Sunday, March 11, 2012

Mag-alab sa paglilinis...

Marso 11, 2012
Ikatlong Linggo ng Cuaresma
Exo 20,1-17 . 1Cor 1,22-25
Jn 2,13-25
=====

Kung alam nating tama ang isang bagay, hindi lamang natin sinasabi ito, bagkus atin itong pinaglalaban. 

Naalala ko yung panahong nag-defense kami para sa Thesis. Palagay nami'y tama ang lahat ng aming ni-research at sinurvey. Kinakabahan man kami, lakas-loob pa rin naming prinesent at tinalakay ang aming Thesis sa harap ng mga panelist. Pagkatapos ng matinding tanungan, ayun, pasado kami. Ilang hinga na lang at makaka-graduate na kami.

Pagnanais, paghahangad. Sa anumang usapan, kung alam natin na ang isang bagay ay may katuwiran, ay nagpapakita tayo ng higit na interes dito at hindi natin tinatantanan ang mga bagay-bagay hangga't hindi naaayon sa estado na sa ating palagay ay nararapat para sa bagay na ito. Kung hindi naman ito masunod, ay mas lalo tayong nagpapakita ng personal na atake rito upang maitama ito ayon sa sarili nating panlasa. 

Si Hesus ay nagwala! Sa pagnanais niya na maitama ang bagay-bagay, pinaalis niya ang mga nagtitinda ng kalapati at hayop sa loob ng Templo ng Jerusalem. Isinaboy rin niya ang mga barya na itinatago ng mga nagpapalit ng pera doon. At kasabay ng kanyang paglilinis sa Templo, kanyang ipinahayag sa madla,  Huwag ninyong gawing palengke ang Tahanan ng aking Ama! Ang tahanan ng Diyos ay isang sagradong dako kaya hindi nararapat na ito'y pamugaran ng mga bagay ng mundo. 

Nagmukha man siyang kahiya-hiya sa mata ng mga Hudyo ay ayos lang para sa kanya. Tama para kay Hesus na gawin niya ito sapagkat sa kasulatan ay nasusulat, Ang pagmamahal ko sa iyong Templo ay parang apoy na nag-aalab sa aking puso. Higit sa anuman, mahalaga na may respeto at dignidad na umiiral sa loob ng Bahay-dalanginan kaya kahit na kagalitan siya ng mga saserdote ay pinagpatuloy niya ang kanyang tamang gawain. 

Maraming nakakalat na marurumi sa mga 'templo' nating sarili, iyon ay ang mga buhay natin at sariling katawan. Mula sa stress na iniinda natin sa araw-araw na mga problema sa trabaho, pamilya at kung saan, hanggang sa dumi ng kasalanan na kumakadena sa ating kaluluwa at espiritu at humahadlang sa atin sa paglapit sa Diyos. Sa loob ng maraming panahon ay hinahayaan lang nating nakakalat ang mga duming ito sa ating pagkatao na hindi na natin ninanais na gumawa ng paraan upang maiwasto ang ating kahinaan at pagkakamali.

Ang Kuwaresma ay panahon upang ayusin ang ating buhay ayon sa hinahangad sa atin ng Diyos. Ginigising tayo ng panahong ito upang itama ang lahat ng mga baluktot at itapon sa basurahan ang mga kalat sa ating mga buhay. Sa halimbawa ni Hesus na nagpakita ng pagnanais na maitama ang pagkakamali sa loob ng tahanan ng kanyang Ama, tayo rin ay tinatawag na itaboy ang lahat ng hadlang sa atin sa isang buhay na nararapat sa Diyos at ipanumbalik ang ating sarili sa kanya. 

Sa pamamagitan ng mga Sakramento at mga pagninilay, nagbubukas sa atin ang isang bagong kamalayan at napapaisip tayo na, Oo nga, dapat na akong kumilos, dapat nang iayon ko ang buhay ko sa nararapat at ninanais ng Diyos para sa akin.

Nakapaglinis na ba tayo ng bakuran? Ni minsan ba sa buhay natin ay siniyasat natin ang ating mga puso at tinignan kung naaayon ba sa kagustuhan ng Diyos ang ating ginagawa? O hinahayaan lang natin ang ating mga sarili na patuloy na marumhan sa kalat na dulot ng kahinaan at kasalanan natin?

Nagpapatuloy tayo sa paglalakbay sa Panahon ng Kuwaresma. Huwag tayong makalimot sana sa mga dapat nating gawin, buksan natin ang ating mga sarili sa Diyos, at alisin sa ating mga buhay ang mga bagay na hindi natin kailangan, upang sa pagpasok ng Paskuwa ng Pagkabuhay, maratnan tayo ng Panginoon na handang tanggapin siya at mapasakop sa kanyang nagliligtas na kapangyarihan.

Patuloy tayong mag-alab!!!

No comments:

Post a Comment