Saturday, November 26, 2011

MAWALANG-GALANG NA... NAGBABANTAY KA PO BA?

Nobyembre 27, 2011
Unang Linggo ng Adbiyento
Siklo B, Taon II
Is 63:16b-17, 19b; 64:2-7 . 1Cor 1,3-9
Marcos (Mc) 13,33-37
===

Guwardiya. Nakapuwesto sa mga establisyimento, madalas nakikita sa may pintuan, sumisilip sa laman ng mga bag at nagkakapkap ng bulsa ng papasok sa loob ng mga building. Ang tanging atas: MAGBANTAY.

Pulis. Naglalakad sa mga kalsada. Minsan naka-full regalia, minsan naman may kasamang aso. Paligid-ligid at nagmamasid sa bawat taong dumaraan. Humuhuli sa bawat masasamang-loob na gagawa ng kaharasan sa pampublikong lugar. Ang tanging atas: MAGBANTAY.

Sundalo. Nakadestino sa iba't-ibang lugar sa bansa. Sa kabila ng kanilang mahirap na estado sa kampo patuloy pa rin sila sa pagtatanggol ng minamahal nating bayan laban sa puwersa ng kalaban. Handang ialay ang buhay para sa kapakanan ng mga sibilyan. Ang tanging atas: MAGBANTAY.


Kristiyano. Isinilang sa pananampalatayang totoo. Palaging nananalangin at nagpapasalamat sa Panginoong lumikha sa kanya. Kumikilos ayon sa atas ng kanyang Panginoon: magmahalan kayo tulad ng pagmamahal ko sa inyo. Ang tanging atas: MAGBANTAY.

Sinasabi ko ito sa inyo... sinasabi ko rin naman sa lahat... MAGBANTAY KAYO!

Sinisimulan natin ngayon ang isang bagong yugto sa buhay ng Simbahan, ang pagpasok ng Bagong Taong Liturhikal. Muli nating gugunitain ang pagdating ng isang sanggol na may isang dakilang atas: ang iligtas ang buong sangkatauhan mula sa walang-hanggang parusa. Sa kanyang pagdating, tayo ay naghahanda hindi lamang ng ating mga tahanan, kundi rin ng ating mga sarili. Ito ang panahon ng Adbiyento. Ito ang panahon ng pagdating.


Sa unang linggo ng Bagong Taong Liturhikal, umaalingawngaw ang tinig ni Hesus, Sinasabi ko ito sa inyo, sinasabi ko rin naman sa lahat; MAGBANTAY KAYO!


Halata naman sa tono at tipo ng pagdiriwang natin sa loob ng apat na linggong ito ang panawagang maghanda. Para sa sekular na mundo, ang paghahanda para sa Pasko ay katumbas ng paglilinis ng bahay (lalo na kung ngayon mo lang naisipang maglinismula noong Bagyong Pedring), pagsabit ng mga ilaw (kahit na mataas ang singil sa kuryente), at bumili ng mga ireregalo sa inaanak (sayang ang Christmas Bonus!). Nakatuon tayo sa komersyo, pera at materyal na bagay. Nakakasawa mang isulat ang mga bagay na ito dahil taun-taon na lang nangyayari, ay talagang nalimutan na ng modernong panahon ang tunay na dahilan ng paghahanda, ang tunay na sinimulan ng ating puspusang paglilinis sa ating sarili.


Sinasabi ni Hesus, Magbantay kayo! Hindi ninyo alam kung kailan ang takdang panahon ng pagbalik ng panginoon ng sambahayan. 


Ang pulis, sundalo at guwardiya. Sila ang tipikal na mga halimbawa ng  mga taong handang magbantay para sa ikakatahimik at ikakapaya ng isang partikular ng lugar, at ng ating bayan sa kabuuan. Di-matatawaran ang kanilang mga pinagdaanang hirap upang magampanan ang kanilang tungkulin, na sa kabila ng mga pambabato ng lipunan laban sa kanila ay patuloy sila sa paglilingkod, dahil nalalaman nilang dumarating ang peligro sa oras na hindi natin nalalaman.


Subalit hindi natin natatalos na tayo man ay may isang tanging atas rin, ang magbantay at maging handa. 


Kapag umalis tayo papuntang trabaho, hindi natin alam ang eksaktong oras ng ating pagbabalik sa tahanan natin. Minsan napapaaga, minsan inaabot ng dis-oras ng gabi. Nagbibilin tayo sa kasambahay at sa iba pang tao sa bahay ng kung ano'ng gagawin sa araw na iyon, at inaasahan nating sa pag-uwi natin ay nagawa ng maayos ni Neneng ang iniutos mo sa kanya.


Tulad ng nasa halimbawa, tinatawagan tayo ng ating pananampalataya na manatiling gising at preparado sa bawat sandali, dahil hindi natin nalalaman ang oras ng pagdating ng Panginoon. Sa pamamagitan ng ating mga gawain ng kabanalan sa araw-araw, ay ating natutupad ang bilin na ito ng Panginoon. Hindi natin masasabing hindi tayo damay sa panawagang ito ni Hesus; lahat tayo ay kasama, lahat tayo ay dapat kumilos. Walang taong dapat nakatunganga at walang ginagawa dahil sa pagbabalik ng Panginoon, lahat tayo ay may  pananagutan.


Sa ating pasimula sa taong panibago, ginigising tayong muli ni Hesus sa ating atas na gawain: MAGBANTAY. Habang nagpapatuloy tayo sa ating araw-araw na gawain, binibigyan rin naman tayo ng isang kakaibang bilin, ang magbantay dahil hindi natin alam ang oras ng  kanyang dakilang pagbabalik. 


Tulad nga ng naibahagi noong nakaraang Dose, walang nakakaalam sa lupa o sa langit ukol sa oras  ng pagpapahayag ng Diyos ng kanyang kapangyarihan, kundi ang Ama lamang. Binibigyan tayo ng kanya-kanyang talento, kayamanan at panahon upang gamitin sa wasto at sapat na paraan, dahil sa kanyang pagbabalik ay magsusulit tayong muli sa kanya at titignan kung ating nagamit sa tama ang pinagkaloob niya sa atin.


Oo, taun-taon nating ipinagdiriwang ang kanyang unang pagdating sa mundo, at pinaghahandaan natin ito ng buong gayak at lugod, subalit paano nga ba natin pinaghahandaan ang muling pagbabalik ng Panginoon sa ating espiritwal na aspeto? Mawalang-galang na, ngunit nagbabantay nga ba tayo sa pagbabalik ng Panginoon? Nagbabantay ka ba sa abot ng ating makakaya at sa pamamagitan ng isang banal na pamumuhay? O naghahanda ka lang ng mga materyal na bagay para sa pagdating ng sekular na Pasko?


Kaloob nga ng Diyos ang isang panibagong taong liturhikal, isang panibagong simula sa buhay ng Simbahan. Subalit tayo nga ang Simbahang ito, di ba? Huwag nating sayangin ulit ang pagkakataong ibinabahagi sa atin ng Diyos. 


Maghanda, Magbantay. Parating na ang Panginoon!






Saturday, November 19, 2011

DARATING NA... KATAPUSAN NA...

Nobyembre 20, 2011
DAKILANG KAPISTAHAN NG PAGHAHARI NI HESUKRISTO SA SANLIBUTAN
Pagtatapos ng Taon Liturhikal (Cycle A, Year I)
Ez 34,11-12.15-17 . 1Cor 15,20-26.28
Mt 25, 31-46
===


Naalala ninyo pa ba ang mga poster noong May na nagsasabing malapit na ang katapusan? May mga nagsabing sa pagdating ng partikular a araw na ito, magkakaroon ng rupture, at makikita natin sa itaas ang pagdating ng isang makapangyarihang pigura sa kasaysayan ng tao, isang dakilang Hari. Huhukumin na daw tayo at malalaman na natin ang ating kahihintnan. 

Akala ng lahat, end of the world na. Naghihintay ang lahat, sa katunayan ay naging trending topic ito sa Twitter at Facebook. Samantalang lahat  ay naghihintay kung totoo nga ang balita, ako naman ay nagsusulat ng rendisyon para sa Ur Dose sa linggong darating. May bahid man ng takot, nagpatuloy ako sa aking ginagawa, dahil nalalaman kong hindi pa ito ang tamang oras at marami pang pagdadaanan ang sangkatauhan.

Dumating nga ang oras. May nangyari ba? Opo. Nagtago sa kung saan ang pastor (Opo, Born Again siya, at hindi lang po ito ang unang beses na ginawa niya ito.) na nagpakalat ng isang maling balita. Lahat ng mga naghanda, napatingin na lang sa langit, nagtatanong kung paano maibabalik ang lahat ng kanilang naibenta dahil sa paghahanda. Sa ibang salita, ang mga nagpaloko ay lagpak, at ang nanloko ay nagtago... na naman.

===

May darating. Totoo naman, may magbabalik upang hatulan ang lahat. Sa pagtuturo ng Simbahan, sinasabi na sa wakas ng panahon ay babalik ang Panginoon, taglay ang di-matinkalang kapangyarihan upang hatulan tayong lahat. Classic example dyan ay ang mapapakinggan natin sa Ebanghelyo ngayong ating ipinagdiriwang ang Dakilang Kapistahan ng Paghahari ni Kristo sa Sanlibutan, mas kilala sa bansag na Christ the King.

Sa Ebanghelyo, maririnig nating darating ang Anak ng Tao bilang isang dakilang Hari na kasama ang mga anghel. Uupo siya sa kanyang trono at titipunin ang lahat ng nabubuhay at pumanaw ula sa lahat ng bansa. Paghihiwalayin niya ito sa dalawang grupo, ang Right group at Left group. Marami siyang sinabi, subalit sa kalaunan, ang mga nasa kanan ay makakasama niya sa kaluwalhatian, at ang mga nasa kaliwa ay babagsak sa apoy ng Gehenna.

Halikayo at pumasok sa kaharian ng aking Ama!

Napagnilayan na natin ang Ebanghelyong ito noong inalala natin ang mga pumanaw na Kristiyano (Nobyembre 02, 2011). Sa mga taong walang inasahan kundi ang Panginoon, at gumawa ng mga  paraan upang matupad sa kanilang buhay ang paghahari ng Diyos, wala na ngang naghihintay sa kanila kundi ang Buhay na Walang Hanggan. Sabi nga ni San Ignacio, turuan mo akong magbigay ng ayon sa nararapat na walang hinihintay mula sa iyo. Ano'ng inaasahan ko, kung gayon? Sa Oras na ako'y papanaw, ako'y mapapabilang sa mga hinirang mo.

Para sa tunay na mananampalataya, walang mahalaga kundi ang kanyang kaligtasan na magmumula sa tunay na Hari ng Langit at Lupa. Oo, may mga darating na pagsubok sa kanyang buhay, subalit hindi ito magpapabagsak sa kanya bagkus ay lalo pa itong maggdaragdag sa kanyang pananampalataya. Si Kristo nga ang kanyang personal na Panginoon at Hari, at sa pagtanggap ng mga Sakramento ay naipapahayag niya ang kanyang pagkilalang ito. Ang mga Sakramento rin naman ang nagbibigay sa kanya ng kakaibang lakas upang ipahayag si Kristong Hari sa iba.

Magsilayas kayo! Doon kayo sa apoy ng Impiyerno!

Pero hindi lahat ay kumikilala sa paghahari ni Kristo. Siyempre, may mga taong sagad sa buto ang kasakiman at hindi na nakikilala ang Diyos. Mas marami sila sa mga tapat, at iisa lang ang hangad ng Dakilang Hari, na sila ay mapabalik sa tunay na kawan. Mas marami, mas masaya lalo na kapag nasa piling ng Diyos! Ayaw niyang may mapahiwalay sa kanya, ngunit abot sa sukdulan ng sukdulan ang kasiyahan sa isang makasalanan na manunumbalik sa kanya.


Pero paano kung di talaga sila mapabalik? Paano kung sa kabila ng panawagan ng Panginoon at tanda ng panahon ay manatili sila sa pagiging masama?


Sabi nga ni Pablo, lahat ay mapapasailalim sa kapangyarihan ni Kristo. Ang lahat ng di-sumunod ay mapapatapon sa pagdurusa sa apoy ng Impiyerno. Kung hindi natin aalalahanin ang mga bagay na ito, malamang ay mapapasama tayo sa kanila.


Anuman ang gawin ninyo sa mga munti ninyong kapatid, ginawa na ninyo sa akin.


Sabi nga ni Michael Jackson, If you wanna make the world a better place, take a look at yourself and make a change! Sa konteksto ng ating pananampalataya, if you wanna be a part of God's kingdom, take a look at yourself and make a change... for the better!


Sabi ko nga kanina, paano natin maipapahayag na si Kristo ay hari sa ating buhay? Siyempre, ito ay sa pamamagitan ng isang lubhang banal na pamumuhay.  Hindi ito isang buhay na banal sa labas ngunit salawahan sa kalooban. Ang buhay na nais ni Kristong Hari ay isang buhay na banal inside and out! Kung alam natin ang mga saligan ng pananampalataya, siguradong alam natin ang ating gagawin sa oras ng pangangailangan ng ating kapwa. 


May darating nga ba? Opo. Pero kailan? Huwag na nating tanungin sapagkat ni sila man sa Langit ay walang nalalaman ukol rito, liban sa Diyos.Sa pagkakalarawan nga ni Pablo, tulad ito ng magnanakaw sa gabi. Hindi mo naman mahihintay kung darating siya. Basta  ang mahalaga, sa oras na iyon, tayo ay handa, sa pamamagitan ng isang buhay na ganap at kasiya-siya sa paningin ng Panginoon.


Sa pagdating ng hari, tayong mga lingkod ay magsusulit. Sa pagtatapos ng Taong Liturhikal, tanungin natin sa ating sarili, Sa pagbabalik ni Kristong Hari, saan kaya ako mapapabilang, sa kanan ba o sa kaliwa? Nagsusumikap ba akong mabuhay ayon sa kalooban ng Diyos, o nagwawalang-bahala lamang ako?


Tandaan natin, mawala man tayo, si Kristo ay si Kristo pa rin. Ngunit gayun pa man, nagpapakita pa rin siya ng pagmamahal sa atin. Huwag nating sayangin ang pag-ibig na ibinibigay  sa atin ng Hari ng Sanlibutan. Ipagbunyi natin siya, ipagdangal, at isabuhay ang kanyang mga turo sa ating ikabubuhay.


CHRSTUS VINCIT! 
CHRISTUS REGNAT! 
CHRISTUS IMPERAT!

Saturday, November 12, 2011

HINDI PA RIN IYO IYAN!

Noviembre 13, 2011 
Ikatatlumpu't-tatlong Linggo sa Karaniwang Panahon
Kw 31,10-31 . 1Ts 5,1-6
Mt 25,14-20
===

May ipinagkatiwala sa iyo. Sabi ng kaibigan mo, 'Sa iyo muna ang tuta ko. Di ko iyan madadala abroad. Ikaw muna bahala sa kanya, ah. Kapag bumalik ako, sana andyan pa rin siya, at may mga anak nang kasama.'

Eh alam mong magtatagal ang kaibigan mo sa ibang bansa. So, ano ang gagawin mo? Hindi ba aalagaan mo ang tutang ito na parang siya na rin ang nag-aalaga? Ganun nga ang gagawin mo. Pakakainin mo ito, bibigyan ng mga kinakailangan, hanggang sa takdang panahon ay magkaroon ito ng mga anak. Kapag ito ang ginawa mo, sa pagbalik ng kaibigan mo ay tiyak na matutuwa ito. 'Wow naman! Ang galing-galing mo naman. Sige, kukunin ko na lang iyung isang tuta, ituloy mo na yung pagaalaga sa kanya.'

Pero paano kung hindi mo ito alagaan? Paano kung di mo ito pakainin at lagi pang pinapalo at sinisigawan? E di mamamatay ito sa stress! Sa pagbabalik ng kaibigan mo, imbes na matuwa siya sa madaratnan niya, ay uupo na lang siya sa isang tabi, tutulo ang luha at hahagulgol. Magsisisi siya at sasabihin, 'sana, di ko na lang ipinagkatiwala ang tuta sa iyo. Wala kang kwenta!' Hindi lang nanlumo ang taong iyun sa pagkawala ng kanyang alaga, kundi nagkaroon ng masalimuot na katapusan ang pagkakaibigan na matagal naipundar.

Kung  na-gets mo ang idea, malamang may ipinagkatiwala na rin sa iyo. Maaaring napagkaingatan mo ito, maari ring nasira mo ito. Alam mo ang pakiramdam,  at alam mo ang responsibilidad.

Ang Paghahari ng Diyos ay tulad ng isang lalaking maglalakbay. Ipinagkatiwala niya ang kanyang ari-arian sa kanyang mga lingkod.

Ganito rin ang diwa ng ating Ebanghelyo sa ikalawang huling linggo ng taon. Opo, malapit nang matapos ang Taong Liturhikal. At ang ating Mabuting Balita ay dumarating bilang isang paalala ukol sa lahat ng mga natanggap natin mula sa Panginoon. 

Sa sandali ng ating pagiging bahagi ng Katawang Mistiko ni Kristo, binigyan tayo ng ating sariling talento. May kanya-kanya tayong mga abilidad, mga bagay na tayo lang ang makakagawa, na hindi kaya ng iba. Kapag sinuswerte, napagkakaloooban rin tayo ng materyal na yaman. Kapag sinuswerte pa rin, nagiging kilala tayo at popular hindi lang sa kaibigan, kundi sa masa. 

Iba't-ibang biyaya, pero ito ay nagmumula sa Panginoon lahat. Tama naman ang sinabi ng ating sariling adage, Nasa Diyos ang awa; nasa tao ang (n)gawa. Kahit na sabihin nating pinagsumikapan nating makamit ang lahat ng ating natatamasa, pera, katanyagan, mga talento at abilidad, hindi pa rin natin maiaalis ang Panginoon. Anupanga't siya ang pinagmumulan ng lahat ng ito! Kahit nga mismong buhay natin ay buhat sa kanya. Wala tayong maiaangkin na atin.

Tama ang nabasa mo... HINDI PA RIN IYO IYAN! Kahaintulad natin ang mga lingkod sa Talinhaga na biigyan ng kanilang panginoon ng mga salapi upang kanilang pagyamanin. Hindi upang lustay o itago at ibaon sa lupa, tulad ng ginawa ng nakatanggap ng isanlibong salaping ginto. Ang lahat ng ipinagkaloob sa atin ay upang ating pagyamanin, at ibahagi sa iba. Ito ang nais ng Panginoon, na sa kanyang pagbabalik ay maratnan niya tayo na masaya at kuntento dahil naramdaman natin ang tunay na saya ng paggamit ng ating talento at biyaya.

Hindi nga ba't kay sarap sa pakiramdam na sa pagbabalik ng Panginoon, sa oras na makita niyang nagkaroon ng saysay ang kanyang ipinahiram na talento sa atin at nagkabunga pa ito ng galak sa ating kapwa, ay tapikin niya tayo sa balikat at sabihin, Magaling, tapat at mabuting lingkod! Dahil naging tapat ka sa munting halaga, gagawin kitang tagapamahala ng malaking halaga. Halika, makisalo ka sa aking kagalakan!

Pero paano kaya kung imbes na ibahagi at pagyamanin ang talento ay itago natin at ikubli sa ating sarili? Paano kung ipagkamaramot natin ito sa ating kapwa na nangangailangang higit ng ating kakayahan? Aba, maghanda ka kung sasabihin ito sa iyo ng Panginoon, Masama at tamad na lingkod! (...) Kunin sa kanya ang kanyang isanlibong salaping  ginto at ibigay sa may sampung libong salaping ginto! (...) Igapos ang walang kwentang taong ito at  itapon sa kadiliman sa labas, magtatangis siya doon at magngangalit ang kanyang ngipin.

Tandaan mo ang paalala ni Hesus, Ang mayroon ay bibigyan pa at mananagana; ngunit ang wala, kahit ang kakaunting nasa kanya ay kukunin pa. Sa nalalapit na pagtatapos ng Taong Liturhikal, kinakamusta na ng Panginoon ang kanyang mga ipinagkatiwala sa iyo. Ano na nga ang nangyari sa iyong mga talento at kayamanan? Napagyaman mo nga ba ito? O ibinaon sa limot at pagkakuripot?

Paka-isipin mo ito  kapatid, dahil darating na ang Hari...

===

May mga magbabago... abangan!

11.27.11

Tuesday, November 1, 2011

LUWALHATI NG BANAL, HIBIK NG NAGDURUSA
(Part 02)

November 02, 2011 
COMMEMORATION OF ALL THE FAITHFUL DEPARTED
Wis 3,1-9 . Rm 6,3-9
Mt 25, 31-46
===

Kung nabasa mo ito, paniguradong nabitin ka sa pagninilay kahapon. Pero bago iyan, ay isang Paalaala: Maraming pagpipiliang pagbasa sa ating Misa ngayon. Pwedeng iba ang bibigyan ko ng pagninilay sa maririnig ninyo sa Misa na dadaluhan ngayon. Gayunpaman, ibig ko pa ring mabigyan ng  pangkalahatang liwanag ang diwa ng araw na ito sa pamamagitan ng pagninilay.

Kapag napag-uusapan ang kamatayan, maraming pumapasok sa  isipan natin. Kung ano ang ibibilin natin sa mga minamahal natin, kung ano ang nais nating suot, kung libing ba o cremation ang nais nating gawin sa katawan natin, at minsan, kung saan ba tayo mapapadpad sa dulo ng lahat. Umiikot ang isipan natin na nakakaabot sa kabilang buhay. Totoo nga ba ang Eternal Life? Ang Purgatoryo? 

Halina sa tahanang inihanda para sa inyo ng aking Ama sa walang hanggang buhay!

Oo, totoo ang walang-hanggang buhay. Totoo ang kabilang buhay. Hindi ito isang kathang-isip na tulad ng mga tikbalang, kapre o kung ano pang mga nakakatakot na nilalang na wala namang dala kundi lagim hindi lamang sa imahinasyon kundi sa kabuuang buhay ng lipunan. Bagkus, ito ay isang Pangako na Diyos mismo ang naghahandog sa atin. Ito ay isang pangarap na nais niyang makamtan ng bawat isa sa atin. Gusto ng Panginoon, kapag namatay tayo, ay ating  malalasap ang walang hanggang gantimpala kasama niya, ni Inang Maria at ng tanang mga Banal na nagtagumpay na sa  pakikibaka at patuloy na naging tapat sa kanya.

Subalit sa ganang atin, pauloy nating iniisip na ang Langit ay para sa mga Santo lang, at wala tayong puwang dahil mahihina tayo. Dahil nagkakasala tayo. Nababale-wala ang pagnanais ng Panginoon, at patuloy tayo sa ating pamumuhay na taliwas sa tunay na plano ng Diyos. Patuloy tayo sa pagkadapa at pagkalugmok, without even thinking that sometime and somewhere, we are going to pay just wage for everything we have done.

At dumarating ang sandali ng ating kamatayan, sa paghiwalay ng ating kaluluwa patungo sa portal ng kabilang buhay. Itutunghay sa atin ang ating nakalipas na buhay, sisilipin kung tunay tayong tumalima sa plano ng  Panginoon, at saka tayo makakatanggap ng dakilang hatol: Langit, Purgatoryo o Impiyerno.

Napagnilayan na natin kahapon ang luwalhati ng Langit sa pamamagitan ng kadakilaan ng mga Banal; ngayon naman ay pakaisipin natin ang dalawang nalalabing bahagi ng kabilang buhay.

Magsilayo kayo sa akin! Danasin ninyo ang walang hanggang kaparusahan sa Impiyerno!

Alam na natin na ang Impiyerno ay para sa mga talagang naging sagad-sagaran ang kasamaan sa puso. Dito sila makakatanggap ng dakilang kaparusahan  sa habang panahon. Magsisisi sila, magtatangis at magngangalit ang ngipin, subalit huli na ang lahat. Sa pagkakatapon nila roon ay matitikman nila ang walang-habas na katarungan ng Diyos. Palibhasa, sila ang nagpahirap sa mga kapatid natin sa kanilang buhay sa mundo, ngayon sila naman ang makakatikim ng sarili nilang gamot. Parang sasabihin na lamang nila, sana, sana, hindi na lang ako nagpakasama! subalit tapos na, wala nang ihahabol pa. Sa Impiyerno na sila sa habang panahon, upang magdusa ng sagad sa buto.

Kung tayo'y naniniwalang namatay na tayong kaisa ni Kristo, naniniwala rin tayong mabubuhay tayo kaisa niya. (Ikalawang Pagbasa)

Subalit sa Purgatoryo, bagamat may pagdurusa, may bakas pa rin ito ng pag-asa. Alam ng mga kaluluwang naririto na sila ay makakatanggap rin ng gantimpala sa langit, at makakasama rin nila ang Panginoon sa takdang panahon, subalit hindi ngayon. Hibik ng mga taong naririto ang isang pagkauhaw na hindi lamang mapapatid ng isang basong tubig. Kinakailangan na maranasan nila ang isang dakilang biyaya mula sa Diyos, at hinihintay nila ito kahit na lumampas sila ng isang taon, isang dekada, isang siglo, isang henerasyon. Ang sigaw ng mga tao rito, Panginoon, kailan? Wala silang inaasahan sa kanilang paghihintay kundi ang mga pag-alala ng mga taong malapit at nagmamahal sa kanila.

My heart is restless until it rests in you. (St. Augustine)

Isa lang naman ang panawagan sa atin sa araw na ito, ang ipanalangin silang lahat! Hindi lamang ang mga mahal natin sa buhay, hindi lamang ang mga kaibigan natin. Ipanalangin rin natin sila na mga kinalimutan na ng kabihasnan. Ipanalangin natin ang mga taong biktima ng kawalang-katarungan. Ipanalangin natin silang mga nakalimot sa biyaya ng Panginoon at inisip na lamang ang kanilang sarili. Ipanalangin natin ang mga wala nang nakakaalala. Ipanalangin natin ang mga sanggol na walang-habas na hinugot sa sinapupunan ng ina, at ang mga kabataang nasayang ang buhay sa pamamagita ng suicide. Sa isang salita, ipanalangin nating silang lahat na nasa Purgatoryo, at nasa Impiyerno, nang sa gayon ay matanggap nila ang awa at biyaya ng Panginoon. Huwag natin silang kakalimutan sa panalangin, sa Misa, at  sa bawat indulhensya. Hindi natin nalalaman kung gaanong kalaki ang maitutulong nila sa sandali na tayo naman ang pumasok sa portal ng kabilang buhay. Hindi natin ito nalalaman.

Eh ano naman ang hamon sa atin? Ito lang. Nanaisin mo pa bang magdusa sa Impiyerno? Nanaisin mo pa bang magnasa sa Purgatoryo? Bakit hindi ba natin tumbukin ang Langit ngayon pa lang? Palagi tayong tinatawag ng Diyos sa isang buhay na kasama niya. Walang alinlangan, walang pagdurusa, tunay na kaligayahan. Kahit na punug-puno ng dawang ng pagsubok at tinik ng pag-uusig ang landas ng buhay sa mundo, patuloy pa rin siyang nandiyan uang alalayan tayo! Magkasala man tayo, nariyan ang Sakramento ng Pagbabalik-loob! Nagugutom tayo sa espiritu, nariyan ang Banal na Eukaristiya! May pagdududa man sa puso, patuloy tayong tinatanglawan ng Panginoon sa kanyang Banal na Salita! Sa isang pangungusap, EMMANUEL, Kasama natin ang Diyos! Bakit di pa natin lubus-lubusin at ialay natin  ang isang buhay na ganap at tapat sa kanyang kalooban?

Bago natin isipin ang mga bagay na ukol sa ating kamatayan, isipin at tanungin muna natin sa ating sarili, Ako ba ay nakapaghanda na ng aking buhay para sa pagharap sa Panginoon sa kamatayan? Mas maganda kung naihanda na natin ang ating buhay sa pamamagitan ng mabuting gawa at banal na paghibik, bago tayo mag-isip ng gastusin sa kabaong, libing o urn. Hinihintay tayo ng Panginoon, binbigyan tayo ng panibagong pagkakataon sa araw-araw na mapalapit lalo sa kanya. Huwag nating sayangin ito.