Marso 04, 2012
Ikalawang Linggo ng Cuaresma
Gn 22,1-2.9a.10-13.15-18 . Rm 8,31b-34
Mk 9,2-10
=====
Nasabihan ka na ba ng ganito? Naku, iyang taong iyan, maganda nga ang itsura, pero sobrang pangit ng kalooban!
Sa pagtanda ng isang tao, nagbabago siya ng anyo: mukhang kulubot, puting buhok, kubang buto, at kung anu-ano pa. Ang dating batang minamahal at kinakarga, ngayo'y wala nang kapasidad. Kaya nga siguro habang bata pa ang isang tao, naglalaan siya ng pera at panahon para magpaganda, magpapogi, at kung anu-ano pa na ikababata niya kahit sa kanyang pagtanda. Naka-focus kasi tayo palagi sa pagpapaganda at pagpapabata ng panlabas nating katauhan...
... at madalas nating nakakalimutan ang pangangailangan ng ating panloob na katauhan na magpanibagong-anyo rin, mula sa dating dumi ng kasalanan hanggang sa kaputian ng luwalhati ng Diyos!
Tunghayan natin si Hesus sa ating Ebanghelyo ngayon na nagbagong-anyo. Isinama niya sina Pedro, Santiago at Juan sa tuktok ng bundok at doon nasaksihan ng tatlong alagad ang patikim ng kaganapan ni Hesus - Diyos na totoo at tao namang totoo. Nagbago siya ng anyo. Puting-puti ang kanyang kasuotan, na walang makakapagpaputi ng gayon. Lumitaw sina Moises at Elias at nakipag-usap sa taong nagsisilbing katuparan ng batas at propesiya. Tao man siyang itinuturing, sa sandaling iyon ipinakilala niya sa mga alagad ang kanyang tunay na pagkakakinlanlan.
Nagbagong-anyo si Hesus, at lumitaw ang pagkabusilak ng kanyang kalooban! Ipinakilala niya roon sa bundok na ang nakatagong katauhan sa katawan ng isang Hesus ay isang dakilang Diyos na hindi nagdalawang-isip na ialay ang kanyang buhay para sa ating kaligtasan.
Nagsalita ang tinig, Ito ang minamahal kong Anak... Pakinggan ninyo siya! Sa kanyang dakilang paghahain ng sarili, ipinapakilala ng Diyos ang kanyang minamahal na Anak na naging tao upang makipamuhay sa piling natin. Di niya pinagkait si Hesus upang atin siyang makapiling. Ang kanyang tinig, ang kanyang salita ang nagdadala sa atin sa panibagong buhay, basta tayo ay tumalima lamang.
At sa dami-dami ng mga tinig na pinapakinggan ng makabagong mundo, naglalaan pa nga ba tayo ng oras na makinig sa tinig niyang nakakapagpagaling ng ating mga dinadalang kahinaan at sugat? Ano pa nga ba ang mas mahalaga, ang tinig ng makamundong pagnanasa na maghahatid sa atin sa kawalan, o ang tinig ng Diyos na maghahatid sa atin sa isang ganap na pagbabagong-anyo mula sa dating kamatayan tungo sa bagong buhay?
Ito ang misyon ng Kuwaresma, mga kapatid: Magbagong-anyo tayo, di lamang sa labas na katangian, kundi at higit sa nilalaman ng ating puso at kalooban! Tumayo tayo mula sa ating pagkadapa sa kasalanan tungo sa liwanag ng pagkabuhay! Mahirap man, tayo ay humihingi ng biyaya sa Panginoon upang magawa natin ito sapagkat siya lang ang katunayan ng pagmamahal ng Diyos sa atin.
No comments:
Post a Comment