Enero 29, 2012
Ikaapat na Linggo sa Karaniwang Panahon
Pambansang Linggo ng Bibliya
Dt 18,15-20 . 1Cor 7,32-35
Dt 18,15-20 . 1Cor 7,32-35
Mc 1,21-28
==========
Umuwi si Mister galing trabaho. Pagod na pagod siya. Nang lapitan niya si Misis at halikan niya, sinabi nito, 'O, saan ka na naman galing? Bakit ginabi ka na naman? Saan ka na naman nagpunta? Uminom ka na naman, no? Sinamahan mo na naman ang kabit mo, no? ...' Sa tinding inis, pumasok na lang si Mister sa kuwarto, at natulog na mag-isa.
Tawa ka lang, subalit ganito ang realidad ng mag-asawa. Sa ilang mga salita ng misis na nagger, nag-iba ang mood ng mister na pagod. Pero kapag salitang malambing ang ginamit niya bilang pagsalubong sa asawang nagpagal sa maghapong trabaho, siguradong pagod man si lalake ay gagantihan niya ito ng masayang pananabik sa tahanang nilisan niya ng isang araw.
Totoo nga, ang salitang binibitiwan natin ay maaaring magpabago o magpalalim ng isang pananaw o sitwasyon. Tayo ay binigyan ng kapasidad na makapagpahayag at maka-engganyo ng iba. Biyaya ito mula sa Diyos na dapat nating pag-ingatan. Sa salita ng isang tao, maaaring may guminhawa ang buhay, o ang isang tao'y biglang mamatay.
Kung ang salita natin ay makapangyarihan na, eh ano pa ang Salita ng Panginoon na lagi nating napapakinggan sa bawat Misa at nababasa sa bawat Bibliyang nakakasalamuha natin?
Sa Ebanghelyo ngayong Linggo, masasaksihan natin si Hesus na pumasok sa Sinagoga upang magturo ng Kasulatan. Hindi tulad ng mga Escriba na parang palasak na lang pagdating sa pagtuturo ng mga Salita ng Diyos sa tuwing Shabat, si Hesus ay hinangaan dahil sa angking linaw ng kanyang pagtuturo. Animo'y may taglay siyang kapangyarihan pagdating sa pagtuturo ng kautusan. At di nga ba ito totoo sapagkat siya ang Anak ng Diyos at Pangunahing tagapagpahayag ng mga Aral na nagmula sa kanyag Ama?
Subalit sa mga sumunod na pangyayari ay ipinamalas ni Hesus ang kanyang higit na kapangyarihan. May dumating na isang inaalihan ng masamang espiritu na nagsusumigaw sa loob ng sinagoga. Sinabi ni Hesus, Tumahimik ka! Lumabas ka sa taong iyan! at gumaling ang tao mula sa pagkaalipin ng demonyo. Nagulat ang lahat at napabulalas, Sino itong naghahatid ng bagong aral sa atin? Inutusan niya ang diyablo at sumunod ito sa kanya!
Sa kanyang mga salita, natutuklasan natin na ang Hesus na ito ay tunay na makakapaghatid ng buhay at makakapagpamalas ng kapangyarihan sa sinumang nilalang! Kinilala siya ng masamang espiritu bilang Banal na mula sa Diyos, at dili nga ito ang totoo. Ang kanyang mga tinuro ang nagapakilala sa pagmamahal at pagkadakila na taglay ng ating Diyos. Samantalang ang ating salita ay nawawala, ang Salita ni Hesus na makapangyarihan sa lahat ay hindi nawawala, naghahatid ito ng buhay sa atin at naghahatid sa atin sa kaliwanagan ng mga bagay!
Iniwan ni Hesus ang kanyang mga salita upang ating pagnilayan at ipagdiwang. Sa bawat sakramento at pagtitipon, kahit nga sa sariling pagninilay natin, saanman tayo dalhin ng ating mga karanasan, kasama natin ang kanyang Salita upang magsilbi nating gabay at kaibigan. Madalas nating kinakalimutan, minsan tinatalikuran, pero kung atin lang paglalaanan ng panahon ay tunay na maghahatid sa atin ng buhay.
Paano nga ba natin tinatanggap ang Salitang ito? Talastas ba nating buhat ito sa Diyos at hindi dapat basta-basta tinatalikuran o binabalewala? Tinatanggap nga ba natin ito ng buong puso at ninanais na ilapat ang ating buhay rito?
Sa ating misyong maging tunay na Kristiyano, isang mahalagang sandata sa banal na pamumuhay ang Salita ng Diyos. Sa kasulatan tayo nakakakuha ng dagdag na inspirasyon at dahilan upang magsumikap na maging tanda ng Kaharian ng Diyos sa ating modernong mundo. Dahil sa Salita ng Diyos tayo ay napagbibigyan ng kapangyarihang panibaguhin ang daigdig sa pamamagitan ng salita at gawa.