Sunday, January 8, 2012

ANG TUNAY NA DIWA NG PASKO: Nagpakita ngayon!

Enero 08, 2012
DAKILANG KAPISTAHAN NG EPIPANYA
Dies Pro Negritis
Is 60,1-6  . Efe 2-3a.5-6
Mt 2,1-12
===

Noong Pasko, marami akong natanggap na regalo. T-shirt, pabango, canister, libro, coin purse, speaker para sa laptop. Kung tutuusin, parang may kakaibang powers ang mga taong nagbigay sa akin ng mga regalo dahil pawang kinakailagan ko ang mga ito. Palagi akong umaalis, kaya kailangan ng mga T-shirt para di madaling maluma ang mga luma ko na ring T-shirt. Hindi naman ako palaging nagpapabango ngunit malamang ay imbitasyon na iyon upang bigyang-pansin naman ang aking sarili. Pinamigay ko ang aking lumang coin purse, ngunit may isa pang dumating at pumalit samantalang di ko naman sinasabi iyon sa iba.

Mga regalo. Mga biyaya. Madalas na pinagkakaabalahan, pinaghahandaan at pinagkakagastusan. Ang primero intencion ay upang mapasaya ang kapwa, at masiyahan sa anumang maibibigay natin. Pero sa kaabalahan natin at pagkapagod sa nagdaang mga pagdiriwang, nakita ba natin sa ating puso ang tunay na diwa ng Pasko?

Nasa regalo? Wala!

Nasa mga party? Wala!

Nasa mga kaliwa't-kanang paputok? Wala rin!

Sabi ng sekular na media, ang pagbibigayan at pagpapatawaran ang tunay na diwa ng Pasko... Kaso mababaw lang iyun. Ito ay mga bunga lamang na magmumula sa ating pagkakilala sa tunay na diwa ng Pasko!

Eh nasaan nga ba ang tunay na Diwa ng Pasko?

Narito sa isang batang isinilang sa sabsaban sa gabing mapanglaw na pinaliwanagan ng kaningningan ng tala at sinaliwan ng papuri ng mga Anghel. Siya nga ang tunay na diwa ng Pasko! Siya na kinilala ng mundo bilang kanyang tagapagligtas ay ating pinagpipitagan ngayon, minamahal at tinatanggap bilang siyang Daan, Katotohanan at Buhay!

Si Hesus ay inaalala natin sa araw na ito bilang batang dinalaw at sinamba ng mga Pantas buhat sa ibayo. Sila ay mga marurunong na tao na nagmula sa malayong lugar, sumasamba sa mga anito at diyus-diyosan at sumasampalataya sa kapangyarihan ng kulam at astrolohiya. Malamang ay di sila magkakasama sa simula ng paglalakbay subalit sa isang punto ay nagkasama-sama, upang tuparin ang iisang misyon: Nasaan ang isinilang na Mesiyas? Nakita namin ang kanyang tala sa silangan at narito kami upang sumamba!

Si Hesus ay inaalala natin sa araw na ito bilang batang inalayan ng handog ng mga Pantas: ginto, kamanyang at mira. Ang mga handog na ito ay tanda ng pagkakilala sa pagiging Hari, Pari at Magdurusang Tagapagligtas ng Panginoong bagong-silang. Animo'y alam ng mga Mago na ang batang kanilang dinalaw ay may isang dakilang misyon na tutuparin, iyan ay ang iligtas ang sangkatauhan mula sa walang-hanggang parusa.

Hindi ito kailangan ni Hesus sapagkat sadyang napakabata pa upang gamitin ang mga ito, subalit ito ay may ibang pakahulugan. Nagpapahiwatig ito na ang bata na tinalikuran ng mga Hudyo (sa pagkatao ni Haring Herodes) ay kinikilala at pinaglilingkuran ng mga Hentil (sa pagkatao ng mga Pantas)! Ito ay isang bagay na binigyang kasukdulan sa kanyang kamatayan sa Krus na kung saan ay inudyukan ng mga Punong Pari ang bayan upang ipapatay siya matapos ng lahat ng milagrong kanyang ginawa, at di-naglaon ay kumalat sa iba't-ibang lugar sa daigdig ang Ebanghelyo, na tinanggap at niyakap ng mga taong nakapakinig rito hanggang sa nakaabot sa ating kultura at estado sa lipunan.

SI HESUS NGA ANG TUNAY NA DIWA NG PASKO! Siya ang pinakamahalagang regalo na nagbuhat sa Diyos para sa atin. Nang dahil sa kanya tayo ay nagkaroon ng dahilan upang magdiwang at magsaya, magbigay ng regalo at magpatawad sa pagkakamali ng iba. Madalas naipagpapalit natin siya sa ibang materyal na bagay, subalit di nga ba't lahat ng ito ay dahil ipinakilala niya ang tunay na pakikipamuhay sa piling ng Diyos?

Nagpapakilala si Hesus sa bawat isa sa atin, di lamang sa Pasko, kundi sa araw-araw. Sa mga pagsubok at tagumpay, sa iyak at tawa, sa mga taong malapit sa atin, at sa pagkakataong akala natin ay wala nang susuporta sa atin. Nagpapakilala siya at kasama natin siya sa araw-araw. Samantalang nagiging abala tayo sa mga bagay na walang-kabuluhan, nasubukan na ba nating tumahimik kahit sandali at pagnilayan ang pagpapakilalang ito ni Hesus?

Sa Martes, babalik na tayo sa Karaniwang Panahon, ang panahong ang Simbahan ay nagninilay sa buhay at ministeryo ni Hesus. Samantalahin natin ang panahon. Kung hindi natin siya nasumpungan sa Pasko dahil sa ating pagka-abala, subukan nating kilalanin siya sa loob ng panahong tahimik at walang masyadong pagdiriwang. Sa patuloy na pagpapakilala sa atin ni Hesus, makita na sana natin siya, hindi na bilang isang batang nasa sabsaban, kundi bilang isang taong inilaan ang lahat sa kanyang buhay upang tayo'y mailigtas. Makita nga sana natin siya bilang isang biyaya sa ating buhay, nang sa gayon ay mapaglaanan rin natin siya ng lahat, at maipagkaloob niya sa atin ang lahat!

No comments:

Post a Comment