Disyembre 09, 2012
Ikalawang Linggo ng Adbiyento
Br 5,1-9 . Fil 1,4-6.8-11
Luc 3,1-6
===
Busy pa rin sa pamimili? Isang linggo na iyan ah!
Noong isang linggo, binahagi ko sa inyo ang kahalagahan ng paghahanda sa panahong ito ng Pagdating ng Panginoon. Dapat nga tayo maghanda kasi parating na ang ating Manunubos. At kung tayo ay maghahanda na, dapat na hindi lamang panlabas kundi sa kalooban rin.
At mukhang totoo nga ang sinabi ni Hesus, sapagkat dumarating na ang tagapanguna. Babalik na ang ating mga Ebanghelyo sa pasimula ng ministeryo ni Hesus, kung kailan dumating sa ilang si Juan Bautista. Pumunta siya sa may Ilog Jordan upang binyagan at turuan ang mga tao tungkol sa paghahari ng Diyos. Sa kanya natupad ang hula ni Propeta Isaias: May tinig sa ilang: ihanda ninyo ang daraanan ng Panginoon!
Sa panahon ng Adbiyento, ang tinig ni Juan ang siya nating maririnig. Sa kanyang pagtuturo, ipinapakilala niya ang kanyang sarili bilang tagapanguna sa higit na darating. Sa kanyang gawain, makikita natin na may isang mas dakila pa sa kanya na tutubos sa bayang kanyang inihanda. Sa ibang salita, ang katauhan at ministeryo ni Juan ay isang paraan ng paghahanda para sa isang mas dakilang katauhan at paglilingkod na darating
Mukhang malinaw naman sa atin ang mensahe ng pahayag ni Juan sa araw na ito: Pagsisihan ninyo’t talikdan ang inyong mga kasalanan
at pabinyag kayo upang kayo’y patawarin ng Diyos! Ito rin ang umaalingawngaw na tinig ng Simbahan sa panahong ito ng paghahanda para sa Pasko, lalo na sa Taon na ito ng Pananampalataya, ang muling bumalik sa Diyos na siya lamang pinagmumulan ng buhay at ng mga biyaya.
Gayunpaman, alam nating hindi ito ang palaging nangyayari. Patuloy pa rin tayo sa buhay ala-hari. Hindi iniisip ang pananaw at kapakanan ng iba, tuloy lang tayo sa mga bagay na nakakapagsaya lamang sa atin. Madalas pa nga, naghahanda tayo ng regalo kaysa sa paghandaan ang Pasko na taos-puso, at totoo sa kalooban.
Subukan nating tanungin ang ating mga sarili, kamusta na ang ating paghahanda? Tuloy lang ba tayo sa ating nakasanayan na 'paghahanda,' o sinusubukan nating alamin ang tunay na katayuan ng ating pakikipag-ugnayan sa Diyos nang sa gayon ay tunay tayong makapaghanda para sa Pasko?
Mga kasama, marami pa tayong maririnig mula kay Juan. Pakinggan natin ang kanyang tinig, at makakatiyak tayo na magiging ganap ang ating paghahanda para sa Paskong darating!
Panginoon, binigay mo si Juan sa amin upang matulungan kami sa paghahanda para sa iyong pagdating. Gabayan mo kami sa pamamagitan ng kanyang tinig na maghahatid sa amin sa ganap na paghahanda ng puso para sa Pasko. Amen.
No comments:
Post a Comment