Marso 19, 2012
Ikaapat na Linggo ng Cuaresma
Linggo ng Laetare
2Cro 36,4-16.19-23 . Eph 2,4-10
Jn 3,14-21
=====
Laetare! Magalak! Kalahati na ng Kuwaresma ang nagdaraan, at sa araw na ito ang puso natin ay napupuno ng kagalakan dahil alam na nating malapit nang matapos ang ating mga pagtitimpi at pagdurusa. Ilang tulog na lang, muli nating masisilayan ang hiwaga ng Muling Pagkabuhay, at sigurado ay gayun na lamang ang saya na madarama natin sa pagpasok ng Paskuwa.
Gayun na lamang.
Kapag nakakarinig tayo sa kaibigan natin ng kuwentong sinamahan ng parirala na Gayun na lamang, ano'ng madalas na pumapasok sa isipan natin?
Hindi madali yung ginawang desisyon ng isang tao.
Ganung katindi yung impact sa kanya nung tao o pangyayari.
Hindi peke yung nararamdaman ng isang tao.
Kapag minahal ka ng isang tao ng gayun na lamang, ibig sabihin kaya niyang gawin ang lahat para sa relasyon ninyo o sa pagsasama ninyo. Kapag galit sa iyo ang isang tao ng gayun na lamang, gagawa at gagawa siya ng paraan para mapatahimik ka lang. Siguro nga, ang phrase na gayun na lamang ay may sobrang lalim na pinaghuhugutan, na dahil sa lalim nito ay nakakapagdulot ng mga imposibleng mga gawain para sa isang tao.
Ano pa kaya ang Panginoon?
Gayun na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan kaya niya ibinigay ang kanyang bugtong na Anak!
Iniisip ng ilan sa atin, naku! Petiks lang yan para kay Lord, madali lang para ibigay si Hesus sa atin. Akala lang natin iyon. Para sa isang Diyos na nagmamahal sa atin at ayaw na tayong muli pang mawalay sa kanya, isang malaking desisyon ang isugo ang kanyang bugtong na Anak upang iligtas tayo.
Para sa karamihan, ito ay isa na lamang sa mga lumang kuwento na hindi na dapat binibigyan ng malalim na pakahulugan. Mahalaga sa mundo ngayon ay ang mga bagay na ikakasiya ng kanyang katawan: pera, sex, kapangyarihan, at ang paggawa ng kasalanang akala niya ay tama.
Bukod riyan, para sa makabagong tao, wala nang saysay ang pananampalataya, at hindi na dapat bigyang-pansin ang relihiyon. Kaya nga uso at talamak na ang komunismo at mga pundamental na "iglesiya" na nagsasabing sila ang tamang daan tungo sa kaligtasan. Wala nang hokus-pokus daw, basta magbigay lang ng salapi at maghanap ng tagasunod, ayos na!
Subalit, sa pagpapatuloy ng salaysay ni Juan, ipinadala ng Ama si Hesus upang ang sinumang sumampalataya ay hindi mapahamak kundi magkaroon ng walang hanggang buhay! Siya ang liwanag na tumatanglaw sa atin sa kadiliman ng ating buhay. Maraming kumukutya at hindi tumatanggap sa kanya, at sa kanila'y parusa ang naghihintay sapagkat tinalikdan nila ang pinagmumulan ng liwanag at kabutihan sa kanilang buhay.
Tunay na mapalad ang mga tao na tumatanggap at sumusunod sa kanya sa lahat ng oras sapagkat gayun na lamang ang pagmamahal ng Diyos para sa kanila. Kahit na kutyain sila ng mundo, kahit na kung anu-anong masamang pakana ang ikalat ng diyablo, patuloy siyang nagiging masigasig sa pagsasabuhay ng kanyang pananampalataya. Siya ang binibigyan ng higit na pagpapala dahil gayun na lamang ang pagnanais ng Diyos na iligtas ang makasalanang nagbabalik-loob sa kanya.
Gayun na lamang ang pag-ibig ng Diyos para sa iyo at sa akin; isinugo niya si Hesus upang mamatay para sa atin. Paano natin ito tinatanggap?
Pinapaalala sa atin ngayong Linggo ng Laetare na higit sa anumang biyaya sa atin ng Panginoon, ang mahalaga ay ang kanyang pagsugo kay Hesus upang tayo'y mailigtas. Sa kabila ng problema at pagsubok, huwag tayong panghinaan ng pag-asa sapagkat sa totoo lang, Gayun na lamang ang pag-ibig sa ating lahat ng Diyos!
Isinugo niya si Hesus at sa kanyang kamatayan sa Krus ay pinalitan ang ating katauhang namamatay at dinamtan ng bagong buhay sa kanyang piling! Palagi nating kapiling ang Espiritu Santo upang patnubayan tayo sa ating gagawin sa araw-araw. Pinupukaw tayo ni Maria at ng mga Banal upang pagnilayan ang dakilang pagmamahal sa atin ng Diyos. Wala nang ibang pagmamahal na makakahigit rito. at ang dulot nito sa atin ay lubos na kasiyahan!
Ganito tayo kamahal ng Panginoon, kaya may dahilan talaga upang tayo'y magsaya!
No comments:
Post a Comment