June 26, 2011
SOLEMNITY OF THE BODY AND BLOOD OF JESUS CHRIST
(CORPUS CHRISTI)
Dt 8,2-3.14b-16a . 1Cor 10,16-17
Jn 6,51-58
===
Kamusta ang Misa na dinadaluhan mo ngayon? Pang-ilang Misa mo na ito sa buwang ito? Sa taong ito? Sa tanang buhay mo? Nabibilang mo pa ba sa daliri mo kung ilang Misa na ang pinuntahan mo?Kung ilang beses mo nang pinakinggan ang Salita ng Diyos to the sleeping point? O kung ilang beses ka nang pumila para tanggapin ang Ostiya na parang simpleng pagkain lang para sa iyo?
Ano ang pakiramdam na muli ka pang nagkaroon ng pagkakataon upang maranasan ang pag-ibig ng Diyos sa Sakramento ng Eukaristiya? Naa-appreciate mo pa basi Hesus sa anyongTinapay at Alak? Nakikita mo ba sa likod ng pagkain at inuming ito ang pagmamahal sa iyo ni Hesus? Ramdam mo bang buhay sa iyo si Hesus?
O isa na naman itong Misang ito sa mga nagdaang Misa na pinagwalang-bahala mo? Dumalo ka lang ba para masabing, ‘yan! Nakasimba na ako! Tapos na ang obligasyon?’
Marami bang tanong? Sandali!
Naisipan ko lang naman na itanong ang mga ito dahil madalas na kasing nakakalimot ang mga kapatid natin sa kung ano’ng meron sa Banal na pagdiriwang! Dala ng makabagong mga pananaw, dahan-dahan na ring nawawala sa sirkulasyon ang pagkilala sa presensya ni Hesus sa Misa. Kesyo isang makalumang bagay na lang daw ang Misa, kasama ng pagkilala sa ating pananampalataya sa kabuuan nito.
Sa totoo nga nyan, parang kakaiba na ang turing sa iyo kapag sinabi mong, ‘nagsimba ako’ sa mga kamag-anak mo na nagtatanong kung saan ka galing. Mas tatanggapin pa nila kung sasabihin mong nagpuntaka sa mall o sa bahay ng kumare kesa sa manggaling ka sa simbahan upang making ng Misa. Dagdag pa diyan ang turing sa iyo na para kang santo dahil dumalo ka sa Eukaristiya, at dahil dyan ay hindi ka na nila maabot.
Makabago, no? At tunay na kakaiba sa ating panahon. Pero ito nga ang totoo! Kasabay ng pagkawala ng pagkakilala sa IsanTatlong Diyos, ay nawawala na rin ng dahan-dahan ang respeto sa Banal na Sakramento. Mula sa pananamit (pasintabi sa mga naka-micromini at backless dyan!), hanggang sa karumihan ng ating mga kaluluwa (tapatan po, sino sa inyo ang nangumpisal bago ang Banal na Misang dinaluhan ninyo?), napakalayo na ng ating pagkilala sa Sakramentong ito ng kaligtasan natin. Mula sa hapag ng kabanalan at pagkakaisa, ito ngayo’y naging isang ordinaryong bagay na lang sa atin para puntahan at daluhan.
Buksan ulit natin ang ating kamalayan! Hindi lamang ordinaryong tinapay ang ating tinatanggap sa bawat Misa! Sinabi nga ni Hesus sa karamihan, Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan! Muli ko siyang bubuhayin sa huling araw! Ang katawan niyang ibinigay sa atin sa Huling Hapunan ay ang parehong Katawan na ating tinatanggap sa Banal na Misa. Ito ay nagdudulot ng iisang biyaya, Buhay na walang hanggan. Buhay na kasama at kapiling ng Diyos. Buhay na palagi niyang ipinagkakaloob sa atin!
Ang tinapay na ito ang nagdadala sa atin sa ganap na pagkakaisa at pagbubuklod bilang iisang Simbahan, Iisang katawan in Christi capitis! Sabi nga ni Pablo, yamang isa lang ang tinapay, tayo’y iisang katawan bagamat marami, sapagkat nakikibahagi tayo sa iisang tinapay! (Ikalawang Pagbasa) Sabi nga nila, sa bawat Misa ay nagsasama ang langit, lupa at ang mga kailaliman upang magsalo sa iisang piging ng kaligtasan. Ang patikim ng langit sa lupa, iyan pa nga ang tawag sa Misa, dahil sa mahiwagang pagkakaisangi to. Nakakapangilabot kung iisipin subalit pinagwawalang-bahala na rin ito sa panahon natin ngayon.
Marami tayong mapagninilayan tungko sa Sakramento ng Eukaristiya, na siya nating ipinagdarangal ngayon. Pero bago tayo lumalim, ay pakaisipin natin ang paraan ng ating pagtanggap sa panahong ito. Ang Eukaristiya ay hindi lamang parang TV show na pagkatapos panoorin ay tapos na; ito ay isang sagradong kaganapan. Ito ay ang pagpapakita ng Diyos ng kanyang pagmamahal, at ito rin ang manifesto ng ating pagkakaisa! Nakikipag-usap si Hesus sa atin sa bawat Misa, at higit pa riyan ay ipinagkakaloob niya muli’t-muli sa atin ang kanyang Katawan at Dugo para ating pagsaluhan.
Kung may bagay pa nga na hindi nagbabago sa ating panahon, ito ay ang pag-ibig ng Diyos. Ito ay palagian nating nararanasan sa Eukaristiya. Kapag nawala na ito sa ating sirkulasyon, marahil ay kasabay na nitong mawawala ang ating pagkilala sa Diyos at sa ating kaligtasan. May Misa, kasi mahal tayo ng Diyos. Nagkakasala man tayo, subalit sa bawat pagsimba natin ay patuloy nating nararanasan kung gaano kalaki ang pagmamahal niya sa atin. Ito ang totoo!
Ito ang hamon sa atin sa araw na ito: Mahalin ang bawat Misa na ating dinadaluhan. Ipagpitagan ang dakilang gawain ng Diyos para sa ating lahat na makasalanan. Ihanda ang ating sarili bago tanggapin si Hesus sa komunyon. Magsuot ng mga nararapat na damit bago pumunta sa Misa. Pakinggang mabuti ang bawat Salita ng Diyos sa Liturhiya. Tumugon ng nararapat na sagot at awitin. Sa ibang salita, Ituring ang Misa na pinakamahalaga sa ating mga lingguhang gawain, at isunod ang ating mga naisin at ginagawa sa araw-araw sa lingguhang Pagdiriwang ng kabanalan at pagkakaisa.
Sa mga darating na pagkakataon, ay magkakaroon na ng pagbabago sa ating mga pagdiriwang, lalo na sa mga pagsagot natin sa Misa. Ang dating And also with you, ngayo’y magiging And with your spirit.Dati, Lord ,I’m not worthy to receive you, ngayo’y magiging Lord,I’m not worthy that you should enter my roof. Malapit na ring magbago ang mga pagtugon sa Filipino Mass. Isa itong malawakang pagbabago sa ating paraan ng pagdiriwang, subalit iisa pa rin ang ipinagdiriwang at iisa pa rin ang ating tatanggapin rito, ang Katawan at Dugo ni Kristo. Kung ngayon pa lang ay hindi na natin pinahahalagahan at nauunawaan ang hiwagang Eukaristiya sa paraan ng pagdiriwang natin, paano pa kapag dumating na ang pagbabago? Tameme na tayong lahat?
Kaya nga, buksan natin ang mga puso natin at muli-muling tanggapin si Hesus. Siya ay dumarating sa anyong tinapay at alak upang ipaunawa sa atin ang kanyang mga naisin. Siya ang magbubukas ng ating mga isipan sa mga naisin niya para sa ating mga buhay at para sa kanyang minamahal na sambayanan. Muli’t muli niyang ipinapahiwatig ang kanyang pagmamahal para sa atin, at ang hangad niyang ibigay sa atin ang buhay na walang hanggan. Palagi naman niya itong inilalaan sa atin sa Sakramento ng Eukaristiya. Ang kulang lang ay ang ating pagtanggap at pagmamahal rito. Mahal tayo ni Hesus, kaya may Eukaristiya!
Panis Angelicus! |
No comments:
Post a Comment