Ika-32 Linggo sa Karaniwang Panahon
Marcos 12, 38-44
Sabi nila, the more you give, the more you receive. Napatunayan na ito sa mga kuwento ng mga kapatid natin na, sa kabila ng kayamanang taglay nila, ay di natatakot na maglabas ng higit pa para sa mga nangangailangan. Sabi ng ilan, kaya siya pinagpapala dahil marunong siyang magbigay.
Pero paano kung wala nang natitira sa iyo? Magbibigay ka pa ba?
Sa Ebanghelyo natin ngayon, pinuri ng Panginoong Hesus ang isang babaeng balo sa kanyang pagiging bukas-palad. Sa araw na iyon, samantalang libu-libo ang binibigay ng mga tao bilang buwis, ang babaeng balo ay lumapit at nagbigay ng dalawang pirasong barya. Sa kataga ng Panginoon, binigay niya ang higit sa kanilang lahat, sapagkat ibinigay na niya ang kanyang buong ikabubuhay.
Madalas nating pinag-iisipan ng masama ang ating pagbibigay sa kapwa. Hinahati-hati pa natin yung pera para may matira para sa atin. Ang mahalaga pa rin ay tayo o ang pangangailangan natin. Madalas pa nga ay galit tayo pag magbigay kasi nakukulitan na tayo o anu pa man.
Subalit tignan natin ang halimbawa ng babaeng balo na, kahit na iyun na lang ang natitira sa kanya, ay bukas-palad pa rin niyang ibinigay sa Panginoon. Dito natin makikita na, kahit na ang walang maibigay ay nakakayanang ibigay ang natitira sa kanya, sa pag-asang magagawa ng Diyos na lingapin siya mula sa hirap. May kagalakan sa puso, ipinaubaya niya ang buo niyang kayamanan sa Diyos na pinagmulan nito.
Maitatanong natin sa ating sarili, Paano ba ako magbigay sa Panginoon at sa aking kapwa: may galak o may isnab? Bukas-palad ba na may ngiti sa puso, o may halong hinanakit o sama ng loob?
Mga giliw, tandaan natin na ang lahat ng bagay ay mula sa Panginoon, maging ang sarili nating buhay. Huwag nating itago sa ating sarili ang anumang meron tayo dahil dito masusukat kung gaano natin kamahal ang ating kapwa.
Panginoon, turuan mo akong maging bukas-palad, para sa lalo mong kapurihan at sa ikakalingap ng aking mga kapatid. Amen.
No comments:
Post a Comment