November 02, 2011
COMMEMORATION OF ALL THE FAITHFUL DEPARTED
Wis 3,1-9 . Rm 6,3-9
Mt 25, 31-46
===
Kung nabasa mo ito, paniguradong nabitin ka sa pagninilay kahapon. Pero bago iyan, ay isang Paalaala: Maraming pagpipiliang pagbasa sa ating Misa ngayon. Pwedeng iba ang bibigyan ko ng pagninilay sa maririnig ninyo sa Misa na dadaluhan ngayon. Gayunpaman, ibig ko pa ring mabigyan ng pangkalahatang liwanag ang diwa ng araw na ito sa pamamagitan ng pagninilay.
Kapag napag-uusapan ang kamatayan, maraming pumapasok sa isipan natin. Kung ano ang ibibilin natin sa mga minamahal natin, kung ano ang nais nating suot, kung libing ba o cremation ang nais nating gawin sa katawan natin, at minsan, kung saan ba tayo mapapadpad sa dulo ng lahat. Umiikot ang isipan natin na nakakaabot sa kabilang buhay. Totoo nga ba ang Eternal Life? Ang Purgatoryo?
Halina sa tahanang inihanda para sa inyo ng aking Ama sa walang hanggang buhay!
Oo, totoo ang walang-hanggang buhay. Totoo ang kabilang buhay. Hindi ito isang kathang-isip na tulad ng mga tikbalang, kapre o kung ano pang mga nakakatakot na nilalang na wala namang dala kundi lagim hindi lamang sa imahinasyon kundi sa kabuuang buhay ng lipunan. Bagkus, ito ay isang Pangako na Diyos mismo ang naghahandog sa atin. Ito ay isang pangarap na nais niyang makamtan ng bawat isa sa atin. Gusto ng Panginoon, kapag namatay tayo, ay ating malalasap ang walang hanggang gantimpala kasama niya, ni Inang Maria at ng tanang mga Banal na nagtagumpay na sa pakikibaka at patuloy na naging tapat sa kanya.
Subalit sa ganang atin, pauloy nating iniisip na ang Langit ay para sa mga Santo lang, at wala tayong puwang dahil mahihina tayo. Dahil nagkakasala tayo. Nababale-wala ang pagnanais ng Panginoon, at patuloy tayo sa ating pamumuhay na taliwas sa tunay na plano ng Diyos. Patuloy tayo sa pagkadapa at pagkalugmok, without even thinking that sometime and somewhere, we are going to pay just wage for everything we have done.
At dumarating ang sandali ng ating kamatayan, sa paghiwalay ng ating kaluluwa patungo sa portal ng kabilang buhay. Itutunghay sa atin ang ating nakalipas na buhay, sisilipin kung tunay tayong tumalima sa plano ng Panginoon, at saka tayo makakatanggap ng dakilang hatol: Langit, Purgatoryo o Impiyerno.
Napagnilayan na natin kahapon ang luwalhati ng Langit sa pamamagitan ng kadakilaan ng mga Banal; ngayon naman ay pakaisipin natin ang dalawang nalalabing bahagi ng kabilang buhay.
Magsilayo kayo sa akin! Danasin ninyo ang walang hanggang kaparusahan sa Impiyerno!
Alam na natin na ang Impiyerno ay para sa mga talagang naging sagad-sagaran ang kasamaan sa puso. Dito sila makakatanggap ng dakilang kaparusahan sa habang panahon. Magsisisi sila, magtatangis at magngangalit ang ngipin, subalit huli na ang lahat. Sa pagkakatapon nila roon ay matitikman nila ang walang-habas na katarungan ng Diyos. Palibhasa, sila ang nagpahirap sa mga kapatid natin sa kanilang buhay sa mundo, ngayon sila naman ang makakatikim ng sarili nilang gamot. Parang sasabihin na lamang nila, sana, sana, hindi na lang ako nagpakasama! subalit tapos na, wala nang ihahabol pa. Sa Impiyerno na sila sa habang panahon, upang magdusa ng sagad sa buto.
Kung tayo'y naniniwalang namatay na tayong kaisa ni Kristo, naniniwala rin tayong mabubuhay tayo kaisa niya. (Ikalawang Pagbasa)
Subalit sa Purgatoryo, bagamat may pagdurusa, may bakas pa rin ito ng pag-asa. Alam ng mga kaluluwang naririto na sila ay makakatanggap rin ng gantimpala sa langit, at makakasama rin nila ang Panginoon sa takdang panahon, subalit hindi ngayon. Hibik ng mga taong naririto ang isang pagkauhaw na hindi lamang mapapatid ng isang basong tubig. Kinakailangan na maranasan nila ang isang dakilang biyaya mula sa Diyos, at hinihintay nila ito kahit na lumampas sila ng isang taon, isang dekada, isang siglo, isang henerasyon. Ang sigaw ng mga tao rito, Panginoon, kailan? Wala silang inaasahan sa kanilang paghihintay kundi ang mga pag-alala ng mga taong malapit at nagmamahal sa kanila.
My heart is restless until it rests in you. (St. Augustine)
Isa lang naman ang panawagan sa atin sa araw na ito, ang ipanalangin silang lahat! Hindi lamang ang mga mahal natin sa buhay, hindi lamang ang mga kaibigan natin. Ipanalangin rin natin sila na mga kinalimutan na ng kabihasnan. Ipanalangin natin ang mga taong biktima ng kawalang-katarungan. Ipanalangin natin silang mga nakalimot sa biyaya ng Panginoon at inisip na lamang ang kanilang sarili. Ipanalangin natin ang mga wala nang nakakaalala. Ipanalangin natin ang mga sanggol na walang-habas na hinugot sa sinapupunan ng ina, at ang mga kabataang nasayang ang buhay sa pamamagita ng suicide. Sa isang salita, ipanalangin nating silang lahat na nasa Purgatoryo, at nasa Impiyerno, nang sa gayon ay matanggap nila ang awa at biyaya ng Panginoon. Huwag natin silang kakalimutan sa panalangin, sa Misa, at sa bawat indulhensya. Hindi natin nalalaman kung gaanong kalaki ang maitutulong nila sa sandali na tayo naman ang pumasok sa portal ng kabilang buhay. Hindi natin ito nalalaman.
Eh ano naman ang hamon sa atin? Ito lang. Nanaisin mo pa bang magdusa sa Impiyerno? Nanaisin mo pa bang magnasa sa Purgatoryo? Bakit hindi ba natin tumbukin ang Langit ngayon pa lang? Palagi tayong tinatawag ng Diyos sa isang buhay na kasama niya. Walang alinlangan, walang pagdurusa, tunay na kaligayahan. Kahit na punug-puno ng dawang ng pagsubok at tinik ng pag-uusig ang landas ng buhay sa mundo, patuloy pa rin siyang nandiyan uang alalayan tayo! Magkasala man tayo, nariyan ang Sakramento ng Pagbabalik-loob! Nagugutom tayo sa espiritu, nariyan ang Banal na Eukaristiya! May pagdududa man sa puso, patuloy tayong tinatanglawan ng Panginoon sa kanyang Banal na Salita! Sa isang pangungusap, EMMANUEL, Kasama natin ang Diyos! Bakit di pa natin lubus-lubusin at ialay natin ang isang buhay na ganap at tapat sa kanyang kalooban?
Bago natin isipin ang mga bagay na ukol sa ating kamatayan, isipin at tanungin muna natin sa ating sarili, Ako ba ay nakapaghanda na ng aking buhay para sa pagharap sa Panginoon sa kamatayan? Mas maganda kung naihanda na natin ang ating buhay sa pamamagitan ng mabuting gawa at banal na paghibik, bago tayo mag-isip ng gastusin sa kabaong, libing o urn. Hinihintay tayo ng Panginoon, binbigyan tayo ng panibagong pagkakataon sa araw-araw na mapalapit lalo sa kanya. Huwag nating sayangin ito.
Tama ang dami nating naiisip tungkol sa kapupuntahan natin pero ang tanong nalamang naiisip ba natin kung tayo nga ba ay karapatdapat?
ReplyDeletePero may tanong ako.... Kung nagpapatawad ang Panginoon, bakit may imperno? (tinanong ito sa akin ng isa kong kaklse at for some moment napatigil at napaisip ako)
Isang makabuluhang araw!
Alam mo, kapatid, may dalawang punto sa tanong mo na nais kong bigyan ng liwanag. Sana makatulong ito.
ReplyDeleteNAGPAPATAWAD ANG PANGINOON. Tama ito, sapagkat sa kanyang pagsugo kay Hesus upang iligtas tayo, muling nabuksan ang pintuan ng langit at nabigyan pa tayo ng pagkakataon upang mabuhay sa piling niya, at sa kanyang Banal na diwa.
MAY IMPIYERNO. Paano mo binigyan ng tugon ang pagpapatawad ng Panginoon? Kung pinagwalang-bahala mo ito at nagpatuloy ka sa makasalanang pamumuhay, at ni katiting ay wala kang pagsisisi sa mga nagawa mo, ay, may lalandingan kang lugar. Alam mo na.