Dis. 25, 2011
PASKO NG PAGSILANG NG PANGINOONG HESUKRISTO
Misa sa Hatinggabi:
Is 9,1-6 . Ti 2,11-14
Lc 2,1-14
Misa sa Maghapon:
Is 52,7-10 . Heb 1,1-6
Jn 1,1-18
===
Verbum caro factum est, et habitavit in nobis!
Kakaiba ang indayog ng mundo ngayon. Malamig ang hangin, madilim sa labas, nang biglang sumilay ang liwanag mula sa isang pakainan ng mga hayop.
Mula rito'y may isang sanggol na sumilang. Mahirap ang gabing iyon. Walang magpatuloy sa kanyang mga magulang sa bahay sa paligid. Walang makakasilay sa kanyang mga unang sandali kundi ang hamak na asno, tupa at baka lamang.
Subalit sa kabila ng lahat ng ito ay nagkaroon ng di-magkandahulilip na kaligayahan sa buong mundo. Sa madilim na langit ay suminag ang isang malaki at maninging na bituin. Sa ihip ng hangin ay lumilipad ang koro ng mga Anghel na nagsisiaiwitan ng mga papuri ng Diyos. At doon sa pakainan ng mga hayop ay nagisnan ng mga magulang ng sanggol ang isang banayad na kapangyarihan na nagmula sa sanggol na bagong silang.
Hindi lang naman kasi siya isang ordinaryong sanggol. Siya ang Anak ng makapangyarihang Diyos. Siya ang katuparan ng lahat ng mga propesiya at ng mga batas. Siya ang manunubos at tunay na tagapagligtas ng sangkatauhan. Siya ang Emmanuel - ang Diyos na sumasaatin!
Sa abang kahirapan, nakikita at nasasaksihan ng isang tao ang kapangyarihan at pagmamahal ng Diyos. Imbis na sa kadakilaan masilayan ng sanggol na ito ang unang mga sandali ng buhay, pinili niyang sa sabsaban lamang unang marinig ng mundo ang kanyang uha. Imbis na magagarang gamit at damit ang ipambalot sa kanya, ay hamak na basahang-lampin lamang ang mas ninais niyang ipambalot sa kanya. Maaari namang mayayaman ang unang maglingkod sa kanya, subalit mga hamak na pastol ang unang nakakita at nakasumpong sa kanyang mapagmahal na mukha.
Bakit?
Dahil nais niyang maramdaman ang hirap ng ating abang buhay. Upang maunawaan niyang lubos ang pangangailangan ng tao. Nang sa gayon ay maitindihan natin ang pagmamahal ng Diyos na hindi sinukat ang ating kaabahan bagkus ay mas pinili pang yakapin ito at isabuhay ng buong-buo.
Ito ang Pasko: Ang salita ay nagkatawang-tao at nanahan sa piling natin! Pinili niyang tanggapin sa unang Pasko ang hirap ng pagiging isang tao, upang sa makalawang Pasko ay maipakita naman niya sa atin ang kanyang mapanligtas na kapangyarihan. Mula sa buhay na hamak ay tinanggap ng Sanggol na ito ang dakilang atas na ialay ang buhay para sa ating kaligtasan. Mula sa ating pagkasadlak ay nakikita natin ang Sanggol na ito na lumaki, naging marunong at di-naglaon ay iniligtas tayo sa pamamagitan ng krus at kamatayan.
May mga nag-iisip sa atin na ang Pasko ay para sa mga mayayaman lamang, na hindi kailan man naipadama ng Diyos ang kanyang pagmamahal, na siya ay hanggang salita lamang.
Subalit ito nga ang hamon ng Pasko: Sa gitna ng rangya ng makabagong mundo, silayan natin ang isang sanggol sa gabing mahimbing na ubod ng hirap, dahil dito sa gitna ng kahirapang ito, masisilayan natin ang isang Diyos na mas piniling maging kaisa natin sa kahirapan upang maiahon tayo mula sa sabsaban ng paghihirap tungo sa liwanag ng buhay na walang hanggan!
MALIGAYANG PASKO PO SA INYONG LAHAT!
Mula sa Ur Dose
Isang panibagong taon na pagsasaluhan, abangan!
ReplyDeleteFirst Anniversary of http://urdose.blogspot.com - January 01, 2012
maligayang pasko!
ReplyDelete