Noviembre 13, 2011
Ikatatlumpu't-tatlong Linggo sa Karaniwang Panahon
Kw 31,10-31 . 1Ts 5,1-6
Mt 25,14-20
===
May ipinagkatiwala sa iyo. Sabi ng kaibigan mo, 'Sa iyo muna ang tuta ko. Di ko iyan madadala abroad. Ikaw muna bahala sa kanya, ah. Kapag bumalik ako, sana andyan pa rin siya, at may mga anak nang kasama.'
Eh alam mong magtatagal ang kaibigan mo sa ibang bansa. So, ano ang gagawin mo? Hindi ba aalagaan mo ang tutang ito na parang siya na rin ang nag-aalaga? Ganun nga ang gagawin mo. Pakakainin mo ito, bibigyan ng mga kinakailangan, hanggang sa takdang panahon ay magkaroon ito ng mga anak. Kapag ito ang ginawa mo, sa pagbalik ng kaibigan mo ay tiyak na matutuwa ito. 'Wow naman! Ang galing-galing mo naman. Sige, kukunin ko na lang iyung isang tuta, ituloy mo na yung pagaalaga sa kanya.'
Pero paano kung hindi mo ito alagaan? Paano kung di mo ito pakainin at lagi pang pinapalo at sinisigawan? E di mamamatay ito sa stress! Sa pagbabalik ng kaibigan mo, imbes na matuwa siya sa madaratnan niya, ay uupo na lang siya sa isang tabi, tutulo ang luha at hahagulgol. Magsisisi siya at sasabihin, 'sana, di ko na lang ipinagkatiwala ang tuta sa iyo. Wala kang kwenta!' Hindi lang nanlumo ang taong iyun sa pagkawala ng kanyang alaga, kundi nagkaroon ng masalimuot na katapusan ang pagkakaibigan na matagal naipundar.
Kung na-gets mo ang idea, malamang may ipinagkatiwala na rin sa iyo. Maaaring napagkaingatan mo ito, maari ring nasira mo ito. Alam mo ang pakiramdam, at alam mo ang responsibilidad.
Ang Paghahari ng Diyos ay tulad ng isang lalaking maglalakbay. Ipinagkatiwala niya ang kanyang ari-arian sa kanyang mga lingkod.
Ganito rin ang diwa ng ating Ebanghelyo sa ikalawang huling linggo ng taon. Opo, malapit nang matapos ang Taong Liturhikal. At ang ating Mabuting Balita ay dumarating bilang isang paalala ukol sa lahat ng mga natanggap natin mula sa Panginoon.
Sa sandali ng ating pagiging bahagi ng Katawang Mistiko ni Kristo, binigyan tayo ng ating sariling talento. May kanya-kanya tayong mga abilidad, mga bagay na tayo lang ang makakagawa, na hindi kaya ng iba. Kapag sinuswerte, napagkakaloooban rin tayo ng materyal na yaman. Kapag sinuswerte pa rin, nagiging kilala tayo at popular hindi lang sa kaibigan, kundi sa masa.
Iba't-ibang biyaya, pero ito ay nagmumula sa Panginoon lahat. Tama naman ang sinabi ng ating sariling adage, Nasa Diyos ang awa; nasa tao ang (n)gawa. Kahit na sabihin nating pinagsumikapan nating makamit ang lahat ng ating natatamasa, pera, katanyagan, mga talento at abilidad, hindi pa rin natin maiaalis ang Panginoon. Anupanga't siya ang pinagmumulan ng lahat ng ito! Kahit nga mismong buhay natin ay buhat sa kanya. Wala tayong maiaangkin na atin.
Tama ang nabasa mo... HINDI PA RIN IYO IYAN! Kahaintulad natin ang mga lingkod sa Talinhaga na biigyan ng kanilang panginoon ng mga salapi upang kanilang pagyamanin. Hindi upang lustay o itago at ibaon sa lupa, tulad ng ginawa ng nakatanggap ng isanlibong salaping ginto. Ang lahat ng ipinagkaloob sa atin ay upang ating pagyamanin, at ibahagi sa iba. Ito ang nais ng Panginoon, na sa kanyang pagbabalik ay maratnan niya tayo na masaya at kuntento dahil naramdaman natin ang tunay na saya ng paggamit ng ating talento at biyaya.
Hindi nga ba't kay sarap sa pakiramdam na sa pagbabalik ng Panginoon, sa oras na makita niyang nagkaroon ng saysay ang kanyang ipinahiram na talento sa atin at nagkabunga pa ito ng galak sa ating kapwa, ay tapikin niya tayo sa balikat at sabihin, Magaling, tapat at mabuting lingkod! Dahil naging tapat ka sa munting halaga, gagawin kitang tagapamahala ng malaking halaga. Halika, makisalo ka sa aking kagalakan!
Pero paano kaya kung imbes na ibahagi at pagyamanin ang talento ay itago natin at ikubli sa ating sarili? Paano kung ipagkamaramot natin ito sa ating kapwa na nangangailangang higit ng ating kakayahan? Aba, maghanda ka kung sasabihin ito sa iyo ng Panginoon, Masama at tamad na lingkod! (...) Kunin sa kanya ang kanyang isanlibong salaping ginto at ibigay sa may sampung libong salaping ginto! (...) Igapos ang walang kwentang taong ito at itapon sa kadiliman sa labas, magtatangis siya doon at magngangalit ang kanyang ngipin.
Tandaan mo ang paalala ni Hesus, Ang mayroon ay bibigyan pa at mananagana; ngunit ang wala, kahit ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa. Sa nalalapit na pagtatapos ng Taong Liturhikal, kinakamusta na ng Panginoon ang kanyang mga ipinagkatiwala sa iyo. Ano na nga ang nangyari sa iyong mga talento at kayamanan? Napagyaman mo nga ba ito? O ibinaon sa limot at pagkakuripot?
Paka-isipin mo ito kapatid, dahil darating na ang Hari...
May mga magbabago... abangan!
11.27.11
No comments:
Post a Comment