UNANG LINGGO NG ADBIYENTO
Liturhikal na Siklo C - Taon I
Disyembre 02, 2012
Jr 33, 14-16 . 1Ts 3,12-4,2
Lucas 21, 25-28.34-36
===
Ayan, Bagong Taon na naman sa ating Inang Simbahan! Ibig sabihin, ilang araw na lang ang binibilang ay Pasko at 2013 na. Mukhang excited na naman ang bawat isa, dahil naghahanda na tayo ng listahan ng ating reregaluhan, budget para sa pagkain, at kung anu-ano pa. Ito naman talaga ang siklo ng buhay natin pagsapit ng ganitong panahon ng taon: aligaga.
Ang Adbiyento, tulad ng alam natin, ay panahon ng paghahanda. Apat na kandila sa korona, simbulo ng apat na linggo ng ating puspusang paghihintay sa pagsilang ng ating Manunubos sa Betlehem, at sa kanyang pagbabalik sa wakas na taglay ang dakilang kapangyarihan. Bawat linggo, nagsisindi tayo ng isang bagong kandila, dahil nais nating tanglawan ng Diyos ang buhay natin patungo sa kanya (sana ganun nga).
May pagnanais na maipagdiwang ang kanyang pagsilang na masaya, ay ating nililinis ang ating mga tahanan at ang iba pang gamit sa bahay, nagsasabit ng ilaw at palamuti, nagtatayo ng puno at iba pang panlabas na pagpapakita ng maganda at makulay na Pasko para sa atin.
Subalit, ito ang tanong: Masaya ka nga ba sa iyong paghahanda? Kamusta ka? Paano kung ito na ang huling Pasko na darating, at hindi ka nakapaghanda ng mainam sa kalooban? Paano ka?
Umaalingawngaw ang tawag na maghanda sa ating Ebanghelyo ngayon. Simple lang naman ang topic ni Heus: ang wakas ng panahon. Isang kakila-kilabot na pangyayari na napapalibutan ng pagkawasak ng santinakpan, pagkalito at kasawian, at ang dakilang pagbabalik ng Anak ng Tao na dumarating na nasa alapaap,
may dakilang kapangyarihan at malaking karangalan. Hindi ito isang ilusyon o kung ano; sa totoo nga lang ay dahan-dahan na natin itong nararamdaman sa panahon natin ngayon sa kaliwa't-kanang mga kaguluhan at delubyo na ating nararanasan.
Sabi nga sa Boy Scout, dapat Laging Handa! hindi lamang sa ating panlabas na katangian, kundi at higit sa lahat, ay sa ating personal na buhay. Sa mga taong hindi na iniisip ang kapakanan ng kapwa at inaalala na lamang ang para sa sarili nila, ang darating na wakas ay hudyat ng katapusan ng kanilang ligaya. Isang malaking pagsisisi ang kanilang mararamdaman, sapagkat inilaan nila ang kanilang panahon sa mga walang kwentang bagay. Tunay na parusang walang hanggan at kamatayang di-mamagkano ang tatamuhin nila, dahil hindi sila handa.
Pero sa taong tunay na malinis ang isip at buhay, at naging tapat sa Diyos hanggang sa huli, si Hesus na mismo ang nag-aanyaya, Kapag nagsimula nang mangyari ang mga bagay na ito,
magalak kayó sapagkat malapit na ang pagliligtas sa inyó. Tulad nga ng aking ibinahagi noong nakaraan, ang katapusan ng mundo para sa ating Diyos ay ang hudyat ng kaligtasan ng mga taong sumunod hanggang sa wakas. Anuman ang pagsubok na dumating, taas-noo pa rin nilang sinasambit ang Pangalan ng Panginoon, at dahil dito, gantimpala ang kanilang kakamtin.
Sa bandang huli, ano nga ba ang panawag sa atin? MAGHANDA! Kaya’t maging handa kayó sa lahát ng oras.
Lagi ninyóng idalangin na magkaroon kayó ng lakas
upang makaligtas sa lahát ng mangyayaring ito at makaharap sa Anak ng Tao. Kaya nga siguro may Adbiyento upang ipaalala sa atin na sa anumang gagawin natin, dapat ay isaisip natin ang pagdating ng Panginoon. Gawin natin ang nararapat at mabuti, upang sa kanyang pagdating sa Pasko, at sa kanyang pagbabalik sa wakas ay madatnan niya tayong may galak sa puso; umaawit ng papuri sa kanyang kagandahang-loob.
Uulitin ko: Masaya ka nga ba sa iyong paghahanda? Kamusta ka? Paano kung ito na
ang huling Pasko na darating, at hindi ka nakapaghanda ng mainam sa
kalooban? Paano ka?
Panginoon, sa aming paghihintay sa iyong pagbabalik, itulot mong makapaghanda kami, hindi lamang sa panlabas kundi sa aming kalooban. Gabayan mo kami sa bawat sandali hanggang sa masapit namin ang iyong liwanag na di-magwawari. Amen!
No comments:
Post a Comment