Thursday, March 24, 2011

TANGGAPIN ANG BUHAY, WAG PATAYIN!

March 25, 2011
SOLEMNITY OF THE LORD'S ANNUNCIATION
National Day of the Unborn Children
Is 7:10-14; 8:10 . Heb 10,4-10
Lk 1,26-38
==========

 Ecce ancilla Domini,
Fiat mihi secundum verbum tuum.

Kung nalalaman ng bawat Katoliko ang ibig sabihin ng mga salitang Latin na iyan, masasabi nilang, teka... dinarasal namin yan ah!

Oo, lagi natin itong dinarasal sa Angelus tuwing ikaanim na oras (6:00 AM, 12:00 NN, 6:00 PM). Ito na nga yata ang isa sa mga pinakakilalang dasal sa Simbahang Katoliko, lalo na dito sa Pilipinas. Pinagninilayan natin sa sagutang ito ang hiwaga sa likod ng pagkakatawang-tao ni Hesus. Kaloob ito ng Diyos sa tao, at sa pag-oo ni Maria, ay sumilay ang kaligtasan sa ating lahat na makasalanan.

Hindi na siguro natin kailangang bumalik sa kapaligiran ng Annunciation. Alam na nating si Gabriel ay sinugo ng Diyos sa Nazareth. Nagdala siya ng balita kay Maria. Pinahayag niya na magsisilang siya ng anak sa kapangyarihan ng Espiritu Santo, at papangalanan niya itong Hesus. Given na ang sitwasyon. Siguro, mas naaangkop na bigyan natin ng focus ang pagtugon ni Maria sa panawagang ito ng Anghel.

Ako ay alipin ng Panginoon, maganap sa akin ang iyong sinabi...

Di nagdalawang-isip si Maria na sumunod sa kalooban ng Panginoon. Sa kanyang OO, pinatunayan niya na siya ay isa lamang nilalang ng Poon, at ang tangi niyang tungkulin ay tanggapin ang kanyang naisin sa lahat ng oras. Dahil dito, nagsimula ang kaganapan ng pagtubos sa atin. Kung hindi um-oo si Maria, hindi darating si Kristo, at mas matindi pa sa nararanasan natin ngayon ang pwede nating danasin. Pinagkaloob ni Maria ang kanyang buong buhay upang maging instrumento ng Diyos para iligtas ang mundo. At ito ay sa pamamagitan ng kanyang OO, ng kanyang FIAT.

Dalawang punto ang pwede nating bigyan ng tuon dito sa bagay na ito...

ANG FIAT NI MARIA AY FIAT SA BUHAY!

Tinanggap ni Maria ang anak na si Hesus kahit na hindi sigurado kung ano ang kanyang magiging kapalaran pagkatapos. Alam niya na kapag nalaman ng bayan na siya ay nagdadalang tao na hindi si Jose ang tatay ay papatayin siya. Sa kanyang napakabatang edad (14-16), hindi niya kakayanin ang mga mahahabang paglalakbay, ang pagluwal sa sanggol at ang pagiging isang batang ina. Gayunpaman, tinanggap ni Maria ang hamon. Nagpahayag siya ng oo sa Anghel at tinanggap ang isang bagong buhay. At dahil dito, siya ay kinalugdan ng Diyos na higit pa sa lahat ng babae. Kecharitomene!

ANG FIAT NI MARIA AY FIAT RIN NATIN SA BUHAY!

Tulad ni Maria, tayo ay humaharap sa hamon na tanggapin ang biyaya ng buhay. Sa ating pagtanggap sa buhay na bagong-lalang, ay ating tinatanggap ang kalooban ng Diyos sa ating buhay at sa buhay ng batang nasa sinapupunan. Ang Diyos ang siyang naglalang ng buhay ng tao, at tao lang ang nagsisilbing instrumento. Siya lang din ang may karapatan na kunin at kitlin ang buhay ng tao sa kanyang nararapat na panahon. Hindi naman palaging pahirap ang kaloob ng Diyos sa atin. Tanggapin lang natin, tulad ni Maria, ang biyaya ng isang bagong buhay sa sinapupunan, at tiyak na pagkakalooban tayo ng sandaang-ibayo ng mga pagpapala.

Ngayon, ano ang palagay natin sa katagang ito?

Ipinanganak kaming Katoliko. Mamamatay kaming Katoliko. Walang magbabago,... pero sinusuportahan namin ang RH Bill.

Isa ito sa mga pagkakamali ng mga nagpasimula ng RH Bill dito sa Pilipinas. Ayon sa kanila, wala namang magbabago sa kanilang paniniwala. Nagdarasal pa rin sila. Nagsisimba pa rin sila (kaya?). Nag-aalay pa rin sila ng tulong sa Simbahan. Ang nais lang nila ay mapaunlad ang buhay ng Pilipino, at gagawin nila ito sa pamamagitan ng pagbebenta ng Contraceptives, pagkitil sa buhay, pagpapaliit ng pamilya at pagpapakulong sa mga taong ayaw sa kanilang nais. At alam nilang wala silang ginagawang masama. Ganito ba sila bilang Kristiyano? Walang magbabago sa buhay nila, kahit na mawawasak ang buhay ng milyun-milyong batang Pilipino? AT WALA SILANG GINAGAWANG MASAMA SA LAGAY NA IYUN? MGA LAPASTANGAN!

Sa panahong ito na nais nang pakialaman ng iilan ang plano ng Diyos para sa isang bagong-buhay, pinapaalala sa atin ang kahalagahan ng biyaya ng buhay na ating taglay na nagsisimula pa lang sa sinapupunan at nagtatapos sa libingan. Sa atin ay ibinibigay ng Inang Simbahan ang huwaran ni Maria na hindi natakot tanggapin si Hesus sa kabila ng panganib. Pinapaalala sa atin na kung tayo ay tunay na Kristiyano, tayo ay mananatiling tapat sa buhay na kaloob ng Panginoon sa atin, at kailan man ay hindi natin ito maaaring ilagay sa sarili nating kamay, hindi tayo gagawa ng paraan upang masira at mamatay ito.

Ito ang hamon sa atin. Katulad ni Maria na tinanggap ang nais ng Diyos at ipinaglihi si Hesus, hinahamon rin tayo na tumayo at ipahayag ang ating pagtanggap sa buhay na panibago. Ating itakwil ang mga taliwas sa plano ng Diyos hinggil sa buhay. At sa sandaling tayo, sa ating pamilya, ay sumpungan ng panibagong buhay sa oras ng conception, atin itong tanggapin ng buong puso at pagkaingatan ito ng ating sariling buhay.  Tandaan natin ang mga salita ni Maria... Ecce ancilla Domini, Fiat mihi Secundum Verbum Tuum.

Wala nang mas nakakahigit na biyaya ang ating Panginoon liban sa buhay, lalo na ang nasa sinapupunan. Ating tungkulin na tanggapin ito at hindi patayin!

No comments:

Post a Comment