Sunday, March 27, 2011

Only God is Enough!

March 27, 2011
Third Sunday of Lent
Ex 17,13-7 . Rom 5,1-2,5-8
Jn 4,5-42
==========

In the past week, we have been experiencing a different kind of hot. we clearly see signs that summer is already here! After weeks of enduring very cold nights, here we are near the boiling point of excitement. School's over, students graduate, people take a time out. It's summer, and it's hot!

A very hot day. This is the setting of our Gospel today. Jesus walks in to Samaria thirsty looking for something to drink. At the same time, a Samaritan woman is working with her jar of water. This is one uncommon situation: a Jew and a Samaritan. A Man and a Woman. In high noon?

But in that unusualness, we can see a work of God. In that high noon, Jesus tries to teach the Samaritan Woman - and us - two big things. We can name it the Two Big Thirsts.

It all starts when Jesus asks: Give me a drink!

First: Thirst for Life. Jesus asks for something to drink. The Samaritan woman refused because He has no bucket for fetching water. For that, Jesus speaks that if ever she knows who's asking for a drink, she can ask for some Living Water. It will never make her thirsty again. It will lead her to life! As Jesus says it, Everyone who drinks this water will be thirsty again; but whoever drinks the water I shall give will never thirst; the water I shall give will become in him a spring of water welling up to eternal life.

Water means life, and the Church helps us to be cleansed and to be ever nearer to God through the cleansing and living waters of Baptism. This is one great gift to man, the salvation that He has to offer for us! Not at all times does water mean death (like the Tsunami in Japan), it also means a new life. One which entitles us to become God's children.

This one goes especially to the Catechumens who will undergo Scrutiny today. In three weeks, they are to experience what it is to live as God's child. That is through the Waters of Baptism, solemnly blessed on Easter night. We ourselves had experienced it, and Lent is a time to remember this grace of 'Living Water,' the water of Baptism!

Second: Thirst for Contentment.  Jesus asks the Samaritan woman to bring her husband. She replied that she has none. When we put the reply of the Lord in our common tongue, he could say, Yeah, right. That man is not your husband, same thing with the five others. Really sweet! Through that, the Samaritan woman came to know that he is talking with a prophet.

Well, we are the present representation of the Samaritan Woman. Why? We usually look for comfort in material things and wealth. We dwell in worldly things, without thinking of God in a single moment. Even the day of rest was very much disgraced nowadays with man's busy endeavors which has nothing to do with his salvation.

But we should always remember that when that time comes when every worldly effort goes in vain, everyone fails us and we go on alone with our lives, there is still somebody waiting for us to come to him. As we thirst for contentment in everything we do in this world, somebody also thirsts for our love and attention. Nobody else but God. He is waiting for us to come approach him. 

Look! He also thirsts for us! Only in him can we find contentment. In him we can find rest! And so we ask ourselves today, Do I realize that God is thirsting for my conversion, while I diverge into mundane affairs?


The woman said to him, “I know that the Messiah is coming, the one called the Christ; when he comes, he will tell us everything.” Jesus said to her, “I am he, the one speaking with you.”


We are assured that like the woman who had spread the news to the village, once we find the Lord and his goodness, we are surely to share his graciousness to others. We can also lead them to Christ. By that time, they may also experience the great compassion that is God and Jesus Christ! They may believe themselves! They may also be blessed by God's marvelous wonders.  We do not believe anymore because you told us; we have experienced ourselves and we believe!

This Lent, we are called more than ever to reflect on how grave is the Lord's thirst for our love. Like the scene at Samaria at high noon, let us approach the Lord with confidence. Let us ask him of that water which will never make us thirst anymore. As we realize how deep we thirst for him, let us also feel how deep he thirsts for us. May we also realize that we do not need anymore the things of this world to be contented, for only God is enough! 

Thursday, March 24, 2011

TANGGAPIN ANG BUHAY, WAG PATAYIN!

March 25, 2011
SOLEMNITY OF THE LORD'S ANNUNCIATION
National Day of the Unborn Children
Is 7:10-14; 8:10 . Heb 10,4-10
Lk 1,26-38
==========

 Ecce ancilla Domini,
Fiat mihi secundum verbum tuum.

Kung nalalaman ng bawat Katoliko ang ibig sabihin ng mga salitang Latin na iyan, masasabi nilang, teka... dinarasal namin yan ah!

Oo, lagi natin itong dinarasal sa Angelus tuwing ikaanim na oras (6:00 AM, 12:00 NN, 6:00 PM). Ito na nga yata ang isa sa mga pinakakilalang dasal sa Simbahang Katoliko, lalo na dito sa Pilipinas. Pinagninilayan natin sa sagutang ito ang hiwaga sa likod ng pagkakatawang-tao ni Hesus. Kaloob ito ng Diyos sa tao, at sa pag-oo ni Maria, ay sumilay ang kaligtasan sa ating lahat na makasalanan.

Hindi na siguro natin kailangang bumalik sa kapaligiran ng Annunciation. Alam na nating si Gabriel ay sinugo ng Diyos sa Nazareth. Nagdala siya ng balita kay Maria. Pinahayag niya na magsisilang siya ng anak sa kapangyarihan ng Espiritu Santo, at papangalanan niya itong Hesus. Given na ang sitwasyon. Siguro, mas naaangkop na bigyan natin ng focus ang pagtugon ni Maria sa panawagang ito ng Anghel.

Ako ay alipin ng Panginoon, maganap sa akin ang iyong sinabi...

Di nagdalawang-isip si Maria na sumunod sa kalooban ng Panginoon. Sa kanyang OO, pinatunayan niya na siya ay isa lamang nilalang ng Poon, at ang tangi niyang tungkulin ay tanggapin ang kanyang naisin sa lahat ng oras. Dahil dito, nagsimula ang kaganapan ng pagtubos sa atin. Kung hindi um-oo si Maria, hindi darating si Kristo, at mas matindi pa sa nararanasan natin ngayon ang pwede nating danasin. Pinagkaloob ni Maria ang kanyang buong buhay upang maging instrumento ng Diyos para iligtas ang mundo. At ito ay sa pamamagitan ng kanyang OO, ng kanyang FIAT.

Dalawang punto ang pwede nating bigyan ng tuon dito sa bagay na ito...

ANG FIAT NI MARIA AY FIAT SA BUHAY!

Tinanggap ni Maria ang anak na si Hesus kahit na hindi sigurado kung ano ang kanyang magiging kapalaran pagkatapos. Alam niya na kapag nalaman ng bayan na siya ay nagdadalang tao na hindi si Jose ang tatay ay papatayin siya. Sa kanyang napakabatang edad (14-16), hindi niya kakayanin ang mga mahahabang paglalakbay, ang pagluwal sa sanggol at ang pagiging isang batang ina. Gayunpaman, tinanggap ni Maria ang hamon. Nagpahayag siya ng oo sa Anghel at tinanggap ang isang bagong buhay. At dahil dito, siya ay kinalugdan ng Diyos na higit pa sa lahat ng babae. Kecharitomene!

ANG FIAT NI MARIA AY FIAT RIN NATIN SA BUHAY!

Tulad ni Maria, tayo ay humaharap sa hamon na tanggapin ang biyaya ng buhay. Sa ating pagtanggap sa buhay na bagong-lalang, ay ating tinatanggap ang kalooban ng Diyos sa ating buhay at sa buhay ng batang nasa sinapupunan. Ang Diyos ang siyang naglalang ng buhay ng tao, at tao lang ang nagsisilbing instrumento. Siya lang din ang may karapatan na kunin at kitlin ang buhay ng tao sa kanyang nararapat na panahon. Hindi naman palaging pahirap ang kaloob ng Diyos sa atin. Tanggapin lang natin, tulad ni Maria, ang biyaya ng isang bagong buhay sa sinapupunan, at tiyak na pagkakalooban tayo ng sandaang-ibayo ng mga pagpapala.

Ngayon, ano ang palagay natin sa katagang ito?

Ipinanganak kaming Katoliko. Mamamatay kaming Katoliko. Walang magbabago,... pero sinusuportahan namin ang RH Bill.

Isa ito sa mga pagkakamali ng mga nagpasimula ng RH Bill dito sa Pilipinas. Ayon sa kanila, wala namang magbabago sa kanilang paniniwala. Nagdarasal pa rin sila. Nagsisimba pa rin sila (kaya?). Nag-aalay pa rin sila ng tulong sa Simbahan. Ang nais lang nila ay mapaunlad ang buhay ng Pilipino, at gagawin nila ito sa pamamagitan ng pagbebenta ng Contraceptives, pagkitil sa buhay, pagpapaliit ng pamilya at pagpapakulong sa mga taong ayaw sa kanilang nais. At alam nilang wala silang ginagawang masama. Ganito ba sila bilang Kristiyano? Walang magbabago sa buhay nila, kahit na mawawasak ang buhay ng milyun-milyong batang Pilipino? AT WALA SILANG GINAGAWANG MASAMA SA LAGAY NA IYUN? MGA LAPASTANGAN!

Sa panahong ito na nais nang pakialaman ng iilan ang plano ng Diyos para sa isang bagong-buhay, pinapaalala sa atin ang kahalagahan ng biyaya ng buhay na ating taglay na nagsisimula pa lang sa sinapupunan at nagtatapos sa libingan. Sa atin ay ibinibigay ng Inang Simbahan ang huwaran ni Maria na hindi natakot tanggapin si Hesus sa kabila ng panganib. Pinapaalala sa atin na kung tayo ay tunay na Kristiyano, tayo ay mananatiling tapat sa buhay na kaloob ng Panginoon sa atin, at kailan man ay hindi natin ito maaaring ilagay sa sarili nating kamay, hindi tayo gagawa ng paraan upang masira at mamatay ito.

Ito ang hamon sa atin. Katulad ni Maria na tinanggap ang nais ng Diyos at ipinaglihi si Hesus, hinahamon rin tayo na tumayo at ipahayag ang ating pagtanggap sa buhay na panibago. Ating itakwil ang mga taliwas sa plano ng Diyos hinggil sa buhay. At sa sandaling tayo, sa ating pamilya, ay sumpungan ng panibagong buhay sa oras ng conception, atin itong tanggapin ng buong puso at pagkaingatan ito ng ating sariling buhay.  Tandaan natin ang mga salita ni Maria... Ecce ancilla Domini, Fiat mihi Secundum Verbum Tuum.

Wala nang mas nakakahigit na biyaya ang ating Panginoon liban sa buhay, lalo na ang nasa sinapupunan. Ating tungkulin na tanggapin ito at hindi patayin!

Saturday, March 19, 2011

MAKINIG!

March 20, 2011
Second Sunday of Lent
Gn 12,1-4a . 2Tim 1,8b-10
Mt 17,1-9
==========

Malamang nga siguro, isa na sa mga pinaka-inaabusong salita ng ating henerasyon ang salitang MAKINIG. Kahit na paos na ang teacher sa kakasigaw ng 'Listen, children,' hindi pa rin siya pinapansin ng mga estudyante niya. Ganon din kapag hindi ka pinapansin ng uutusan mo, sinasabi mong makinig muna siya pero sa bandang huli ay iba pa rin ang binili niya, toyo at hindi patis.

Kapag hindi nakikinig sa atin ang isang tao, nagpapakita tayo ng inis o sama ng loob dahil hindi nasunod ang gusto natin. Pero kung nakinig ang ating sinabihan, at ipinasa ang tamang impormasyon o ginawa ang nararapat na gawain, tayo ay nagkakaroon ng positibong pagtugon sa kanyang ginawa.

Sa linggong ito, tampok ang salitang MAKINIG sa ating mga pagbasa, lalo na sa Ebanghelyo. Sa pagsaksi nina Pedro, Santiago at Juan sa pagbabagong-anyo ni Hesus sa bundok, may pumagitna sa kanilang ulap na nakakasilaw ang liwanag. Isang tinig ang pumailanglang, Ito ang giliw kong anak na aking lubos na kinalulugdan. PAKINGGAN NINYO SIYA.

Sa kinatagal-tagal na nating pagiging mga Kristiyano, iisa at iisa lang ang panawagan sa atin ng ating Inang Simbahan tuwing Kuwaresma, ang makinig sa tinig ni Hesus na nag-aanyaya ng pagbabalik-loob, ng metanoia. Sa loob ng matagal na panahon, hindi nagsawa ang Simbahan sa pagyaya sa kanyang mga anak sa bawat panahon at dako na pakinggan ang tinig ng taong namatay at nabuhay para iligtas ang sangkatauhan.

Pero maitatanong natin, Kailan tayo nakinig ng totoo sa tinig ni Hesus? Kailan nga ba natin pinansin ang tawag niyang bumalik sa Ama na nagsisisi sa ating mga kasalanan at nagtitiwala sa kanyang awa? Malamang siguro, iyan ang dahilan kung bakit samu't-saring disgrasya at kaguluhan ang namamayani sa ating mundo ngayon. Isa lang ang maaaring kahulugan nito, makinig na sana tayo sa panawagan ni Hesus! Pakinggan na sana natin siya na tumatawag sa atin!

Mukhang napakasimple lang ng ating repleksyon para sa araw na ito, pero tignan natin ang hamon na dala ng Pagbabagong-anyo ni Hesus sa bundok. Doon sa mataas na dakong iyon, pinakilala ni Hesus ang kanyang kapangyarihan, ang lakas niyang nakakapanghina ng diwa ng kaaway. Siya ang kaganapan ng mga Batas (si Moises) at ng Propesiya (si Elias). Pinakikilala ni Hesus ang kanyang sarili sa atin, na kahit na ganito siyang katayog ay pinili niyang makipamuhay sa atin, magdusa at mamatay para sa atin. Hamon sa atin ng Ebanghelyo ngayon na ipakilala si Hesus sa ating gawain sa kapwa. Na tayo man ay magbagong-anyo, na hindi na ang ating kahinaan ang nakikita ng iba, kundi ang kalakasang dulot ni Hesus ang mamayani sa atin.

Tinatawag tayo ng kanyang Ama na makinig sa tinig ni Hesus na nakakapanggaling ng karamdaman at gumagabay sa atin tungo sa kaliwanagan ng buhay. At sa sandaling tayo ay nanghihina, ay isa ang kanyang paanyaya, Wag kayong matakot. Tumindig! 

Ngayong Kuwaresma na ito, wag sanang mauwi ulit sa wala ang paanyaya ng Diyos sa atin: MAKINIG!

Friday, March 18, 2011

Galing ni TATAY!!!

March 19, 2011
Solemnity of St. Joseph, Husband of Mary
Patron of the Universal Church
2 Sm 7:4-5a, 12-14a, 16 . Rom 4,13.16-18.22
Mt 1,16.18-21.24a
==========

Constítuit eum dóminum domus suae.
Et príncipem omnis posessiónis suae.

Naranasan ko sa pag-oobserve ko sa Malabon National High School ang maging isang instant 'tatay' sa mga estudyante. Masarap sa pakiramdam ang tawagin ka ng mga estudyante na 'Sir,' yung bawat sandali na nasa loob ka ng classroom nila, yung pag-appreciate nila sa mga bagay na ginagawa mo: discussions, kahit simpleng biro. 

Kahit na may mga sandaling hindi ko sila matarok, at mga pagkakataong hindi ko sila makayanan, masasabi ko pa ring sila ang pinadala ng Diyos sa akin, kahit panadalian lang. Pero tulad ng isang tunay na ama, ginawa ko rin ang aking makakaya upang maipakita ko sa kanila ang aking care and affection para sa kanila.

Eh ano pa kaya ang isang tunay na ama? Siya ang tunay na lalaki, na kahit na naghihirap ang buhay at pamilya ay pilit na nagpapakasipag para may maipakain sa pamilya. Siya ang gumagabay sa kanyang asawa't mga anak tungo sa nararapat na pamumuhay. Siya ang nagsisilbing haligi ng ating mga tahanan at pamilya. Di ba ang galing niya?

Kung wala sila, hindi makakayanan ng ina (kahit na sa ngayon ay pinipilit nila) na buhayin ang mag-anak. Walang landas na tatahakin ang anak kundi ang landas ng pagpapariwara sa sarili at kapahamakan sa iba (anlalim!). Sa totoo lang, napakalalim ng kahulugan ng salitang AMA, at walang makakapantay na tungkulin liban sa kanyang ginagampanan.

At iyan ang ginampanan ng ating pinagpupunyaging tao sa araw na ito, at isa sa mga kilala kong pinakamagaling na Tatay sa buong mundo, si Jose.

O, bumalik na naman si Jose sa mga alaala natin!?! Di ba, siya nga yung nanaginip na wag ilagay sa pahamak si Maria, pakasalan siya at panagutan yung bata sa sinapupunan niya? Siya di ba yung nagtakas kay Maria at Hesus papunta sa Egipto? Siya rin yung nagtiis na hanapin si Hesus nang mawala siya ng tatlong araw, di ba? 

O, wala namang ginawang masyado si Jose! Paano siya naging tunay na ama?

...

Doon pumapasok ang hiwaga. Sa mga kasulatang banal, walang sinabi o walang salita na nagmula kay Jose. Lahat ng ito, ginawa niya sa katahimikan. Hindi siya nagpahiwatig ng katanyagan, ng pagmamalaki. Hindi naman niya sinabi na 'O! Ibahin ninyo ako! Anak ng Diyos ang anak ko!' Hindi siya nagpakitang-gilas, ni gamitin ang anak sa sariling interes.

Simplehan lang ang ugali ni Jose. Lahat ng nasa itaas, ginawa niya ng hindi nagsasalita, basta ginagawa lang niya ito. Hindi kinailangan ni Jose ang maraming pananalita upang tupdin ang kalooban ng Diyos. Dito siya kinalugdan ng Panginoon. Dito siya pinagpala.

Sa kanyang simpleng paraan, pinamalas niya ang pagiging Ama kay Hesus at asawa kay Maria. Sa kanyang katahimikan, pinagkaloob niya sa kanyang mag-anak ang kanilang pangangailangan. Samantalang ang buong mundo ay nagkakandakumahog sa mga komplikadong bagay, may isang taong dumarating upang ipakita sa atin na ang tunay na pagtupad sa kalooban ng Diyos ay nakasalalay sa tahimik na pagtupad sa mga pangangailangan ng kapwa. DI BA NAPAKAGALING NI TATAY?

Si Jose ang huwaran ng isang Kristiyano, siya ang sinusundan ng buong Simbahan upang mabuhay ng ayon sa kalooban ng Diyos, tulad niya na nag-aruga kay Hesus at Maria mula pagkabata. Tayo rin ay tinatawagang dumulog kay Jose sa mga pang-araw-araw na pangangailangan natin sa buhay. Mula sa ating mga personal na mga problema, hanggang sa mga nagaganap sa ating paligid, tinatawagan tayong lumapit kay San Jose upang humingi ng tulong, at upang ingatan ang banal na Iglesya at ang buong mundo.

Ngayong ang buong mundo ay nagimbal sa mga naganap at nagaganap sa bansang Japan, sa mga kaliwa't-kanang himagsikan sa Gitnang Silangan, at sa ating bansa, ang mapanganib na RH BILL, sama-sama tayong manalangin at humingi ng tulong kay San Jose, upang tulad ng magaling niyang pagkalinga kay Hesus at Maria, tayo man ay kanyang ingatan at ipaglaban mula sa lahat ng mga kapahamakan sa ating paligid.

Galing talaga ni Tatay! Mas may gagaling pa dyan! si Jose!

Saturday, March 12, 2011

Stage 2 na... Eh lagi na tayo dyan, eh!

March 13, 2011
First Sunday of Lent
National Migrants' Sunday
Gn 2,7-9.3,1-7 . Rom 5,12-19
Mt 4,1-11
==========

Kung palagi kang napapadaan dito sa UR DOSE, siguradong naaalala mo iyung sinabi ko noong Kapistahan ng Pagbibinyag kay Kristo. Para maging eksakto, eto yung mga linya (kasama ang bahagi ng naunang paragraph):


Tinatakan ng Langit ang pagpapasimula ni Hesus. At dahil dito, ay maaari na niyang umpisahan ang paglilibot sa buong Judea para magpahayag. 

Pero Stage One pa lang pala ito! Antabayanan ang Stage Two...sa Unang Linggo ng Kuwaresma.


At dumating na nga ang linggong ito. Panahon na para matuklasan natin ang Stage Two na pinagdaanan ni Hesus bago siya nagsimula ng kanyang misyon sa Hudea. Ito ay noong siya ay naglakad patungo sa ilang at nag-ayuno at nanalangin ng apatnapung araw. Sa pagtatapos nito, ay sinubukan siya ng Diyablo upang malaman ang kanyang katapatan sa kanyang Ama.

Akala ng Diyablo ay magwawagi na siya sa labang iyon, dahil sa kagutuman at kahinaan ni Hesus ay siguradong babagsak na ito sa kanyang patibong. Ngunit tatlong beses ring nilabanan ni Hesus ang diyablo at siya ang nagwagi sa tagpong iyon sa ilang.

Tatlong bagay ang ipinakita ni Satanas kay Hesus noong mga sandaling iyon: Tinapay, Templo, at Tanyag. Kung ilalagay natin sa kasalukuyang konteksto, ay mailalarawan natin ito sa ganitong paraan:

Tinapay. Sinabi kay Hesus na gawing tinapay ang bato. Kaya ni Hesus iyon dahil siya ang Anak ng Diyos. Isa pa, siya ay gutom na gutom na ng 40 days, kaya kung gusto niya ay gagawin niya ito. Ngunit hindi niya ito ginawa, bagkus ay sumagot: Hindi sa tinapay nabubuhay ang tao, kundi sa bawat salitang namumutawi sa bibig ng Diyos.

Hindi na natin kailangang maghanap pa ng pagkalayu-layong example para rito. We look into ourselves and realize that we actually undergo a daily temptation of bread. Kapag wala nang pera sa bulsa, at wala nang maihain na pagkain, madalas na hindi na tayo umaasa sa kalooban ng Diyos at gumagawa na tayo sa ating sariling paraan. Sabihin ninyong hindi at hindi na ako magta-type ng reflections.

We tend to lose hope in God who continues to provide us our needs: bigyan po ninyo kami ngayon ng aming kakanin sa araw-araw! Some even do evil deeds just to have proper clothing, a cellphone, and food on the table. But we do not realize the real thing behind it, that our souls plunge into Hell eventually.

Templo. Sinabi ng manunukso, "Kung ikaw ang Anak ng Diyos, sige nga't tumalon ka mula sa tuktok ng Templo. Ayos lang naman, kasi sinabi sa Bible, 'Sa kanyang mga anghel, ika'y itatagubilin, at sa kanilang mga kamay, ika'y aalalayan, nang sa mga bato, paa mo'y hindi masasaktan.'" Para kay Satanas, kapag nakita ng maraming tao na si Hesus ay tumalon mula sa taas ng templo at sinalo ng mga anghel, sure-bol na yun na maniniwala ang mga hudyo na siya na ang Anak ng Diyos. 

Pero sandali! Sumagot ulit si Hesus:  Nasusulat, 'huwag mong subukin ang Panginoon mong Diyos!' Para naman kay Hesus, hindi ito tanda ng himala, kundi ng kawalan ng pananalig. Si Kristo na mismo ang milagong dumating sa mundo upang tayo ay iligtas at muling ibalik sa Diyos, at hindi siya naparito upang gumawa lang ng gumawa ng mga himala.

Madalas rin naman tayong ganito. Hingi ng isang kahilingan. Susundan pa ng isa. Susundan pa ulit ng isa. Sa ibang salita, hindi tayo makuntento. The mere fact na hingi tayo ng hingi ng mga bagay na hindi naman natin masyadong kailangan, ito ay paraan ng pagsubok natin sa kagandahang-loob ng Diyos.

Tanyag. Dinala ng Diyablo si Hesus sa napakataas na bundok. Nakita nila doon ang mga mayayaman na kaharian. Makapangyarihan. Mayaman. Sinabi ni Satanas, "Ganito na lang. Luhod ka lang sa harapan ko. Sambahin mo ako, at iyo na ang laat ng iyan." Bakit pa kailangang magbuwis ng buhay, di ba? Hindi mo na gagawin pang magbanat ng buto, magsikap, at magtrabaho para sa iyong ikabubuhay. Iyo na lahat ng iyan, basta sambahin mo lang ako.

Sobra na! Sumagot na nito si Hesus, Lumayas ka Satanas! Sapagkat nasusulat, 'Ang Panginoon mong Diyos ang dapat mong sasambahin. At siya lamang ang dapat mong paglilingkuran.' Wala nang ibang dapat maging hari ng ating mga puso kundi ang Diyos at Diyos lamang. Sa kanya lang tayo nakakakita ng liwanag sa lahat ng mga bagay na nagaganap sa ating buhay.

Though this is not what is actually happening nowadays. Man is now after money and power! He kills anyone who would be an obstacle on his path to fame. Even the babe in the mother's womb is on its way to death because of man's greedy efforts. We do not look for God's providence anymore. We are now after ourselves!

Tinapay. Templo. Tanyag. Kawalan ng Tiwala sa Diyos. Kawalan ng pagkakuntento sa lahat ng bagay. Pagiging gutom at uhaw sa kayamanan at kapangyarihan.

Napagdaanan ito ni Hesus noon; napagdadaanan rin natin ito ngayon. Mas matindihan pa ang bagsik na hatid ng mga tuksong ito dala ng kahirapan natin at ng makabagong trend ng panahon. Pero kung nalagpasan at napagtagumpayan ni Hesus ang tatlong tukso ng Diyablo, tayo rin ay hindi malayong magtagumpay sa araw-araw na pagtukso ni Satanas. Mahirap ito sa totoo lang, kaya kakailanganin natin ang tulong ng taong nauna nang harapin ito, wala nang iba kundi si Hesus.

Kuwaresma na naman, mga kapatid. Panahon upang magsisi at bumalik sa Diyos. Sa harap ng mga tanda ng panahon (nangunguna riyan ang Tsunami at Lindol sa Japan), tinatanong ang bawat isa sa atin, maghihintay pa ba tayo ng susunod na unos upang ganap na makapagsisi at magbalik-loob? Magising na sana tayo mula sa ating pagkakatulog. Ihanda na natin ang ating sarili, at harapin ang realidad na wala na nga tayong aasahan kundi ang Diyos.

===

Napag-uusapan na ang naganap na Tsunami at Lindol sa Japan, marami tayong mga kababayan na naipit sa malagim na sitwasyon sa bansang iyon.  Isama na rin natin ang ating mga kapatid na naiipit rin sa pag-aaway sa mga bansa sa Gitnang Silangan. 

Ngayong National Migrants Sunday, sama-sama nating ipanalangin ang ating mga kapatid na nasa mga lugar na iyon, ipaubaya natin sa Diyos ang kanilang kaligtasan at ng kanilang mga mahal sa buhay dito sa Pilipinas. Wala nang magtutulungan sa bandang huli kundi tayo at tayo rin na mga magkakapatid kay Kristo.

Gabayan nawa tayo ng Panginoon, lalo na sa panahong ito ng unos at paghahanda.

Tuesday, March 8, 2011

UMPISA NA NG LABAN!!!

March 09, 2011
Ash Wednesday
Jl 2,12-18 . 2Cor 5,20-6,2
Mt 6,1-6.16-18
==========

Memento, homo, quia pulvis es, et in pulverem reverteris.

O, ano yang nasa noo mo? Uling? Burak? Bakit may itim ka dyan, at korteng Krus pa?

Ahh,,, abo naman pala!

Kapag nakakita ka ng mga taong may dumi sa noo, tumingin ka na sa kalendaryo mo at siguradong Ash Wednedsay na. Opisyal na namang nagsimula ang apatnapung araw na pakikibaka laban sa ating sarili, at sa kasamaan na pumapaligid sa atin. Paghahanda na rin natin ito para sa nalalapit na pagdiriwang ng Pasko ng Pagkabuhay.

Tatlong P ang panawagan sa atin ng Inang Simbahan tuwing Kuwaresma: Panalangin, Pag-ayuno at Pagkawanggawa. Taon-taong ganito ang tawag sa ating mga Kristiyano tuwing nagsisimula ang panahong ito. Hindi nagsasawa ang Simbahan na manawagan sa kanyang mga anak upang magtimpi at magsakripisyo sa loob ng iilang linggo.

Ang tanong ay pumapasok rito: tumutupad nga ba tayo sa panawagang ito ng Simbahan? Madalas kasing pagkatapos ng pagpapahid ng noo pag Ash Wednesday, ang sinasabi ng Katolikong Pinoy ay, “sige… see you na lang sa Mahal na Araw!” Babalik muna siya sa ordinaryong pamumuhay, at makakaramdam na lang ulit ng pagsisisi kapag may mga ‘santo’ na ang mga araw ng sanlinggo. Di ba masaya?

But Lent doesn’t end every Ash Wednesday only to return on Holy Week. Every day within the six weeks of Lent is a call for us to repent, to be sorry for our sins, and to acknowledge that there is a God who is compassionate and forgiving to those who return to Him. We are called to reflect on how Jesus died for our sake, how he suffered and sacrificed for our salvation. Happy are those who see this grace from God, for they are truly walking in the path of happiness!

At hindi natin ito mare-realize kung hindi natin gaganapin ang tatlong bilin sa atin ng Inang Simbahan tuwing Kuwaresma:

Panalangin. Hindi iyung dasal lang ng dasal. Babad kasi tayo sa mga salita na hindi na natin nakikita ang nakapailalim na kahulugan rito. Sa ating panalangin, ay kailangan rin nating manahimik upang marinig nating magsalita ang Diyos sa ating kalooban. Prayer is always a two-way communication between God and his son, parang ama at anak lang ang datingan. Hindi kailangan ang loudspeaker upang sabihing nagdarasal tayo. As long as we dwell into our sacred space when we pray, siguradong we are in the right track.

Pag-aayuno. Sa 365 na araw na nasasayang natin sa pagkain ng sobra, pag-inom ng matindihan, at pagiging malaswa sa mga bagay-bagay, naglalaan ang Inang Simbahan ng apatnapung araw upang huminto tayo, maging mahinahon, at magpigil. Parang sinasabi sa atin na “Chillax lang, anak!” Naku! Lalo na’t araw ng ayuno at abstinensya ang araw na ito. Maging matapat tayo. Sino kaya sa atin ang hindi pa kumakain sa loob ng nakalipas na mga oras? Malamang, karamihan ay di-pinansin ang panawagan ng fasting at ang ginawa ay fast-eating. Naku! When will we learn?

Pagkakawanggawa. Iba na ang usapan pagdating sa pagtulong sa kapwa. Yung iba, con todo litrato pa kung mamamalimos sa mahihirap. Yung ilan, iniisip na kapag nakapaghulog na sila ng barya sa lata, ay nagawa na nila ang kanilang obligasyon. We can never give alms if it does not come from our hearts. And we can never help others if we boast it to others. Almsgiving means humble service, hindi iyung pakarang serbisyo. Lagi nating iisipin sa pagtulong sa kapwa na ginagawa natin ito hindi para sa ating sarili, kundi sa kapakinabangan ng ating kapwa.

Isang malaking labanan na naman ang nagsisimula sa araw na ito. Maraming nag-iisip na parang isang ritwal na lang ito taun-taon na kailangan nilang simbahan at ganapin bilang obligasyon. Marami ang nag-iisip na ito ay isang pabigat – isang dumi lang sa noo –  na nagpapaalala ng kung gaano kabigat ang kanilang mga pagkakasala na hindi nila magawang talikdan dahil dito sila masaya.

Ngunit tignan natin ang pagkakataong ito hindi bilang pabigat, ngunit isang pagkakataon upang magsisi at bumalik sa Diyos. Oras na upang maghanda! Panahon na upang harapin ang ating mga kahinaan. At sa ating paglalakbay patungo sa Pasko ng Pagkabuhay, nakakasiguro tayong magtatagumpay tayo sa ating hangaring maging tunay na anak ng Diyos at kapatid ni Hesus na namatay at muling nabuhay para sa atin.

O, iyang abo sa noo mo? Huwag mong huhugasan iyan ah! Tanda iyan na nakikiisa ka sa pag-uumpisa ng laban. Simulan na ang pakikibaka! KUWARESMA NA!!!

Sunday, March 6, 2011

KILALA KITA.

March 06, 2011
Ninth Sunday in Ordinary Time
Dt 11,18.26-28.32 . Rom 3,21-25.28
Mt 7,21-27
==========

May tumawag na ba sa iyo isang araw pero di mo siya kilala?

Isang classic example nito yung conversation nina Inday at ng manloloko. Isang araw, tumawag si Manloloko sa telepono at sasagutin siya ni Inday. Sinabi nung manloloko, “Inday, boss mo ito, padalhan mo ako ng ganitong halaga kasi nasa ospital ako. Naaksidente ako.”

Sumagot naman si Inday, “Hoy! Manloloko ka! Tumigil ka. Hindi inday ang tawag sa akin ni Sir, kundi Honey! Sino’ng niloko mo?”

Plakda!

Kung ang inday, may karapatang sabihin na hindi niya kilala niya ang isang tao, mas lalo na si Hesus. Ito ang kanyang pinapahayag sa ating Ebanghelyo ngayon.

Hindi lahat ng nagsasabing “Panginoon! Panginoon!” ay makakapasok sa kaharian ng Langit, kundi yung mga taong sumusunod sa kalooban ng aking Ama sa Langit.

Sa panahon natin ngayon na puno na ng panloloko ang mundo, kailangan talaga tayong maging maingat upang hindi tayo maburyo sa huli. Kailangang maging listo tayo sa lahat ng oras. Para sa huli naman, tayo rin ang makinabang ng ating disiplinadong ugali.

Pero sana, ganito rin ang ating ugali pagdating sa ating pananampalataya. Madalas kasing nananatili na lang tayo sa dasal ng dasal. Hindi natin nakikita ang kabilang side ng ating buhay-Kristiyano, ang paggawa ng kabutihan sa kapwa.

Eh iyan nga ang kadalasang nangyayari sa ating mga Katoliko, lalo na sa ating mga Pilipino. Panay dasal, tawag lang ng tawag sa pangalan ni Hesus, lalo na kapag may kailangan tayo, ngunit wala ang gawa. Isipin ninyo kung dumating ang araw na makikita natin si Hesus, sasabihin nating Lord! Nandito na kami! Paano kaya kung sabihin ni Hesus, HINDI KITA KILALA. UMALIS KA NGA SA HARAPAN KO!? Paano kung ipagtabuyan tayo? Saan naman kaya tayo pupulutin noon?

Kung gaano tayo kalisto sa ating pagiging maingat sa mga bagay sa mundo, ganito rin sana ang ating disiplina sa mga espiritwal na bagay. Hindi lang hanggang salita lang, isagawa rin. Maging maingat sa mga gagawin. Isaalang-alang ang ating kaligtasan sa lahat ng oras.

Tandaan natin ang mga huling salita ni Hesus sa Ebanghelyo natin, na lahat ng nakikinig sa kanyang utos at tumutupad dito ay parang isang taong nag-construct ng bahay sa batuhan. Matatag iyun kahit bahain at umulan ng malakas. Iyun ay dahil ang batong pinagtayuan niya ng bahay ay siguradong matatag at maaasahan sa oras ng mga unos. Hindi siya pababayaan ng matibay na pundasyon na iyun. Sa huli, ang bato ring iyun ang magiging kanyang huling himlayan.

Isipin natin ito, mga kapatid. Huwag lang sana tayong huminto sa pagtawag. Sana, di tayo matulad sa manloloko na tumawag kay inday. Tumulad sana tayo sa taong nagtayo ng bahay sa bato. Siguradong tayo ay mamamalagi sa piling ng Diyos hanggang sa huli. At nakakatiyak tayo na pagdating ng sandaling iyun na magpakilala tayo kay Hesus ay masasabi niyang, KILALA NGA KITA.