Ika-33 Linggo sa Karaniwang Panahon
Dn 12,1-3 . Heb 10, 11-14.18
Marcos 13, 24-32
===
Sino nga ba ang hindi pa nakakasagap ng balita na Doomsday na daw sa December 21, 2012? Maraming nagsasabing totoo daw na may malaking asteroid na tatama sa planeta at lalamunin ang lahat ng nakatira dito. Walang ititira, lahat mamamatay. Kung may matira man, eh good luck na lang dahil talagang wala ka nang makikitang matinong pagkain ni matitirahan. Back to zero, kung baga, kung magiging uso pa ang number na zero pagdating ng araw na iyun. Ni di na nga pinadaan pa ang araw ng Pasko eh, so malamang ay talagang wala ka nang dahilan para mabuhay pag nagkagayon.
Ganito ang pananaw ng nakakarami sa atin pagdating sa katapusan ng mundo. Masakit, nakakapangilabot, at higit sa lahat, malapit na. Magaling na tayo kapag nagkatotoo ang mga bagay na ito, sapagkat nahuli natin ang isip ng Diyos na siya lamang nakakaalam ng lahat ng bagay, maging ang katapusan.
Sa puntong ito, tunghayan natin ang Mabuting Balita sa araw na ito, ang ikalawang linggo bago matapos ang taong liturhikal. Mababanaag rin natin sa mga salita ni Hesus ang pagdating ng wakas. Walang pinagkaiba sa ating pananaw: Sa araw na iyon, matapos ang matinding kapighatian, magdidilim ang araw, hindi magliliwanag ang buwan, malalaglag mula sa langit ang mga bituin, at mayayanig ang mga kapangyarihan sa kalawakan.
Medyo may pagkakapareho siya sa Asteroid na tatama "daw" sa December 21, subalit may matindi itong pagkakaiba. Sa pananaw natin, ang katapusan ng mundo ay ang panahon na wala ka nang magagawa kundi harapin ang iyong kamatayan. Walang kaparis ang hirap na daranasin natin, na makakalimutan na nga nating may Diyos. Mapapatunayan nito na walang magliligtas sa atin, at walang saysay ang ating pananampalataya.
Subalit sa pananaw ni Hesus, ang katapusan ng mundo ay ang panahon na kung saan ay tatawagin ng Diyos ang lahat ng kanyang hinirang papunta sa kanyang piling. Makikita ang Anak ng Tao na nasa alapaap, dumarating na may dakilang kapangyarihan at malaking karangalan. Susuguin niya ang kanyang mga anghel sa apat na panig ng daigdig at titipunin nila ang mga hinirang ng Diyos, mula sa lahat ng dako.
Ang katapusan ng sanlibutan ay ang panahon ng kanyang pagtawag at pagtipon sa mga nanatiling tapat sa kanya hanggang sa huli. Ito ang katuparan ng kanyang pangako sa kanila, na siyang magpapatunay na may Diyos na mananatili sa piling ng lahat ng nanatiling sumasampalataya sa kanya. Ito ang katuparan ng kanyang wika, kasama ninyo ako hanggang sa wakas ng panahon!
Higit sa lahat, matindi ang pagkakasabi ng Panginoon, Ngunit walang nakaaalam ng araw o oras ng pagsapit niyon,
kahit ang mga anghel sa langit o ang Anak man
– ang Ama lamang ang nakaaalam nito. Sa tingin ko ay wala na akong paliwanag na dapat pang idagdag, sapagkat malinaw ang mga sinabi ni Hesus. Ito ay isang panawagan rin sa atin na huwag manatili sa sinasabi ng bibig - mabuhay na parang ito na ang huling araw mo sa mundo; kung gagawa ka ng mabuting bagay, gawin mo na ito NGAYON!
Sinabi ni Hesus, Mawawala ang langit at ang lupa,
ngunit ang mga salita ko’y hindi magkakabula. Pinaghahandaan ba natin ang mga huling sandali sa pamamagitan ng isang buhay na may Banal na Pagkatakot sa Diyos? Hinihintay ko pa ba ang bukas upang gumawa ng mabuti, o sinisikap ko nang makatulong sa kapwa ngayon? Naniniwala ba ako sa wika ng tao, o sumasampalataya sa pahayag ng Diyos?
Isang magandang tip para sa atin, sa halip na hintayin ang end of the world na walang ginagawa, subukan nating maging isang tapat na Kristiyano sa paningin ng Diyos at ng ating kapwa. At least, kung totoo man na sa 2012 ang end of the world, ay naging handa ka at tapat sa Diyos. Di ba?
Panginoon, ikaw ang Hari ng lahat; ang simula at katapusan. Tulungan mo kaming maghanda sa iyong pagbabalik sa pamamagitan ng isang buhay na tapat sa iyo. Amen.
No comments:
Post a Comment