Disyembre 30, 2012
KAPISTAHAN NG BANAL NA MAG-ANAK NG NAZARET
Sir 3,2-6.12-14 . Col 3,12-21
Lucas 2,41-52
===
Maraming beses na akong nawalan o nanakawan ng gamit: cellphone, pera, lapis, ballpen, libro, relo, at kung anu-ano pa. Mas madalas, hindi ko na ito nakikita; minsan, binabalik siya ng tadhana o ng puspusang paghahanap. Tanga lang talaga siguro ako o ano, pero mahirap talagang mag-ingat ng gamit na madaling mawala at di-maibalik. Kailangan talagang maging mapagmatyag sa kapaligiran.
Aminado tayong lahat, minsan nang may nawala sa atin: gamit, girlfriend/boyfriend, o bagay na talagang mahal na mahal natin. Kung gaano kahirap ang magkaroon nito, mas mahirap itong ingatan at ilayo sa masamang elemento. Kung ganito ang ating pananaw sa gamit, ano pa kaya kung mawala ang buhay, o ang kaligayahan natin? Di ba nga, mas mahalaga pa ang buhay natin, at ang ating ugnayan sa Diyos at sa kapwa higit sa lahat?
Sa Ebanghelyo natin ngayon, nawala ang Panginoon, at pahirapan ang paghahanap ni Jose at Maria upang makita siya muli. Nag-alala sila na baka may masamang mangyari sa kanya, subalit natuklasan nila makalipas ang tatlong araw na siya ay nasa Templo sa Jerusalem at nakikipag-usap sa mga guro at pari. Nang tinanong siya kung bakit niya ginawa iyon, ang sabi ng batang Hesus, Bakit ninyo ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na ako'y dapat na nasa tahanan ng aking Ama?
Malinaw na kay Hesus sa kanyang murang gulang na may dapat siyang gawin, na dapat niyang hanapin ang kanyang kaligayahan, at ito ay makikita niya sa Tahanan ng kanyang Ama, sa Templo ng Jerusalem. Ito ang magpapakilala sa atin sa Hesus na nagtuturo, nagpapagaling at naghabilin sa atin na magmahal sa Diyos na higit sa lahat at magmahal sa kapwa na tulad ng kanyang sarili. Ang kanyang murang gulang ay hindi naging hadlang upang ipakilala ang Diyos na kanyang Ama sa mga matatanda at guro. Subalit, di dito nagtapos ang kanyang paghahanap para sa tunay na kaligayahan.
Patuloy na nakita ni Hesus ang kaligayahan ng Panginoon sa kanilang tahanan sa Nazaret, sa piling ng kanyang Inang si Maria at Amaing si Jose. Sa isang simpleng pamumuhay sa piling ng pamilya, na tapat sa Diyos Ama sa lahat ng oras, nakita ng ating Panginoon ang higit na presensya ng Banal na Kalooban. Bago niya kinayag ang mundo na magbalik-loob at sumunod, ginawa muna niya ito sa kanyang sariling paraan, sa kanyang pamilya.
Mga kapatid, sa huling linggo bago pumasok ang 2013, hinarap tayo ng isang bagay na nagpawalang bigla sa dignidad natin bilang mga Katolikong Pilipino na nagmamahal sa buhay. Patagong pinirmahan ang RH Law na hindi nababatid ng publiko, ang batas na naglalayong maghatid ng mas pinalawak na Reproductive Health Awareness sa ating mga mamamayan sa pamamagitan ng mga serbisyong maternal, pagtuturo sa mga kabataan, at family planning methods, kabilang na ang contraceptives.
Kung ang sumulat nito ang inyong tatanungin, tila baga nagsisimula nang mawala ang tunay na respeto at pagkilala sa buhay. Sinasabi nila, wala namang mawawala kung turuan natin ang mahihirap tungkol sa Reproductive Health, pero di rin ba natin naisip na tayo mismo ang lakas ng ating bayan? Sa halip na daanin sa pagbenta ng contraceptives o sa pagtuturo ng mga bagay na di-dapat na malaman ng kabataan, bakit di na lamang idaan sa mabuting mga gawain at proyekto ang pondo ng pamahalaan? At bakit idinaan sa dahas, pilitan at patagong pamamaraan? Malinaw na malinaw, nawawala na sa karamihan sa atin ang tunay na pagkilala at pagdangal sa buhay at pamilya.
Nawala si Hesus upang hanapin ang kaganapan ng kanyang batang buhay bilang ating Manunubos. Nakita niya ito sa Templo, subalit mas lalo niya itong nakilala at naramdaman sa loob ng tahanan ng Nazaret.
Nakikita pa ba natin ang kaganapan ng buhay ng Panginoon sa loob ng ating mga tahanan, o nawawala na rin ang pagmamahalan sa ating mga pamilya at sa halip ay sumusuporta sa mga gawaing nakakawasak dito?
Ito po ang huli kong panulat para sa 2012. Mas malaki ang pakikibaka sa pagpasok ng Bagong Taon, kaya hingin natin sa Banal na Mag-anak ng Nazaret na tulungan tayo sa ating laban para sa buhay. Huwag sana nating hayaang tuluyang mawala ang dignidad ng buhay, na ating iningatan, inaruga at minahal, tulad ng pagkalinga nina Hesus, Maria at Jose.
Panginoon, salamat sa biyaya ng nakalipas na taon. Dalangin namin sa iyo, sa pamamagitan nina Maria at Jose, na kami'y bigyan mo ng lakas upang ipaglaban ang buhay na pilit na sinisira ng aming makasariling interes. Maunawaan nawa namin na tanging sa Iyo at sa aming mga pamilya lamang namin masusumpungan ang ligayang di-mapapantayan. Amen!
No comments:
Post a Comment