PASKO NG PAGSILANG NG PANGINOONG HESUKRISTO
Misa sa Hatinggabi:
Is 9,1-6 . Ti 2,11-14
Lc 2,1-14
Misa sa Maghapon:
Is 52,7-10 . Heb 1,1-6
Jn 1,1-18
===
ET VERBUM CARO FACTUM EST, ET HABITAVIT IN NOBIS!
Dumating na muli ang ating pinakahihintay. Sumilang na ang ating Tagapagligtas, ang Salitang naging tao upang tayo ay tubusin mula sa kamatayan. Ang kanyang pagiging Salita ay buhat pa noong una, Sa pasimula'y naroon na ang Salita, kasama na ng Diyos ang Salita, at ang Salita'y sumasa-Diyos. Sa kanyang matinding awa sa ating hirap na pinagdaraanan, siya ay nagnais na pumarito upang turuan tayo ng daan tungo sa Ama. Kaisa natin siya sa lahat ng bagay liban sa kasalanan, at karamay natin siya sa lahat ng pagsubok at hirap nating pinagdadaanan, sa lahat ng tuwa at galak na tinatamasa.
Ang kanyang pagdating ay ating pinaghandaan sa iba't-ibang pamamaraan: mga dekorasyon sa tahanan, mga regalo para sa kaibigan, mga pagsasama-sama, ngunit higit rito ay ang paanyaya ng Simbahan na ihanda ang sarili sa pamamagitan ng isang pusong nagsisisi at handang bumalik sa kanya, bukas ang puso sa pagtanggap kay Hesus.
Siguro napansin ninyo ang iisang tono ng mga pagninilay ko sa nagdaang Adbiyento. Lahat ay tungkol sa paghahanda, lahat ay kinikilatis kung nakapaghanda ba tayo ng mainam, o hanggang panlabas lang. Isa sa mga naging tanong natin ay, masaya ka ba sa iyong paghahanda?
Ano nga ba ang totoong kasiyahan? Paano mo masasabing masaya ka? Nasaan ka?
Ang henerasyon natin ang siyang tumatayong saksi sa realidad na dahan-dahan nang nawawala si Christ sa CHRISTmas! Mula sa mga simpleng mga pagbati (Happy Holidays!) hanggang sa mga kinikilos ng mga kabataan (magsisimbang-gabi na nakapang-gangster), hanggang sa mga pambabara ng mga "kristiyano" tungkol sa mga pagdiriwang natin (Hindi totoo ang Pasko!), hanggang sa mga status sa Facebook (SMP ka ba?), makikita natin na dahan-dahan nang nawawala ang tunay na halaga ng Kapaskuhan sa puso nating mga Kristiyano.
Hinahanap ng tao ngayon sa kung saan-saan ang kanyang kaligayahan: sa mga mall at nagpapalamig o nagwi-window shopping, sa mga party at nagpapa-sosyal. Para sa atin, ang Pasko ay panahon upang makipagsosyalan at pumorma ng matindihan. Bale wala kung may nasasaktan siyang kapwa, basta ang mahalaga para sa kanya ay nakakaporma siya at nakakapagsaya ng para sa sarili niya.
Ang iba naman, sa mga pang-aabuso sa katawan hinahanap ang kasiyahan: drugs, sigarilyo, alak, babae. Hindi makuntento sa kung anong biyaya ng Diyos sa kanya, mas gusto niya itong nasasaktan o nakakatikim na madilim na kaligayahan. Walang ibang panginoon liban sa sarili niya at sa mga bagay na nagpapasaya sa kanya.
Nasaan nga ba tayo ngayong Pasko? Maraming kuwento, maraming mga likong pamamaraan, subalit sa araw na ito ay muling pinapaalala sa atin na may isa at ISA lamang na maaaring maghatid sa atin ng totoong kasiyahan sa panahong ito: SI HESUS. Ang kanyang pagsilang ay hudyat ng biyaya ng Diyos sa ating lahat na madalas binabalewala, tinatakwil, o hindi kinikilala, bagkus ay pinagpapalit sa mga bagay na mabilis mawala o maglaho.
Mga giliw, sa ating pagdiriwang ng Pasko ngayon, kung mababasa mo ito, sana maunawaan mo na SI HESUS AT SI HESUS ANG PUNO'T DULO NG PASKO. Kaya ka nagpaparty ay dahil kay Hesus. Kaya ka nag-aayos ng dekorasyon ay dahil kay Hesus. Kaya ka nagdiriwang ng holiday sa araw na ito ay dahil kay Hesus. Nasaan man tayo ngayong Pasko, hindi natin mailalayo ang ating mga sarili kay Hesus, ang Salitang nagkatawang-tao at isinilang para iligtas tayo.
Kung kaya muli nating tanungin ang ating mga sarili, Nasaan ka ngayong Pasko? Sana huwag mong ilayo ang sarili mo sa tunay na dahilan ng lahat ng pagdiriwang at paghahanda natin ngayon. Minsan mo lang tanggapin si Hesus, at tunay na magbabago at magkakaroon ng saysay ang iyong buhay. Sa gayon, masasabi mong tunay na may Diyos, at siya'y kapiling mo sa bawat araw ng iyong buhay.
Panginoon, kapiling ka namin sa bawat araw. Sa aming pagdiriwang ng Pasko, maunawaan nawa namin na ikaw ay patuloy na sumasaamin, kapiling at gabay. Maligayang Karaawan sa iyo! Amen.
No comments:
Post a Comment