Sunday, December 9, 2012

Tinig ni Juan

Disyembre 09, 2012
Ikalawang Linggo ng Adbiyento
Br 5,1-9 . Fil 1,4-6.8-11
Luc 3,1-6
===

Busy pa rin sa pamimili? Isang linggo na iyan ah!

Noong isang linggo, binahagi ko sa inyo ang kahalagahan ng paghahanda sa panahong ito ng Pagdating ng Panginoon. Dapat nga tayo maghanda kasi parating na ang ating Manunubos. At kung tayo ay maghahanda na, dapat na hindi lamang panlabas kundi sa kalooban rin.

At mukhang totoo nga ang sinabi ni Hesus, sapagkat dumarating na ang tagapanguna. Babalik na ang ating mga Ebanghelyo sa pasimula ng ministeryo ni Hesus, kung kailan dumating sa ilang si Juan Bautista. Pumunta siya sa may Ilog Jordan upang binyagan at turuan ang mga tao tungkol sa paghahari ng Diyos. Sa kanya natupad ang hula ni Propeta Isaias: May tinig sa ilang: ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon!

Sa panahon ng Adbiyento, ang tinig ni Juan ang siya nating maririnig. Sa kanyang pagtuturo, ipinapakilala niya ang kanyang sarili bilang tagapanguna sa higit na darating. Sa kanyang gawain, makikita natin na may isang  mas dakila pa sa kanya na tutubos sa bayang kanyang inihanda. Sa ibang salita, ang katauhan at ministeryo ni Juan ay isang paraan ng paghahanda para sa isang mas dakilang katauhan at paglilingkod na darating 

Mukhang malinaw naman sa atin ang mensahe ng pahayag ni Juan sa araw na ito: Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan at pabinyag kayo upang kayo’y patawarin ng Diyos! Ito rin ang umaalingawngaw na tinig ng Simbahan sa panahong ito ng paghahanda para sa Pasko, lalo na sa Taon na ito ng Pananampalataya, ang muling bumalik sa Diyos na siya lamang pinagmumulan ng buhay at ng mga biyaya. 

Gayunpaman, alam nating hindi ito ang palaging nangyayari. Patuloy pa rin tayo sa buhay ala-hari. Hindi iniisip ang pananaw at kapakanan ng iba, tuloy lang tayo sa mga bagay na nakakapagsaya lamang sa atin. Madalas pa nga, naghahanda tayo ng regalo kaysa sa paghandaan ang Pasko na taos-puso, at totoo sa kalooban.

Subukan nating tanungin ang ating mga sarili, kamusta na ang ating paghahanda? Tuloy lang ba tayo sa ating nakasanayan na 'paghahanda,' o sinusubukan nating alamin ang tunay na katayuan ng ating pakikipag-ugnayan sa Diyos nang sa gayon ay tunay tayong makapaghanda para sa Pasko?

Mga kasama, marami pa tayong maririnig mula kay Juan. Pakinggan natin ang kanyang tinig, at makakatiyak tayo na magiging ganap ang ating paghahanda para sa Paskong darating!

Panginoon, binigay mo si Juan sa amin upang matulungan kami sa paghahanda para sa iyong pagdating. Gabayan mo kami sa pamamagitan ng kanyang tinig na maghahatid sa amin sa ganap na paghahanda ng puso para sa Pasko. Amen.


Saturday, December 8, 2012

MALINIS AT BANAL!



DAKILANG KAPISTAHAN NG INMACULADA CONCEPCION
Pangunahing Pintakasi ng Bansang Pilipinas
Disyembre 08, 2012
Gn 3, 9,15-20 . Efe 1,3-6.11-12
Lc 1,26-38
===

Kapag sinabing malinis, ibig sabihin walang bahid na ano pa man, almost perfect. Hinahanap natin iyan sa damit, maganda sa paningin kung walang mantsa, o kung hindi lukot at plantsadong mainam. Hinahanap natin iyan sa project, yung walang masyadong lukot o trace ng pandikit. May grade nga yung cleanliness ng isang project, di ba? Sa kanyang gaslaw o sinop, sa kanyang ayos ng buhok at sa gupit ng kuko sa paa makikita natin kung malinis sa katawan at sa buhay ang isang tao na nais tayong maging kaibigan.

Importante ang pagiging malinis, hindi lang dahil sa maganda ito sa paningin, subalit ito ang nagpapakilala ng katauhan ng isang tao o bagay. Ito ang nagbibigay ng identity, ng pagkakakilanlan sa atin. Masasabi nating isa ito sa mga maaalala sa atin nga mga taong malapit sa buhay natin na nalayo o nawalay sa piling natin.

Malinis. Ito ang taglay ni Maria buhat sa unang sandali ng kanyang pagiging tao sa sinapupunan ni Santa Ana. Sa ating pagdiriwang ngayon ng Inmaculada Concepcion, ating ipinagdiriwang ang pagiging malinis ni Maria: walang bahid ng kasalanang mana. Ito ang siyang nagbigay-daan sa kanyang pagiging-marapat upang tanghalin na Ina ng ating Panginoon.

Sa pagbasa sa unang Vespers para sa Dakilang Kapistahan ngayon, pinahayag ni Pablo na hinihirang ng Diyos sa pasimula ang mga taong gaganap sa kanyang kalooban, tinawag at ginagawang marapat sa pakikibahagi sa kanyang gawain ng kaligtasan. Si Maria ang unang nakatanggap ng biyayang ito sa pamamagitan ng Inmaculadang paglilihi sa kanya.

Hindi natin masasabing karapat-dapat si Maria kung siya ay nananatili sa buhay ng kasalanan. Ang papel ni Maria sa ating kaligtasan ay lubhang naging matingkad sa kanyang pagiging malinis. Ito ay binigyan ng katuwiran ng Anghel noong kanyang pinahayag: Matuwa ka, ikaw ay kalugod-lugod sa Diyos!

Kaire Kecharitomene, lubhang pinagpala! Ito ang ating pagkilala sa dakilang Ina ng Diyos na atin ring ina. Ang lahat ng pagmamahal na kanyang natatanggap sa panahong ito mula sa ating kanyang mga anak ay bunga ng dakilang pagpapala na nagbuhat sa Panginoon. Sa kanyang pananalig, tayo ay nakasumpong ng ating kaligtasan, kaya gayun na lamang ang ating pagpapasalamat sa kanya siyang ating Ina at Huwaran sa Taong ito ng Pananampalataya.

Si Maria ang siya nating gabay at huwaran sa isang buhay na puno ng kalinisan at kabanalan. Sa kanyang kalinisan, nagsumikap siya na pag-ibayuhin ang kabanalan at pagmamahal sa Diyos sa pamamagitan ng isang buhay na malinis at nakatalaga sa Panginoon. Tinanggap ni Maria ang biyaya ng buhay na nagmumula sa Diyos, at kinilala niya ito bilang isang banal na kaloob. Hindi niya pinagkait ang kanyang sarili sa kalooban ng Diyos na naganap sa kanyang pag-oo sa pahayag ng Anghel na siya'y magiging Ina ng Manunubos.

Aminin na natin, mahirap maging malinis sa panahong ito. Sa impluwensyang ating natatanggap buhat sa mundo, tayo ay humaharap sa pang-araw-araw na pagsubok laban sa kalinisan ng ating katawan at kalooban. Palagi tayong nadarapa at  nagkakasala laban sa ating Panginoon, at dahil dito tayong lahat ay lukot na, bahid na ng sangkaterbang mantsa, at hindi na karapat-dapat na lumapit sa kanya.

Subalit sa araw na ito, sa Dakilang Kapistahan ng Inmaculada Concepcion, muli sa ating pinapakilala ng Panginoon si Maria na humarap sa pagsubok ng mundo tulad natin, subalit nanatili sa isang buhay na tapat sa kanyang Panginoon at sa estado ng kanyang buhay. Pinapakilala nga siyang muli ng Panginoon bilang isang tanda sa langit na siyang ating kalasag laban sa kamandag at lason ng ahas – ang mga tukso ng ating makabagong panahon.

Sukat nating tanungin ang ating mga sarili: Patuloy pa ba akong nananatili sa isang buhay na malinis at banal? Katulad ni Maria, nagsisikap ba akong magtaguyod sa isang buhay ng kalinisan, o sumusunod na lang ba ako sa agos ng mundo na wala nang pagpapahalaga sa dignidad ng buhay ng aking kapwa?

Sa ating pakikibaka para sa dignidad at karangalan ng buhay, tayo ay patuloy na lumingon sa Mahal na Ina na hindi natakot ipahayag ang pagmamahal ng Diyos sa pamamagitan ng buhay na sakdal linis sa paningin ng Diyos at ng mga taong lumalapit sa kanya.

Panginoon, sa pamamagitan ng iyong biyayang pinagkaloob kay Inang Maria, dalangin namin na kami'y ilayo sa tukso ng mundo at patatagin sa iyong kagandahang-loob, nang kami'y maging marapat sa isang buhay na banal at malinis para sa lalong kapurihan ng iyong Ngalan dito sa lupa, para nang sa Langit. Amen.

Maria, Birheng Pinaglihing walang sala, ipanalangin mo kami!

Sunday, December 2, 2012

MAGHANDA!


UNANG LINGGO NG ADBIYENTO
Liturhikal na Siklo C - Taon I 
Disyembre 02, 2012
Jr 33, 14-16 . 1Ts 3,12-4,2
Lucas 21, 25-28.34-36
===
 
Ayan, Bagong Taon na naman sa ating Inang Simbahan! Ibig sabihin, ilang araw na lang ang binibilang ay Pasko at 2013 na. Mukhang excited na naman ang bawat isa, dahil naghahanda na tayo ng listahan ng ating reregaluhan, budget para sa pagkain, at kung anu-ano pa. Ito naman talaga ang siklo ng buhay natin pagsapit ng ganitong panahon ng taon: aligaga.

Ang Adbiyento, tulad ng alam natin, ay panahon ng paghahanda. Apat na kandila sa korona, simbulo ng apat na linggo ng ating puspusang paghihintay sa pagsilang ng ating Manunubos sa Betlehem, at sa kanyang pagbabalik sa wakas na taglay ang dakilang kapangyarihan. Bawat linggo, nagsisindi tayo ng isang bagong kandila, dahil nais nating tanglawan ng Diyos ang buhay natin patungo sa kanya (sana ganun nga)

May pagnanais na maipagdiwang ang kanyang pagsilang na masaya, ay ating nililinis ang ating mga tahanan at ang iba pang gamit sa bahay, nagsasabit ng ilaw at palamuti, nagtatayo ng puno at iba pang panlabas na pagpapakita ng maganda at makulay na Pasko para sa atin.

Subalit, ito ang tanong: Masaya ka nga ba sa iyong paghahanda? Kamusta ka? Paano kung ito na ang huling Pasko na darating, at hindi ka nakapaghanda ng mainam sa kalooban? Paano ka?

Umaalingawngaw ang tawag na maghanda sa ating Ebanghelyo ngayon. Simple lang naman ang topic ni Heus: ang wakas ng panahon. Isang kakila-kilabot na pangyayari na napapalibutan ng pagkawasak ng santinakpan, pagkalito at kasawian, at ang dakilang pagbabalik ng Anak ng Tao na dumarating na nasa alapaap, may dakilang kapangyarihan at malaking karangalan. Hindi ito isang ilusyon o kung ano; sa totoo nga lang ay dahan-dahan na natin itong nararamdaman sa panahon natin ngayon sa kaliwa't-kanang mga kaguluhan at delubyo na ating nararanasan.

Sabi nga sa Boy Scout, dapat Laging Handa! hindi lamang sa ating panlabas na katangian, kundi at higit sa lahat, ay sa ating personal na buhay. Sa mga taong hindi na iniisip ang kapakanan ng kapwa at inaalala na lamang ang para sa sarili nila, ang darating na wakas ay hudyat ng katapusan ng kanilang ligaya. Isang malaking pagsisisi ang kanilang mararamdaman, sapagkat inilaan nila ang kanilang panahon sa mga walang kwentang bagay. Tunay na parusang walang hanggan at kamatayang di-mamagkano ang tatamuhin nila, dahil hindi sila handa.

Pero sa taong tunay na malinis ang isip at buhay, at naging tapat sa Diyos hanggang sa huli, si Hesus na mismo ang nag-aanyaya, Kapag nagsimula nang mangyari ang mga bagay na ito, magalak kayó sapagkat malapit na ang pagliligtas sa inyó. Tulad nga ng aking ibinahagi noong nakaraan, ang katapusan ng mundo para sa ating Diyos ay ang hudyat ng kaligtasan ng mga taong sumunod hanggang sa wakas. Anuman ang pagsubok na dumating, taas-noo pa rin nilang sinasambit ang Pangalan ng Panginoon, at dahil dito, gantimpala ang kanilang kakamtin.

Sa bandang huli, ano nga ba ang panawag sa atin? MAGHANDA!  Kaya’t maging handa kayó sa lahát ng oras. Lagi ninyóng idalangin na magkaroon kayó ng lakas upang makaligtas sa lahát ng mangyayaring ito at makaharap sa Anak ng Tao. Kaya nga siguro may Adbiyento upang ipaalala sa atin na sa anumang gagawin natin, dapat ay isaisip natin ang pagdating ng Panginoon. Gawin natin ang nararapat at mabuti, upang sa kanyang pagdating sa Pasko, at sa kanyang pagbabalik sa wakas ay madatnan niya tayong may galak sa puso; umaawit ng papuri sa kanyang kagandahang-loob.

Uulitin ko: Masaya ka nga ba sa iyong paghahanda? Kamusta ka? Paano kung ito na ang huling Pasko na darating, at hindi ka nakapaghanda ng mainam sa kalooban? Paano ka?

Panginoon, sa aming paghihintay sa iyong pagbabalik, itulot mong makapaghanda kami, hindi lamang sa panlabas kundi sa aming kalooban. Gabayan mo kami sa bawat sandali hanggang sa masapit namin ang iyong liwanag na di-magwawari. Amen!




Saturday, November 24, 2012

Iyan ang TOTOO!

DAKILANG KAPISTAHAN NG PANGINOONG HESUKRISTO, HARI
Nobyembre 25, 2012
Dn 7,13-14 . Ph 1,5-8
Juan 18,33-37
===

The truth hurts, ayon sa isang kasabihan. Kapag humarap tayo sa isang bagay na totoo, alam nating kahit paano ay mababago nito ang mga pananaw natin sa buhay, sampu ng lahat ng tao sa paligid natin. Kahit paano, ang katotohanan ang magtataas o magbabagsak sa isang bagay, tao o pangyayari. Ito ang magsasaad kung tama o mali ang gawi natin. Sa isang salita, ang katotohanan ang isa sa mga mahahalagang pinanghahawakan natin, anuman ang estado o gawain natin sa buhay.

Ito rin ang pinapakilala ni Hesus sa ating Ebanghelyo ngayon, ang Huling Linggo sa Taong Liturhikal B. Sa gitna ng tinding hirap na kanyang binabata sa magdamag na siya'y inuusig, lakas-loob niyang pinahayag sa harap ni Pilato na siya'y Hari! Ito ang dahilan kung bakit ako ipinanganak at naparito sa sanlibutan, upang magsalita tungkol sa katotohanan.

Marami sa atin ang nagtatanong, bakit nga ba natin ipinagdiriwang ang Pistang sa dulo ng taon? Ano ang halaga para sa atin ng isang Hari na di naman natin kilala ni nakita? Totoo nga ba siya? Kung babalikan natin ang kasaysayan ng kapistahang ito, makikita natin ang isang kabalintunaan. Sa Quas Primas ni Papa Pio XI, pinahayag ng Banal na Papa ang paghahari ng maka-mundong mga pananaw, lalo na ang komunismo na talamak noong panahong iyon. 

Para sa mga makamundong pinuno, hindi umiiral ang Diyos, at kung umiral man siya ay wala siyang pakialam sa mga gawain ng mundo. Wala siyang karapatang mamuno sa kanila sapagkat di naman nila siya nakikita, ni nararamdaman. Higit sa lahat, isa siyang hadlang upang makapaghari sila sa paraang kanilang gusto. Katulad ni Pilato, kanilang sinasabi, hindi mo ba alam na may kapangyarihan akong palayain ka at kapangyarihang ipapako ka sa Krus? (Jn 19,10)

Subalit hindi ito ang totoo! Sa Krus, samantalang siya ay nakapako, ay pinakilala ni Hesus ang kanyang paghahari na hindi lamang nakatuon sa makamundong pananaw tulad ng tinuran sa taas; ang kanyang paghahari ay isang ubod ng pagmamahal at sakripisyo. Si Hesus ay hari na handang ialay ang sariling buhay para sa lahat ng umaasa sa kagandahang-loob ng Panginoon. Hindi ito kaya ng mga pinuno ng sanlibutan, ni magawa kailanman.

Christ as our Redeemer purchased the Church at the price of his own blood; as priest he offered himself, and continues to offer himself as a victim for our sins. Is it not evident, then, that his kingly dignity partakes in a manner of both these offices? [Quas Primas, 16]

Hindi ito kayang gawin ng mga taong umaastang "pinuno," dahil sa dignidad na dala ng pangalan o puwesto nila. Ayaw nilang mapahiya, ni plumakda. Gusto nila na sila ang masusunod. Subalit ang paghahari ni Hesus ay hindi paghahari bilang "boss" na uutusan tayong gawin ang anumang gusto niya. Naparito siya, hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod. Pinakita niya ito sa kanyang kamatayan sa Krus.

Ito ang katotohanang hinarap ni Hesus sa sandaling iyon na kaharap niya si Pilato. Ito rin ang patuloy niyang pinapakilala sa bawat isa sa atin, lalo na sa mga taong ayaw pa rin siyang tanggapin, ni yakapin ang katotohanang kanyang taglay. Patuloy na naghihintay si Kristong Hari para sa atin na kanyang mga iniligtas upang kilalanin siya at tanghalin na Hari ng kanilang buhay.

Sukat nating tanungin ang ating mga sarili sa araw na ito, Ano nga ba ang itinuturing kong totoo? Kinikilala ko ba si Hesus na Hari sa aking buhay, o patuloy lang ako sa buhay kong walang panginoon kundi ang sarili ko?

Sa ating pagtatapos sa isang Taong Liturhikal, muli nating subukang tuklasin ang kagandahang-loob ng Panginoon na patuloy na naghahandog ng kanyang kagandahang-loob para sa atin. Si Hesus ang nagpapakilala sa atin ng katotohanan, na siya ang Hari ng ating buhay at wala nang iba. Walang halong pangamba, makakaasa tayo sa patuloy niyang pagdamay sa ating lahat. Manalig tayo sa kanya at itanghal nating siya bilang Hari ng buong sanlibutan! Iyan ang totoo!


Panginoon, patuloy naming hinahanap ang katotohanan sa mga maling bagay. Buksan mo ang aming mata upang makita namin ang tunay na katotohanan: na Ikaw ang Hari at Diyos ng aming abang buhay. Maghari ka sa amin! Amen!


Saturday, November 17, 2012

2012

Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon
Dn 12,1-3 . Heb 10, 11-14.18
Marcos 13, 24-32 
===


Sino nga ba ang hindi pa nakakasagap ng balita na Doomsday na daw sa December 21, 2012? Maraming nagsasabing totoo daw na may malaking asteroid na tatama sa planeta at lalamunin ang lahat ng nakatira dito. Walang ititira, lahat mamamatay. Kung may matira man, eh good luck na lang dahil talagang wala ka nang makikitang matinong pagkain ni matitirahan. Back to zero, kung baga, kung magiging uso pa ang number na zero pagdating ng araw na iyun. Ni di na nga pinadaan pa ang araw ng Pasko eh, so malamang ay talagang wala ka nang dahilan para mabuhay pag nagkagayon.

Ganito ang pananaw ng nakakarami sa atin pagdating sa katapusan ng mundo. Masakit, nakakapangilabot, at higit sa lahat, malapit na. Magaling na tayo kapag nagkatotoo ang mga bagay na ito, sapagkat nahuli natin ang isip ng Diyos na siya lamang nakakaalam ng lahat ng bagay, maging ang katapusan.

Sa puntong ito, tunghayan natin ang Mabuting Balita sa araw na ito, ang ikalawang linggo bago matapos ang taong liturhikal. Mababanaag rin natin sa mga salita ni Hesus ang pagdating ng wakas. Walang pinagkaiba sa ating pananaw: Sa araw na iyon, matapos ang matinding kapighatian, magdidilim ang araw, hindi magliliwanag ang buwan, malalaglag mula sa langit ang mga bituin, at mayayanig ang mga kapangyarihan sa kalawakan

Medyo may pagkakapareho siya sa Asteroid na tatama "daw" sa December 21, subalit may matindi itong pagkakaiba. Sa pananaw natin, ang katapusan ng mundo ay ang panahon na wala ka nang magagawa kundi harapin ang iyong kamatayan. Walang kaparis ang hirap na daranasin natin, na makakalimutan na nga nating may Diyos. Mapapatunayan nito na walang magliligtas sa atin, at walang saysay ang ating pananampalataya.

Subalit sa pananaw ni Hesus, ang katapusan ng mundo ay ang panahon na kung saan ay tatawagin ng Diyos ang lahat ng kanyang hinirang papunta sa kanyang piling. Makikita ang Anak ng Tao na nasa alapaap, dumarating na may dakilang kapangyarihan at malaking karangalan. Susuguin niya ang kanyang mga anghel sa apat na panig ng daigdig at titipunin nila ang mga hinirang ng Diyos, mula sa lahat ng dako. 

Ang katapusan ng sanlibutan ay ang panahon ng kanyang pagtawag at pagtipon sa mga nanatiling tapat sa kanya hanggang sa huli. Ito ang katuparan ng kanyang pangako sa kanila, na siyang magpapatunay na may Diyos na mananatili sa piling ng lahat ng nanatiling sumasampalataya sa kanya. Ito ang katuparan ng kanyang wika, kasama ninyo ako hanggang sa wakas ng panahon!

Higit sa lahat, matindi ang pagkakasabi ng Panginoon, Ngunit walang nakaaalam ng araw o oras ng pagsapit niyon, kahit ang mga anghel sa langit o ang Anak man – ang Ama lamang ang nakaaalam nito. Sa tingin ko ay wala na akong paliwanag na dapat pang idagdag, sapagkat malinaw ang mga sinabi ni Hesus. Ito ay isang panawagan rin sa atin na huwag manatili sa sinasabi ng bibig - mabuhay na parang ito na ang huling araw mo sa mundo; kung gagawa ka ng mabuting bagay, gawin mo na ito NGAYON!

Sinabi ni Hesus, Mawawala ang langit at ang lupa, ngunit ang mga salita ko’y hindi magkakabula. Pinaghahandaan ba natin ang mga huling sandali sa pamamagitan ng isang buhay na may Banal na Pagkatakot sa Diyos? Hinihintay ko pa ba ang bukas upang gumawa ng mabuti, o sinisikap ko nang makatulong sa kapwa ngayon? Naniniwala ba ako sa wika ng tao, o sumasampalataya sa pahayag ng Diyos?

Isang magandang tip para sa atin, sa halip na hintayin ang end of the world na walang ginagawa, subukan nating maging isang tapat na Kristiyano sa paningin ng Diyos at ng ating kapwa. At least, kung totoo man na sa 2012 ang end of the world, ay naging handa ka at tapat sa Diyos. Di ba?

Panginoon, ikaw ang Hari ng lahat; ang simula at katapusan. Tulungan mo kaming maghanda sa iyong pagbabalik sa pamamagitan ng isang buhay na tapat sa iyo. Amen.


Sunday, November 11, 2012

Paano ka magbigay?

Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon
Marcos 12, 38-44 

Sabi nila, the more you give, the more you receive. Napatunayan na ito sa mga kuwento ng mga kapatid natin na, sa kabila ng kayamanang taglay nila, ay di natatakot na maglabas ng higit pa para sa mga nangangailangan. Sabi ng ilan, kaya siya pinagpapala dahil marunong siyang magbigay.

Pero paano kung wala nang natitira sa iyo? Magbibigay ka pa ba?
Sa Ebanghelyo natin ngayon, pinuri ng Panginoong Hesus ang isang babaeng balo sa kanyang pagiging bukas-palad. Sa araw na iyon, samantalang libu-libo ang binibigay ng mga tao bilang buwis, ang babaeng balo ay lumapit at nagbigay ng dalawang pirasong barya. Sa kataga ng Panginoon, binigay niya ang higit sa kanilang lahat, sapagkat ibinigay na niya ang kanyang buong ikabubuhay.

Madalas nating pinag-iisipan ng masama ang ating pagbibigay sa kapwa. Hinahati-hati pa natin yung pera para may matira para sa atin. Ang mahalaga pa rin ay tayo o ang pangangailangan natin. Madalas pa nga ay galit tayo pag magbigay kasi nakukulitan na tayo o anu pa man.

Subalit tignan natin ang halimbawa ng babaeng balo na, kahit na iyun na lang ang natitira sa kanya, ay bukas-palad pa rin niyang ibinigay sa Panginoon. Dito natin makikita na, kahit na ang walang maibigay ay nakakayanang ibigay ang natitira sa kanya, sa pag-asang magagawa ng Diyos na lingapin siya mula sa hirap. May kagalakan sa puso, ipinaubaya niya ang buo niyang kayamanan sa Diyos na pinagmulan nito.

Maitatanong natin sa ating sarili, Paano ba ako magbigay sa Panginoon at sa aking kapwa: may galak o may isnab? Bukas-palad ba na may ngiti sa puso, o may halong hinanakit o sama ng loob?

Mga giliw, tandaan natin na ang lahat ng bagay ay mula sa Panginoon, maging ang sarili nating buhay. Huwag nating itago sa ating sarili ang anumang meron tayo dahil dito masusukat kung gaano natin kamahal ang ating kapwa. 

Panginoon, turuan mo akong maging bukas-palad, para sa lalo mong kapurihan at sa ikakalingap ng aking mga kapatid. Amen.

Friday, November 2, 2012

HOLINESS versus NOVELTY

Commemoration of the Faithful Departed
November 02, 2012
===

Today, we remember in our prayers all those who went ahead of us, and now experience the purifying fire of Purgatory. We believe that, as sinners, we need to be pure in order to relish the joys of Heaven.

Those who do not believe may bash that this is not true nor found in the Bible, but in the experience of the Rich Man and Father Abraham we may find a certain proof that there is, indeed, this place - a stop-over - where we purify ours
elves off so that we may be more than worthy to enter God's Kingdom.

Contrary to the popular belief, we believe that God is a God of the Living, not of the dead (it justifies the name of today's celebration). When we die, we do not die totally; this is the passing from the land of exile to the reward or punishment waiting for us. We continue to live, but this time we now face the result of the challenges we had: PASSED, ALMOST, or FAILED.

Almost everyone neglects this Eschatological reality: we live as if there is no life after death. We do things which is against God's Will, even doing it inside his Home, which is our bodies. We continue to sin, do failures and lead others to their doom. All because it is "uso."

Dear friends, today's commemoration challenges us not to go with the flow of the world. The Lord calls us to proclaim His love, His truth, His mercy to the world, and not to deal with the yolk of pagans or schismatics. If we want to reach Heaven fast, let us indeed do every good turn to our brothers and sisters in need. This includes praying for those who passed away, the least remembered and most forgotten, and those who are near the gates of Heaven.

As the souls in Purgatory need our prayers, we also strive to be true to our name and calling: CHRISTIANS.