Saturday, December 22, 2012

Tapat siya; eh ako ba?

Disyembre 23, 2012

Ika-apat na Linggo ng Adbiyento

Mik 5,1-4a . Heb 10,5-10
Lucas 1,39-45
===

Ang katapatan ay isang malalim na salita. Malalim hindi lamang dahil sa Tagalog siya, kundi dahil isa siya sa mga birtud na dapat ay meron ang isang Kristiyano. Dapat ay tapat ang mag-asawa sa isa't-isa, ang anak sa kanyang magulang, ang guro sa kanyang mga estudyante, at ang kawani ng gobyerno sa bayan. Gayun din naman, kapag nagpakita ang isang tao ng kanyang katapatan, dapat tayo ay tapat rin sa kanya.

Sa ganitong pananaw natin bibigyan ng pagninilay ang Ebanghelyo para sa huling linggo ng Adbiyento. Maraming beses na nating napakinggan ang salaysay ng pagdalaw ni Maria sa kanyang kamag-anak na si Elisabet, at sa bawat pagkakataon ay nagsisikap tayong magnilay sa iba't-ibang pananaw na umiikot rito.

Ang kataparan, mga giliw, ay hindi lamang one-way. Sa mapapakinggan nating Ebanghelyo ngayon, matutunghayan natin ang kagalakan ng magpinsang Maria at Elisabet dahil sa kani-kanilang mga pinagdadaanan, ay pinakilala ng Diyos ang kanyang katapatan. Baog man at matanda si Elisabet, bata man at walang asawa si Maria, ay hindi ito naging hadlang sa Panginoon upang ipakira kung gaano siya kalakas sa lahat ng tao at nilalang sa daigdig.

Tapat ang Diyos. Maraming nagsasabing hindi siya totoo, at kung totoo man siya ay hindi niya dapat hinahayaang magdusa tayo ng matindi. Subalit kung titignan natin, hanggang ngayon ay buhay pa naman tayo, humihinga, kumikilos! May dumaan mang pagsubok, nakakalagpas tayo! Maraming biyaya ang dumarating sa atin, hingin man natin o hindi. Higit sa lahat, hindi siya lumalayo sa atin sa pamamagitan ng Simbahan, ng Eukaristiya, at ng mga taong kanyang ipinapadala upang samahan tayo sa ating paglalakbay sa buhay.

Madalas nating sinasabi na tayo pa rin naman ang gumagawa para makamit ang lahat ng ito, ngunit bali-baliktarin man natin ang mundo, tanging ang Diyos at ang Diyos pa rin ang pinagmumulan ng lahat ng bagay na ating natatamasa. Siya ang pinagmumulan ng lahat ng pag-iral, siya ang dahilan ng ating buhay. Tunay nga, tapat siya sa ating lahat, noon, ngayon at kailanman!

Dahil tapat ang Diyos, dapat tapat rin tayo. Sinabi ni Elisabet, Mapalad ka, sapaglat nanalig kang matutupad ang ipinasasabi sa iyo ng Panginoon. Makikita rito kung paano tumugon si Maria sa pagiging matapat ng Diyos. Sa kabila ng kanyang kabataan, ay tinanggap niya ang kanyang misyon na maging Ina ng Tagapagligtas. Hindi siya nagduda, bagkus ay tinanggap niya ng buong puso ang biyayang buhat sa Panginoon. Naging tapat rin si Maria sa Panginoon, at dahil dito, ako'y tatawaging mapalad ng lahat ng salinlahi!

Ngunit ibang-iba ang naging ugali ni Maria sa ugali natin ngayon. Tayo ang mga taong panay hingi lang ang alam kapag kakausapin ang Panginoon. Hiling dito, wish doon, with matching tears and hagulgol pa. Kapag nakamit naman natin ang anumang ating gusto, kalimot syndrome na tayo. Madalas pa nga, nagmamayabang tayo sa kakarampot na kinang ng tanyag na ating nakakamit na sa totoo lang ay hindi malalagpasan ang kapangyarihan ng Diyos.

Tapat nga talaga ang Panginoon. Tayo ba ay tapat rin? Dalawang araw na lang at muli nating ipagdiriwang ang pagsilang ng Manunubos, ang pagpapakita ng katapatan ng Diyos sa atin sa pamamagitan ng pagsilang sa daigdig ng Panginoong Hesus. Hindi natin maikakaila, samantalang inaalala natin ang katapatang ito ng Diyos, ay kung anu-anong kamalian pa rin ang ating ginagawa sa halip na gawin ang naaayon sa kalooban ng Panginoon. Masaya tayo kapag may nasasaktang iba, kapag may namamatay na taong ayaw natin, kapag ang gusto natin ang nasusunod.

Hanggang kailan natin pagtataksilan ang katapatan ng Diyos? Ang pagbabago at kapayapaang ninanais natin ay nagmumula lamang sa ating Panginoon. Siya ang dahilan ng ating pag-iral sa mundo at tanging sa pagiging matapat lamang natin matatamasa ang bunga ng kanyang pag-ibig sa atin: kapayapaan, pag-asa at pagmamahalan bilang mga anak ng Diyos.

Patuloy tayong maglakbay patungo sa ningning ng Pasko. Pero sana makita natin sa Paskong ito kung gaano kalaki at kadakila ang katapatan na pinakita ng Panginoon sa tao. Siguro, kapag nakita natin ito, mas lalo nating mararamdaman ang tunay na halaga ng salitang katapatan, at ipakita ito sa ating mga kapatid at kapwa.

Panginoon, dumating ka na at huwag magluwat! Sa pagsilang ng iyong Anak sa sabsaban, Ipakita mo sa amin ang tunay na kahulugan ng pagiging matapat, nang sa gayon ay maging tapat rin kami, tulad mo, sa aming kapwa. Amen!



No comments:

Post a Comment