Friday, March 18, 2011

Galing ni TATAY!!!

March 19, 2011
Solemnity of St. Joseph, Husband of Mary
Patron of the Universal Church
2 Sm 7:4-5a, 12-14a, 16 . Rom 4,13.16-18.22
Mt 1,16.18-21.24a
==========

Constítuit eum dóminum domus suae.
Et príncipem omnis posessiónis suae.

Naranasan ko sa pag-oobserve ko sa Malabon National High School ang maging isang instant 'tatay' sa mga estudyante. Masarap sa pakiramdam ang tawagin ka ng mga estudyante na 'Sir,' yung bawat sandali na nasa loob ka ng classroom nila, yung pag-appreciate nila sa mga bagay na ginagawa mo: discussions, kahit simpleng biro. 

Kahit na may mga sandaling hindi ko sila matarok, at mga pagkakataong hindi ko sila makayanan, masasabi ko pa ring sila ang pinadala ng Diyos sa akin, kahit panadalian lang. Pero tulad ng isang tunay na ama, ginawa ko rin ang aking makakaya upang maipakita ko sa kanila ang aking care and affection para sa kanila.

Eh ano pa kaya ang isang tunay na ama? Siya ang tunay na lalaki, na kahit na naghihirap ang buhay at pamilya ay pilit na nagpapakasipag para may maipakain sa pamilya. Siya ang gumagabay sa kanyang asawa't mga anak tungo sa nararapat na pamumuhay. Siya ang nagsisilbing haligi ng ating mga tahanan at pamilya. Di ba ang galing niya?

Kung wala sila, hindi makakayanan ng ina (kahit na sa ngayon ay pinipilit nila) na buhayin ang mag-anak. Walang landas na tatahakin ang anak kundi ang landas ng pagpapariwara sa sarili at kapahamakan sa iba (anlalim!). Sa totoo lang, napakalalim ng kahulugan ng salitang AMA, at walang makakapantay na tungkulin liban sa kanyang ginagampanan.

At iyan ang ginampanan ng ating pinagpupunyaging tao sa araw na ito, at isa sa mga kilala kong pinakamagaling na Tatay sa buong mundo, si Jose.

O, bumalik na naman si Jose sa mga alaala natin!?! Di ba, siya nga yung nanaginip na wag ilagay sa pahamak si Maria, pakasalan siya at panagutan yung bata sa sinapupunan niya? Siya di ba yung nagtakas kay Maria at Hesus papunta sa Egipto? Siya rin yung nagtiis na hanapin si Hesus nang mawala siya ng tatlong araw, di ba? 

O, wala namang ginawang masyado si Jose! Paano siya naging tunay na ama?

...

Doon pumapasok ang hiwaga. Sa mga kasulatang banal, walang sinabi o walang salita na nagmula kay Jose. Lahat ng ito, ginawa niya sa katahimikan. Hindi siya nagpahiwatig ng katanyagan, ng pagmamalaki. Hindi naman niya sinabi na 'O! Ibahin ninyo ako! Anak ng Diyos ang anak ko!' Hindi siya nagpakitang-gilas, ni gamitin ang anak sa sariling interes.

Simplehan lang ang ugali ni Jose. Lahat ng nasa itaas, ginawa niya ng hindi nagsasalita, basta ginagawa lang niya ito. Hindi kinailangan ni Jose ang maraming pananalita upang tupdin ang kalooban ng Diyos. Dito siya kinalugdan ng Panginoon. Dito siya pinagpala.

Sa kanyang simpleng paraan, pinamalas niya ang pagiging Ama kay Hesus at asawa kay Maria. Sa kanyang katahimikan, pinagkaloob niya sa kanyang mag-anak ang kanilang pangangailangan. Samantalang ang buong mundo ay nagkakandakumahog sa mga komplikadong bagay, may isang taong dumarating upang ipakita sa atin na ang tunay na pagtupad sa kalooban ng Diyos ay nakasalalay sa tahimik na pagtupad sa mga pangangailangan ng kapwa. DI BA NAPAKAGALING NI TATAY?

Si Jose ang huwaran ng isang Kristiyano, siya ang sinusundan ng buong Simbahan upang mabuhay ng ayon sa kalooban ng Diyos, tulad niya na nag-aruga kay Hesus at Maria mula pagkabata. Tayo rin ay tinatawagang dumulog kay Jose sa mga pang-araw-araw na pangangailangan natin sa buhay. Mula sa ating mga personal na mga problema, hanggang sa mga nagaganap sa ating paligid, tinatawagan tayong lumapit kay San Jose upang humingi ng tulong, at upang ingatan ang banal na Iglesya at ang buong mundo.

Ngayong ang buong mundo ay nagimbal sa mga naganap at nagaganap sa bansang Japan, sa mga kaliwa't-kanang himagsikan sa Gitnang Silangan, at sa ating bansa, ang mapanganib na RH BILL, sama-sama tayong manalangin at humingi ng tulong kay San Jose, upang tulad ng magaling niyang pagkalinga kay Hesus at Maria, tayo man ay kanyang ingatan at ipaglaban mula sa lahat ng mga kapahamakan sa ating paligid.

Galing talaga ni Tatay! Mas may gagaling pa dyan! si Jose!

No comments:

Post a Comment