Saturday, December 3, 2011

NARITO NA ANG NAGPAUNA!

Diciembre 04, 2011
Ikalawang Linggo ng Adbiyento
National AIDS Sunday
Is 40,1-5.9-11 . 2Pd 3,8-14
Mc 1,1-8
===

Hindi kumpleto ang Panahon ng Adbiyento kung hindi maririnig sa liturhiya ang isang prominenteng tao sa panahon ni Hesus. Nakasuot ng balat ng kamelyo na may sinturong balat, pulut-pukyutan at balang ang kanyang pagkain. Sa bigla niyang paglitaw sa ilang at sa kanyang ginawa sa Ilog ng Jordan, ay naging instant hit siya. Maraming  dumagsa, nakibalita at inalam kung ano ang mensahe ng taong ito.

Aba, nagbibinyag siya! Nakakatuwa na nakakapanibago. Aniya, ito raw ay para sa ikakapagpatawad ng ating mga kasalanan. Nais daw niyang tuparin ang pahayag ni Proopeta Isaias, Ihanda ang daraanan ng Panginoon! Nais niyang ihanda ang daanan ng isa pang darating, isang tao na mas makapangyarihan at malakas kaysa sa kanya.

Ang kanyang pangalan: Ioannes.

Pero siya nga ba ang darating? Hindi! Malinaw niya itong pinahayag, May darating na mas higit pa sa akin. Napakadakila niya na ako man ay di karapat-dapat magkalag ng tali ng kanyang panyapak! Binibinyagan ko kayo sa tubig, subalit ang darating ay magbibinyag sa inyosa Espiritu Santo at apoy!

Aba, may darating pa daw! Sino siya? Nakaka-intriga naman ang panahon nila, puro mga blind item. Tao ba ito? Hari ba? Makapangyarihan ba? Mesiyas ba?

Oo naman! Wag nating kakalimutan na kahit marinig natin ang pangalang Ioannes o Juan sa buong panahon ng Adbiyento, ay may mas matindi pang taong darating. Di ba nga, sinabi sa pasimula ng Ebanghelyo ngayon,


Initium evangelii Iesu Christi Filii Dei.


Ang persona ni Juan Bautista ay hudyat ng isang paparating na mas dakila, mas banal, mas makapangyarihan. Hindi siya ang talagang manunubos, subalit tagapaghanda lamang siya ng landas. Sa pagdating ng Panginoong Hesus, mapapansin na ulit nating nawawala na sa eksena si Juan dahil natapos na ang kanyang atas na gawain, ngunit gayunpaman hindi niya iniwanang hindi tapos ang kanyang misyon.

Patuloy tayo sa pagbagtas ng daan ng Adbiyento. Sinisindihan na natin ang ikalawang kandila sa korona, tanda ng ating paghahanda. Nananatili pa rin ba tayo sa ating adhikain na linisin ang bakuran ng ating pagkatao para sa haring kakatok at papasok sa Pasko? Tulad ni Juan, kinikilala ba natin ang Panginoong Hesus bilang mas makapangyarihan at Panginoon sa ating buhay? 

Mahirap nga ang ituring ang sariling munti  sa harap ng Diyos, subalit hindi nga natin ito magagawa sa sarili nating lakas lamang. Humingi nga tayo ng pagsaklolo sa Tagapanguna, si Juan Bautista upang atin ngang matugunan ang tawag ng Adbiyento: Ihanda ang daraanan ng Panginoon!


No comments:

Post a Comment