino at nakipaglaban upang makamit ang ating kalayaan.

Masasabi nga ba nating nagkataon lang ang pagtama ng pagdiriwang ng Independence Day nating mga Pilipino sa Dakilang Kapistahan ng Pentekostes? 

Maraming suliranin ang kinakaharap ng ating bayan ngayon. Una na ang patuloy nating pakikibaka sa RH bill, na tulad ng ibang mga balita ay daan-dahan nang tinatabunan ng ibang mga balita at nawawala na sa ere habang ang mga mambabatas ay binibigyan na ito ng madaliang paraan upang maipasa. Kapag idinagdag pa natin dito ang Divorce Bill at Same Sex Bill, at maipasa ang lahat ng ito, masasabi na nga nating isa na tayong bansa na pilit na sumusunod sa mga kanluraning bansa pagdating sa paglapastangan sa buhay upang makuha lang ang kanilang interes at paggalang.

Nariyan rin ang naganap na biglaang pagkamatay ng mga isda sa Pangasinan at Batangas bunga ng kawalan ng oxygen at ng pananamantala ng ilang nagmamay-ari ng mga kulungan ng isda. Dahan-dahang nauungkat ang mga kawalang-katarungan ng iilan sa mga niliha ng Diyos sa karagatan. 

Bukod pa rito ang tahimik na mga suliranin tungkol sa paglapastangan sa buhay, pamilya at tagapag-ingat ng inang kalikasan. Habang ang ilan ay nagpapatuloy sa pakikibaka para sa katotohanan, ang karamihan ay patuloy na nagkikimkim ng salapi, at ginagawa ang kanilang mga masamang balakin upang mawagian lamang ang kanilang luho.


Ito, bukod pa sa mga iba, ay mga isyu na hindi lang sumasalamin sa ating mga kinakaharap bilang isang bayang malaya, kundi bilang isang Komunidad ng mga mananampalataya na kinakasihan ng Espiritu ng Katotohanan na buhat sa Panginoon. Wala naman itong kwenta sa ilan, at ipinagkikipit-balikat ito, ngunit para sa iilang nagpapahalaga, ito ay isang tanda ng kanilang pagtugon sa panawagan ng binyag (baka nalimutan ninyo na, Pari-Hari-Propeta), pati na rin sa hamon ng pagiging tunay na makabayan (Makadiyos, Makakalikasan, Makatao at Makabansa).


Kung tayo ay tunay na gumaganap sa tawag ng Kristiyanong Binyag, tayo ay may ganap na lakas na maging bahagi ng pagpapanibago ng ating Inang Bayan! Kaya kung tatanungin natin kung nagkataon lang ang pagtapat ng Araw ng Kalayaan sa Kapistahan ng Pentekostes, posibleng niloob ito ng Panginoon, dahil sa gulo at windang na nararamdaman nating mga Pilipino sa ating kapaligiran ngayon, hindi malayong niloob itong maganap ng Diyos. Sabi nga ni San Pablo, Ang Panginoong binabanggit dito ay ang Espiritu, at ang Espiritu ng Panginoon ang nagbibigay sa atin ng kalayaan. (2Corinto 3,17) Sa kaliwa't kanang pag-uusig ng mga makasariling tao sa kalooban ng Diyos at utos ng Simbahan, masasabi nga nating pinagkaloob ito ng Panginoon, upang ipaalala sa atin na kapag hindi na tayo ginagabayan ng pamamahala ng tao, ay hindi magbabago ang utos ng Diyos.

Tandaan natin ang dalawang bagay, mga kapatid!


Una, Maraming kaloob at bunga, subalit ang Espiritu Santo ay naghahatid ng pagkakaisa sa lahat!  (Ikalawang Pagbasa) Ang nagmamahal at tumutupad sa atas ng Diyos ay pinanahanan ng Espiritu Santo. Kahit na ano'ng pinagkaloob sa atin ng Diyos, ito ay nagdadala sa ating maglingkod sa komunidad. Ito ay nagbubunsod sa atin na ialay ang buhay at paglilingkod para sa iba, na hindi naghihintay ng kapalit. Sa huli, ito ay binibigyan tayo ng lakas upang sa kabila ng mga pag-uusig ng iilan, ay maipakita natin ang iisang tinig, ang tinig ng Diyos.


Ikalawa, sa harap ng ligalig at takot, ang Espiritu Santo ang nagdadala sa atin tungo sa tunay na kapayapaan! Si Hesus na mismo ang nagpapahayag nito, Sumainyo ang Kapayapaan! Sa pagtahan sa atin ng Banal na Espiritu, ay dumaratal sa atin ang kapayapaan. Ito ang nagsisilbing tanda na sumasaatin ang Diyos. isang halimbawa nito ay si Maria, noong tanggapin niya ang kalooban ng Panginoon na dahil dito'y naging mapayapa ang kanyang kalooban na tanggapin si Hesus sa kanyang sinapupunan.


Pansin ninyo bang sa kabila ng 113 taon ng ating pagiging malaya, tayo ay nakakaramdam pa rin ng takot at karahasan? Nakikita pa rin ba natin ang bakas ng pagkakanya-kanya at pagiging makasarili? Kahit nga ang tinig ng Diyos ay pinagwawalang-bahala na rin sa ngayon! Hindi ko naman po sinasabing nawawala na ang Espiritu Santo sa atin, subalit sa harap ng mga paglalapastangan sa kalooban ng Diyos, hindi na po nakakapagtakang dahan-dahan na itong pinagwawalang-bahala sa ating panahon sa ngayon. 


Nasaan na nga ba ang biyaya ng Espiritu Santo na ating natanggap noong binyag? Tignan natin ang ating mga sarili at pakaisipin ito. Bukod sa buhay, ito ang pinakamagandang biyaya na kaloob sa atin ng Diyos, ang Espiritu ng kabanalan, kapayapaan, at katarungan. Ito ang naghahatid sa atin sa wastong pamumuhay at pagmamahalan kaisa ng ating kapwa. Ito ang gagabay sa atin upang piliin ang tama at magdadala sa atin sa tunay at ganap na kalayaan, kasama ng Diyos. Hindi natin ito makikita sa ibang lugar sa mundo, ngunit at higit, sa piling lamang ng ating Diyos sa langit. Kung taglay natin ang Espiritu Santo sa ating mga sarili, tunay nga na matatawag natin ang ating mga sarili na Kristiyano. Ito rin ang magbubunsod sa atin upang gumawa at magtulungan upang itaguyod ang ganap na kalayaan ng ating minamahal na bayan na matagal na nadidiliman ng takot ng nakaraan. 


Dobleng pagdiriwang ang araw na ito. Parehong pasimula sa isang malayang bayan at sa isang pinabanal na kawan. Dumalangin nga tayo sa Diyos na patuloy niyang isugo ang Espiritu Santo sa ating bayan, lalo na sa mga nangunguna rito. Dinggin nawa nila ang tinig ng Diyos at hindi ang kanilang sariling interes lamang. Dumulog tayo para sa Simbahan na nanatiling tapat sa kalooban ng Panginoon sa nakalipas na panahon upang manatili itong nagtuturo at lumalaban para sa katotohanan at kabanalan. 


Higit sa lahat, ipanalangin natin sa Banal na Espiritu ang ganap na pagpapanibago ng ating mga sarili, upang lalo siyang manahan sa ating kalooban, at magbunsod sa ating patuloy na gumawa, tumulong at magmahal sa iba, tanda na sumasaatin nga siya, at tanda na tayo man ay handang makiisa sa pag-unlad ng ating bayan dito sa lupa, bilang paghahanda sa ating pananahan sa makalangit na bayan.

No comments:

Post a Comment