Sunday, January 1, 2012

BAGONG PAGSISIMULA...
(Ur Dose First Anniversary Post)


Enero 01, 2012
DAKILANG KAPISTAHAN NI SANTA MARIA, INA NG DIYOS
Ikawalong Araw o Oktaba ng Pasko ng Pagsilang
Pandaigdigang Araw ng Kapayapaan
Bl 6,22-27  . Gal 4,4-7
Lc 2,16-21
===


Bagong taon na naman.


Sa ating paglingon sa nakalipas na taon, makikita natin ang ating sarili na batbat ng pagod, stress at sugat dala ng di-mabilang na mga bagyo, pagsubok at pagkadapang pinagdaanan ng bawat isa sa atin. Pumapasok tayo sa pintuan ng panibagong taon na puno ng panibagong pag-asa na magiging mapagpala ang taong ito para sa atin.

Ano nga ba ang maaasahan natin sa Bagong Taon na ito? Bagong bahay ba? Mas magandang trabaho at sweldo? Bagong committment? Ikakasal ka na ba? Magkakaanak? Magiging mas famoso sa pagsulat ng reflection sa blog? gagraduate ka na ba? O mas maganda, MAMAMATAY KA NA BA SA TAONG 2012? 

Anuman ang ating kahinatnan, dalawang bagay ang nagpapahiwatig ng katotohanan sa pagpasok ng bagong taon. Una, lahat tayo ay tatanda at magtatanda. Ikalawa, may dahilan ang lahat ng ating pagdadaanan at pinagdadaanan. Saanman natin ipagpalagay ang ating sitwasyon, itong dalawang mahalagang bagay ang nagpapakitang totoo at palasak sa lahat ng bagay na pinagsisimulan natin. Niloloob ng Diyos ang lahat ng bagay, at sa pagpasok ng 2012, di rin nga ba totoo na ang lahat ng ating pagdadaanan sa loob ng 12 buwan at 366 araw ay naka-ayon na sa kalooban ng Panginoon?

Naka-ayon na nga ito sa kalooban ng Panginoon, ngunit kailangang alam natin kung paano aatakihin ang isang sitwasyon, na ayon rin naman sa atas at tagubilin ng Panginoong Hesus at ng Inang Simbahan. Mahalaga higit sa lahat na nakikita natin ang bawat pangyayari ayon sa kalooban ng Diyos at alam nating ganapin ang ating mga dapat gawin ayon sa atas ng Panginoon sa bawat isa sa atin. 

Dito pumapasok ang di-mabilang na mga huwaran na ipinapakilala sa atin ng Simbahan, upang magsilbing ating mga inspirasyon sa gawaing mabuti. Sila ang mga taong banal na na-master na ang pagkilala sa kalooban ng Diyos at paggawa ayon rito sa kanilang salita at gawa.

Sa pagakataong ito, ipinagkakaloob sa atin ng Simbahan ang walang dili't iba kundi si Inang Maria upang magsilbing patnubay sa panibagong taon. Sa halimbawang pinapakita sa ating Ebanghelyo ngayon, makikita natin ang larawan ni Maria na tahimik na nagninilay sa mga hiwagang nangyayari sa kanyang paligid. Sa kanyang puso dahan-dahan niyang pinagbubulay-bulay ang kalooban ng Panginoon na nangyayari sa kanya.

Tulad ni Maria, tayo rin naman ay tinatawagan na pagnilayan sa katahimikan ng ating puso ang kalooban ng Diyos sa ating buhay. Kahit na tayo'y nakapaloob na sa panahon ng modernong sistema, nandito pa rin ang Diyos at nagsasalita sa atin sa pamamagitan ng iba't-ibang pangyayari na nagaganap sa araw-araw nating buhay.

Pinapakinggan nga ba natin ang kanyang tinig? Di nga ba siguro kaya may Bagong Taon na dumarating ay dahil patuloy tayong tinatawagan ng Diyos na pakinggan ang tinig niya?

Tularan nga natin si Inang Maria sa ating pagsaliksik sa plano ng Diyos sa ating buhay. Kasingtindi man ito ng bagyo, o kasinglinaw ng mga tagumpay, huwag tayong manhinawang tignan sa mga mata ni Maria ang dakilang  kalooban ng Maykapal sa isang panibagong taon ng pagpapala at biyaya.

Bagong Taon na naman. Panahon ng bagong pagsisimula. Simulan nga natin ito kasama si Inang Maria!

MANIGONG BAGONG TAON, KAPATID!
at
HAPPY FIRST ANNIVERSARY, UR DOSE!

No comments:

Post a Comment