March 20, 2011
Second Sunday of Lent
Gn 12,1-4a . 2Tim 1,8b-10
Mt 17,1-9
==========
Malamang nga siguro, isa na sa mga pinaka-inaabusong salita ng ating henerasyon ang salitang MAKINIG. Kahit na paos na ang teacher sa kakasigaw ng 'Listen, children,' hindi pa rin siya pinapansin ng mga estudyante niya. Ganon din kapag hindi ka pinapansin ng uutusan mo, sinasabi mong makinig muna siya pero sa bandang huli ay iba pa rin ang binili niya, toyo at hindi patis.
Kapag hindi nakikinig sa atin ang isang tao, nagpapakita tayo ng inis o sama ng loob dahil hindi nasunod ang gusto natin. Pero kung nakinig ang ating sinabihan, at ipinasa ang tamang impormasyon o ginawa ang nararapat na gawain, tayo ay nagkakaroon ng positibong pagtugon sa kanyang ginawa.
Sa linggong ito, tampok ang salitang MAKINIG sa ating mga pagbasa, lalo na sa Ebanghelyo. Sa pagsaksi nina Pedro, Santiago at Juan sa pagbabagong-anyo ni Hesus sa bundok, may pumagitna sa kanilang ulap na nakakasilaw ang liwanag. Isang tinig ang pumailanglang, Ito ang giliw kong anak na aking lubos na kinalulugdan. PAKINGGAN NINYO SIYA.
Sa kinatagal-tagal na nating pagiging mga Kristiyano, iisa at iisa lang ang panawagan sa atin ng ating Inang Simbahan tuwing Kuwaresma, ang makinig sa tinig ni Hesus na nag-aanyaya ng pagbabalik-loob, ng metanoia. Sa loob ng matagal na panahon, hindi nagsawa ang Simbahan sa pagyaya sa kanyang mga anak sa bawat panahon at dako na pakinggan ang tinig ng taong namatay at nabuhay para iligtas ang sangkatauhan.
Pero maitatanong natin, Kailan tayo nakinig ng totoo sa tinig ni Hesus? Kailan nga ba natin pinansin ang tawag niyang bumalik sa Ama na nagsisisi sa ating mga kasalanan at nagtitiwala sa kanyang awa? Malamang siguro, iyan ang dahilan kung bakit samu't-saring disgrasya at kaguluhan ang namamayani sa ating mundo ngayon. Isa lang ang maaaring kahulugan nito, makinig na sana tayo sa panawagan ni Hesus! Pakinggan na sana natin siya na tumatawag sa atin!
Mukhang napakasimple lang ng ating repleksyon para sa araw na ito, pero tignan natin ang hamon na dala ng Pagbabagong-anyo ni Hesus sa bundok. Doon sa mataas na dakong iyon, pinakilala ni Hesus ang kanyang kapangyarihan, ang lakas niyang nakakapanghina ng diwa ng kaaway. Siya ang kaganapan ng mga Batas (si Moises) at ng Propesiya (si Elias). Pinakikilala ni Hesus ang kanyang sarili sa atin, na kahit na ganito siyang katayog ay pinili niyang makipamuhay sa atin, magdusa at mamatay para sa atin. Hamon sa atin ng Ebanghelyo ngayon na ipakilala si Hesus sa ating gawain sa kapwa. Na tayo man ay magbagong-anyo, na hindi na ang ating kahinaan ang nakikita ng iba, kundi ang kalakasang dulot ni Hesus ang mamayani sa atin.
Tinatawag tayo ng kanyang Ama na makinig sa tinig ni Hesus na nakakapanggaling ng karamdaman at gumagabay sa atin tungo sa kaliwanagan ng buhay. At sa sandaling tayo ay nanghihina, ay isa ang kanyang paanyaya, Wag kayong matakot. Tumindig!
Ngayong Kuwaresma na ito, wag sanang mauwi ulit sa wala ang paanyaya ng Diyos sa atin: MAKINIG!
No comments:
Post a Comment