July 01, 2011
SOLEMNITY OF THE SACRED HEART OF JESUS CHRIST
Dt 7,6-11 . 1Jn 4,7-16
Mt 11,25-30
===
Siguro, iilan na lang ang hindi nakakaalam na ang Puso ang itinuturing na sentro ng mga emosyon ng tao. Kapag tumibok daw ang puso, ibig sabihi’y may nais tayong patungkulan ng pagmamahal. Kapag nasaktan ang puso, ibig sabihin, nasawi na tayo sa pag-ibig. Kapag naman nasobrahan tayo sa taba, ang uwi niyan ay atake sa puso, at kapag nasobrahan pa nga ay libingan na ang dulo. Puso na nga siguro ang isa sa mga naaabusong bahagi ng katawan natin, madalas pa nga ay pinagwawalang-bahala ito.
Subalit kapag inilagay natin ang Puso sa Kristiyanong dimensyon, iisang bagay ang unang pumapasok sa isipan natin: ang Kamahal-mahalang Puso ng ating Panginoong Hesus. Isang Puso na hindi nagkakamali sa pagpili ng mamahalin. Pusong hindi nag-aalangan na magmahal kahit na sa taong pinakakinakalimutan na. Pusong iniaalay ang buhay ng palagian para sa mga makasalanan.
Ang ating Ebanghelyo ngayon ay nakatuon sa isang paanyaya: Lumapit kayo sa akin, kayong mga nahihirapan at nagpapasan ng mabigat, at kayo’y pagpapahingahin ko. Isa itong paanyaya ng isang mahabaging Diyos, na nalalaman ang ating mga paghihirap, mga tiisin at problema. Alam ng Diyos na ito ang ating mga pamanhik, mga naisin, mga hirap at tuwa. Alam nga ito ni Hesus, at dahil dito’y nag-iimbita siya: Lumapit kayo sa akin… pagpapahingahin ko kayo!
At saan pa nga ba magmumula ang pahingang ibibigay ni Hesus, kundi mula sa Kanyang Mabathalang Puso! Dito niya ibinibigay ang kanyang mga biyaya, dito niya ibinubuhos ang kanyang awa sa atin, at dito bumubukal ang lahat ng mga pagpapalang nagmumula sa kanyang Ama para sa ating lahat na makasalanan!
Bakit hindi na natin nakikita ang biyayang ito? We always spend our every day in worldly affairs, in sex and drugs. We tend to place the burden in ourselves, and often forget the Divine Providence that God lays in store for us! Trabaho tayo ng trabaho, lakad ng lakad, kung anu-ano na ang mga pagkakaabalahang ginagawa natin. Pinapatay na tayo ng stress, pero tinatago lang natin ito sa ating nga sarili, ni hindi nga natin naisip na ipagkatiwala ito sa iba!
Akala ba natin, wala nang makikinig sa atin? Iniisip ba nating wala nang dadamay sa atin, na wala nang magmamahal?
DEUS CARITAS EST! Hindi sa inibig natin ang Diyos, kundi tayo ang inibig niya at sinugo ang kanyang Anak upang maging handog sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan. (Ikalawang Pagbasa) Ang Diyos ang bukal at kabuuan ng pag-ibig! Sa Pusong mahal ni Hesus, naroon ang isang nakakaintinding Diyos, isang nakakaunawang Diyos, isang nagmamahal na Diyos! Habang ang buong mundo ay kinalimutan na tayo at binalewala, narito si Hesus! Narito ang Puso niyang patuloy na nagmamahal at umaakay sa atin!
Ang Pagmamahal na ito ay nakikita rin natin, nalalasap at nararamdaman. Ito ay nasa Banal na Sakramento ng Eukaristiya! Sa Katawan at Dugo ni Kristo na ating natatanggap, tayo ay nabibigyan ng pagkakataon na maramdaman at maranasan ang hiwaga ng pagmamahal at pagpapahingang handog ni Kristo para sa nagtitiwala sa kanya. Ito na nga ang dakilang pagpapahiwatig ng pagmamahal ng Diyos!
Kung sa ating lengwahe, ang puso ang pinaka-inaabusong bahagi ng katawan ng tao, sa lengwahe ng Diyos, ito ang pinagmumulan ng pagmamahal niya at pamamahinga para sa tao. Hindi natin makikita ito sa kahit saan pa, kundi sa isang Puso na dakila at mapagmahal, isang Puso na pinagmumulan ng mga biyaya at awa para sa ating lahat. Ito ang Puso ni Hesus. Ito ang Puso ng Pamamahinga at Pagmamahal.
Sanctissimi Cordis Iesu, miserere nobis!