Sunday, January 15, 2012

MAY BATA SA BAWAT ISA!

Enero 15, 2012
KAPISTAHAN NI HESUS, ANG BANAL NA SANGGOL 
(SANTO NIÑO)
Is 9, 1-6 . Efe 1,3-18
Mc 10,13-16
==========


Ikaw! Oo, ikaw! 


Hindi, siya! Siya!


Oo, ikaw nga!


Alam mo bang may bata rin sa iyong katauhan? 

Naku, matatanong mo, paano kaya iyun? Eh 65 na ako, paano mo sasabihing may bata pa sa aking katauhan?!

Pero maniwala ka sa akin, Ikaw rin ay may bata sa iyong puso at diwa. Ako, sila, tayo, lahat ay lumaking may natatanging katangian ng isang bata.

Kung hindi ka naniniwala, e di para ano pa't nagdiriwang tayo ng Fiesta ng Banal na Sanggol sa araw na ito? Para ano pa't inaalala natin ang isang Dakilang Diyos na nagpakababa at naging isang bata na mahina at umasa sa mga pangangailangan ng mundo? Mas mabuti pang kalimutan natin ang lahat ng pagsasaya, paghahanda at pagpapagod upang makasama sa prusisyon.

Iyun ay kung hindi ka naniniwalang may bata sa loob ng bawat isa sa atin.

Nakakatuwang isipin na sa bawat prusisyon ng Santo Niño ay mapapansin mo ang napakaraming bata na dala ang iba't-ibang pagsasalarawan sa Banal na Bata. Bakas man ang pagod sa kanilang mukha, mababanaagan mo pa rin ang masidhing tuwa na nasa kanilang katauhan. Sila ang mga maliliit na umaasa lamang, hindi sa perang ibinibigay ng magulang, kundi sa pagmamahal at pagkalinga ng Diyos. Hindi sila nahihiyang ipahayag ang kanilang munting pananampalataya.

Sa kanila pinapatungkol ni Hesus ang isang mahalagang bilin, Pabayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag ninyo silang sawayin sapagkat sa mga katulad nila naghahari ang Diyos. Sa kaharian ng Panginoon, nangunguna ang mga bata dahil sa kanilang taglay na kababaang-loob at pagtitiwala sa lahat ng biyaya na nagmumula sa Diyos. Hindi man nila nakikita, kinikilala nila ang Diyos na pinagmumulan ng lahat ng kinakailangan nila na dahil dito ay kinikilala rin naman sila ng Diyos sa pagbibigay sa kanila ng tanging lugar sa kanyang kaharian.

Subalit sila nga lang ba ang may puwang sa kaharian? Nagpapatuloy si Hesus,  Tandaan ninyo, ang sinumang hindi kumilala sa Kaharian ng Diyos tulad ng isang bata ay hinding-hindi paghaharian ng Diyos! 

Bawat isa sa atin ay may katangian at asal tulad ng sa bata, nasaan na ito? Lahat tayo ay dumaan sa pagkabata at naranasan nating mapanuto ng ating mga magulang at ng ating Panginoon. Subalit sa ating pagtanda, tayo ay nagkakaroon ng tendency na mawalan ng pagkabata at matuon na lang sa bagay ng mundo. Hindi na natin basta-basta tinatanggap ang mga payo ng nakakatanda, na kahit ang Diyos ay ating tinatalikdan. Gumagawa tayo ng mga bagay na di-nakakalugod sa paningin ng Diyos. Mga kasalanang tunay na nakakasuklam. At ang mas matindi, tayo pa mismo ang nagtuturo sa mga bata ng mga pagkakamali nating matatanda!

Upang mapabilang sa kaharian ng Diyos, tayo ay dapat magtaglay ng katangian ng pagiging isang bata, gaano man tayo katanda! Kababaang-loob at pagtitiwala sa kagandahang-loob ng Diyos, ito ang mga pangunahing bagay na taglay natin upang mapasama sa hanay ng mapapalad. 

Sa tingin nati'y mahirap, ngunit tignan natin ang mga bata sa ating kapaligiran! Kung sinasabi nating dumaan din tayo sa pagkabata, bakit nahihirapan tayong gawin ang mga bagay ng kabutihan na dati na rin nating ginagawa? 

Ang imahe ng Señor Santo Niño ang nagsisilbi nating huwaran sa ating pagsusumikap sa Kristiyanong pamumuhay. Sa kanyang kabataan, nakita at naranasan rin niya ang ating mga kahirapan at pagsubok; gayun pa man ay naharap niya ito sa paggabay ng kanyang mga magulang dito sa lupa. Hinarap nga niya ito at ipinaubaya sa kagandahang-loob ng kanyang Ama. Ito ang nagsilbi niyang lakas at paninindigan hanggang sa dumating ang pagsisimula ng kanyang ministeryo. May bata rin sa katauhan ni Hesus, at hindi niya ito pinakawalan sa buo niyang buhay, hanggang sa Krus.

May bata sa bawat isa sa atin, kailangan lang nating harapin ang bawat pagsubok at pagsumikapan ang lahat ng bagay nang tulad ng isang bata. Tulad ng Señor Santo Niño, sa  harap ng mga dagok sa ating buhay, huwag nga tayong manghinawang lumapit sa ating Diyos at humiling sa kanya na tulungan tayo sa mga pagsubok. Tanggapin nga natin ang kanyang kalooban na may kababaang-loob, nang sa gayon ay tunay tayong mapabilang sa kanyang kaharian!

VIVA SEÑOR SANTO NIÑO!!!

No comments:

Post a Comment