Saturday, December 8, 2012

MALINIS AT BANAL!



DAKILANG KAPISTAHAN NG INMACULADA CONCEPCION
Pangunahing Pintakasi ng Bansang Pilipinas
Disyembre 08, 2012
Gn 3, 9,15-20 . Efe 1,3-6.11-12
Lc 1,26-38
===

Kapag sinabing malinis, ibig sabihin walang bahid na ano pa man, almost perfect. Hinahanap natin iyan sa damit, maganda sa paningin kung walang mantsa, o kung hindi lukot at plantsadong mainam. Hinahanap natin iyan sa project, yung walang masyadong lukot o trace ng pandikit. May grade nga yung cleanliness ng isang project, di ba? Sa kanyang gaslaw o sinop, sa kanyang ayos ng buhok at sa gupit ng kuko sa paa makikita natin kung malinis sa katawan at sa buhay ang isang tao na nais tayong maging kaibigan.

Importante ang pagiging malinis, hindi lang dahil sa maganda ito sa paningin, subalit ito ang nagpapakilala ng katauhan ng isang tao o bagay. Ito ang nagbibigay ng identity, ng pagkakakilanlan sa atin. Masasabi nating isa ito sa mga maaalala sa atin nga mga taong malapit sa buhay natin na nalayo o nawalay sa piling natin.

Malinis. Ito ang taglay ni Maria buhat sa unang sandali ng kanyang pagiging tao sa sinapupunan ni Santa Ana. Sa ating pagdiriwang ngayon ng Inmaculada Concepcion, ating ipinagdiriwang ang pagiging malinis ni Maria: walang bahid ng kasalanang mana. Ito ang siyang nagbigay-daan sa kanyang pagiging-marapat upang tanghalin na Ina ng ating Panginoon.

Sa pagbasa sa unang Vespers para sa Dakilang Kapistahan ngayon, pinahayag ni Pablo na hinihirang ng Diyos sa pasimula ang mga taong gaganap sa kanyang kalooban, tinawag at ginagawang marapat sa pakikibahagi sa kanyang gawain ng kaligtasan. Si Maria ang unang nakatanggap ng biyayang ito sa pamamagitan ng Inmaculadang paglilihi sa kanya.

Hindi natin masasabing karapat-dapat si Maria kung siya ay nananatili sa buhay ng kasalanan. Ang papel ni Maria sa ating kaligtasan ay lubhang naging matingkad sa kanyang pagiging malinis. Ito ay binigyan ng katuwiran ng Anghel noong kanyang pinahayag: Matuwa ka, ikaw ay kalugod-lugod sa Diyos!

Kaire Kecharitomene, lubhang pinagpala! Ito ang ating pagkilala sa dakilang Ina ng Diyos na atin ring ina. Ang lahat ng pagmamahal na kanyang natatanggap sa panahong ito mula sa ating kanyang mga anak ay bunga ng dakilang pagpapala na nagbuhat sa Panginoon. Sa kanyang pananalig, tayo ay nakasumpong ng ating kaligtasan, kaya gayun na lamang ang ating pagpapasalamat sa kanya siyang ating Ina at Huwaran sa Taong ito ng Pananampalataya.

Si Maria ang siya nating gabay at huwaran sa isang buhay na puno ng kalinisan at kabanalan. Sa kanyang kalinisan, nagsumikap siya na pag-ibayuhin ang kabanalan at pagmamahal sa Diyos sa pamamagitan ng isang buhay na malinis at nakatalaga sa Panginoon. Tinanggap ni Maria ang biyaya ng buhay na nagmumula sa Diyos, at kinilala niya ito bilang isang banal na kaloob. Hindi niya pinagkait ang kanyang sarili sa kalooban ng Diyos na naganap sa kanyang pag-oo sa pahayag ng Anghel na siya'y magiging Ina ng Manunubos.

Aminin na natin, mahirap maging malinis sa panahong ito. Sa impluwensyang ating natatanggap buhat sa mundo, tayo ay humaharap sa pang-araw-araw na pagsubok laban sa kalinisan ng ating katawan at kalooban. Palagi tayong nadarapa at  nagkakasala laban sa ating Panginoon, at dahil dito tayong lahat ay lukot na, bahid na ng sangkaterbang mantsa, at hindi na karapat-dapat na lumapit sa kanya.

Subalit sa araw na ito, sa Dakilang Kapistahan ng Inmaculada Concepcion, muli sa ating pinapakilala ng Panginoon si Maria na humarap sa pagsubok ng mundo tulad natin, subalit nanatili sa isang buhay na tapat sa kanyang Panginoon at sa estado ng kanyang buhay. Pinapakilala nga siyang muli ng Panginoon bilang isang tanda sa langit na siyang ating kalasag laban sa kamandag at lason ng ahas – ang mga tukso ng ating makabagong panahon.

Sukat nating tanungin ang ating mga sarili: Patuloy pa ba akong nananatili sa isang buhay na malinis at banal? Katulad ni Maria, nagsisikap ba akong magtaguyod sa isang buhay ng kalinisan, o sumusunod na lang ba ako sa agos ng mundo na wala nang pagpapahalaga sa dignidad ng buhay ng aking kapwa?

Sa ating pakikibaka para sa dignidad at karangalan ng buhay, tayo ay patuloy na lumingon sa Mahal na Ina na hindi natakot ipahayag ang pagmamahal ng Diyos sa pamamagitan ng buhay na sakdal linis sa paningin ng Diyos at ng mga taong lumalapit sa kanya.

Panginoon, sa pamamagitan ng iyong biyayang pinagkaloob kay Inang Maria, dalangin namin na kami'y ilayo sa tukso ng mundo at patatagin sa iyong kagandahang-loob, nang kami'y maging marapat sa isang buhay na banal at malinis para sa lalong kapurihan ng iyong Ngalan dito sa lupa, para nang sa Langit. Amen.

Maria, Birheng Pinaglihing walang sala, ipanalangin mo kami!

No comments:

Post a Comment