March 06, 2011
Ninth Sunday in Ordinary Time
Dt 11,18.26-28.32 . Rom 3,21-25.28
Mt 7,21-27
==========
May tumawag na ba sa iyo isang araw pero di mo siya kilala?Isang classic example nito yung conversation nina Inday at ng manloloko. Isang araw, tumawag si Manloloko sa telepono at sasagutin siya ni Inday. Sinabi nung manloloko, “Inday, boss mo ito, padalhan mo ako ng ganitong halaga kasi nasa ospital ako. Naaksidente ako.”
Sumagot naman si Inday, “Hoy! Manloloko ka! Tumigil ka. Hindi inday ang tawag sa akin ni Sir, kundi Honey! Sino’ng niloko mo?”
Plakda!
Kung ang inday, may karapatang sabihin na hindi niya kilala niya ang isang tao, mas lalo na si Hesus. Ito ang kanyang pinapahayag sa ating Ebanghelyo ngayon.
Hindi lahat ng nagsasabing “Panginoon! Panginoon!” ay makakapasok sa kaharian ng Langit, kundi yung mga taong sumusunod sa kalooban ng aking Ama sa Langit.
Sa panahon natin ngayon na puno na ng panloloko ang mundo, kailangan talaga tayong maging maingat upang hindi tayo maburyo sa huli. Kailangang maging listo tayo sa lahat ng oras. Para sa huli naman, tayo rin ang makinabang ng ating disiplinadong ugali.
Pero sana, ganito rin ang ating ugali pagdating sa ating pananampalataya. Madalas kasing nananatili na lang tayo sa dasal ng dasal. Hindi natin nakikita ang kabilang side ng ating buhay-Kristiyano, ang paggawa ng kabutihan sa kapwa.
Eh iyan nga ang kadalasang nangyayari sa ating mga Katoliko, lalo na sa ating mga Pilipino. Panay dasal, tawag lang ng tawag sa pangalan ni Hesus, lalo na kapag may kailangan tayo, ngunit wala ang gawa. Isipin ninyo kung dumating ang araw na makikita natin si Hesus, sasabihin nating Lord! Nandito na kami! Paano kaya kung sabihin ni Hesus, HINDI KITA KILALA. UMALIS KA NGA SA HARAPAN KO!? Paano kung ipagtabuyan tayo? Saan naman kaya tayo pupulutin noon?
Kung gaano tayo kalisto sa ating pagiging maingat sa mga bagay sa mundo, ganito rin sana ang ating disiplina sa mga espiritwal na bagay. Hindi lang hanggang salita lang, isagawa rin. Maging maingat sa mga gagawin. Isaalang-alang ang ating kaligtasan sa lahat ng oras.
Tandaan natin ang mga huling salita ni Hesus sa Ebanghelyo natin, na lahat ng nakikinig sa kanyang utos at tumutupad dito ay parang isang taong nag-construct ng bahay sa batuhan. Matatag iyun kahit bahain at umulan ng malakas. Iyun ay dahil ang batong pinagtayuan niya ng bahay ay siguradong matatag at maaasahan sa oras ng mga unos. Hindi siya pababayaan ng matibay na pundasyon na iyun. Sa huli, ang bato ring iyun ang magiging kanyang huling himlayan.
Isipin natin ito, mga kapatid. Huwag lang sana tayong huminto sa pagtawag. Sana, di tayo matulad sa manloloko na tumawag kay inday. Tumulad sana tayo sa taong nagtayo ng bahay sa bato. Siguradong tayo ay mamamalagi sa piling ng Diyos hanggang sa huli. At nakakatiyak tayo na pagdating ng sandaling iyun na magpakilala tayo kay Hesus ay masasabi niyang, KILALA NGA KITA.
No comments:
Post a Comment