Wednesday, September 14, 2011

Tayo ang Tagumpay ng Krus!

September 14, 2011
FEAST OF THE EXALTATION OF THE HOLY CROSS
Nm 21,4b-9 . Phl 2,6-11
Jn 3,13-17
===



GAYON NA LAMANG ANG PAG-IBIG NG DIYOS... INIHANDOG NIYA ANG KANYANG ANAK... ANG SINUMANG MANAMPALATAYA SA KANYA... AY MAY BUHAY NA WALANG HANGGAN!!!

Sa  ating mga Kristiyano, isa sa mga banal na tanda ang banal na Krus. Mapa-born again o Katoliko, itinatangi ang Krus na pinagpakuan at kinamatayan ng ating Panginoon. Nagtatalo tayo sa pagsamba sa mga imahen (daw... hindi naman totoo!), ngunit ang bagay na parehong meron sa asembleya ng Born-again at sa ating mga santwaryo at simbahan ay ang Banal na Krus.

Bakit? 

Simple lang. Sa Krus nasumpungan ng tao ang kanyang kaligtasan! Saanman natin dalhin, basta Kristiyano, hindi natin maitatanggi na ang Krus ay tumatayong simbolo ng ating katubusan mula sa kasalanan at kamatayan. 

Sa Pilipinas lamang, makakakita tayo ng konkretong example ng pagtatampok sa Krus. Halos saanmang bayan, may simbahan na itinalaga sa Banal na Krus. Iba't-ibang kuwento: may nakita sa dagat, may natuklasan sa puno, may lumalaki, may ligas, may pinagputol at pinagtatagpo minsan sa isang taon, at iba pang mga kuwento. May mas higit mang pagdiriwang tuwing Buwan ng Mayo, kaugnay ng Santacruzan o ang pag-alala sa pagkakahanap ni Santa Elena sa mahiwagang Krus, ipinagdiriwang pa rin na may kasiyahan ang araw na ito: ang Pista na tinalaga ng Inang Simbahan.

Pagninilayan natin, mga kapatid, ang hiwaga na dala ng krus sa ating mga iniligtas sa kamatayan ng ating Panginoon. Tatlong bagay, mga kapatid.

Ang Krus ang tanda ng kagalingan natin. Si Hesus na ipinako sa Krus ang makabagong pagsasatanda ng tansong ahas na itinaas ni Moises sa ilang. Noong panahong iyon, nagkalat sa kampo ang mga ahas na nakakammatay. Siyempre, kapag natuklaw ka, tedok ka. Ito ay nangyari dahil sa pagkasuway ng lipi ng Israel sa atas ng Panginoon. Ngunit sa kanilang pagsisisi, nahabag ang Panginoon sa kanila at nutusan si Moises na magtaas ng ahas na tanso sa ilang. Ang sinumang lumingon roon ay hindi mamamatay.

Sa pagtaas kay Hesus sa Krus sa Golgota, nasumpungan ng sangkatauhan ang kagalingan sa sakit nila sa kaluluwa at espiritu. Anumang kahinaan ng ating puso, sa ating paglingon sa Krus, tayo ay  nakatitiyak na gagaling tayo at magiging ganap sa biyaya ng Panginoon na inialay ang buhay para ilitas tayo.

Ang Krus ang tanda ng kababaan ng Anak. Inihandog ni Pablo ang Imno ng Kenosis: Bagamat siya'y Diyos ay  hindi nanatili si Hesus na kapantay ng Diyos...Nagpakababa...Nagkatawang -tao at namuhay na isang alipin...naging masunurin hanggang KAMATAYAN SA KRUS. Walang anumang Diyos ng ibang daigdigan ang nakapantay sa ginawang kadakilaan ng Panginoong Hesus. Sa kanyang kababaang-loob, tunay na naipakilala ang isang  Diyos na mapagmahal at handang dumamay sa ating katayuan. Kilala tayo ni Hesus.

Namatay si Hesus at pinahamak ng tao, ngunit ito ay kanyang tinanggap sapagkat sa gawaing ito lamang maibibigay sa atin ang ating ikakaligtas  at ikakabanal. Hindi naman siya pinabayaan ng kanyang Ama sa sandaling iyon: itinampok siya ng Diyos...binigyan ng pangalang higit sa lahat ng pangalan...lahat ng nilikha ay sasamba...at ipapahayag...SI HESUKRISTO ANG PANGINOON sa kadakilaan ng Diyos Ama! At dahil dito, tayo ay makakalapit na sa ating Panginoon na walang agam-agam at walang takot sapagkat sa iisang Hesus na nag-alay ng buhay, tayo ay ginawang buhay!

Mahal na Patrong Santa Cruz
Tanza, Navotas City
(my patron)
Ang Krus ang tanda ng pagmamahal ng Ama. Kung hindi naman talaga sa pagmamahal ng Ama sa atin, hindi tayo padadalhan ng isang Hesus na nagdadala ng ganap na kaligtasan para sa ating lahat. Hindi ito darating sa kaganapan kundi sa pamamagitan ng Banal na Krus. Kahit na ang modernong mundo ay tinatalikuran ang tandang ito, tayo na binigyan ng tatak ng kaligtasan ay nakakakilala sa isang mapagmahal na Ama na laging nariyan upang tayo'y gabayan at pagpalain.

Sa Krus, nasasaksihan ng tao kung paanong ang isang bagay na tinuturing na problema ay napapagaan at nagiging maluwalhati. Niyayakap natin ito, at pinapasan sa paniniwalang kasama natin ang Panginoon sa ating buhay, at hindi tayo pinababayaan sa bawat sandaling may pagsubok tayong pinagdadaanan. Mas lalong mararamdaman na mahal tayo ng Panginoon kung ating pinapasan, tinatanggap at minamahal ang krus ng  ating mga buhay. Sa huli, alam nating ito ang magdadala sa atin sa tiyak na kaligtasan.

Tayo ang Tagumpay ng Krus! Kung naiintindihan at napagtatanto natin ang hiwaga ng Banal na Krus sa Kristiyanong pamumuhay, at naia-apply ito sa ating pamumuhay sa araw-araw, masasabi nating tayo nga ang bunga at tagumpay ng Banal na Krus at ng taong pinako at namatay rito. Hindi natin masasabing nagtagumpay ang Banal na Krus kung tayo mismo ay hindi naisasabuhay ang aral na matatamo natin mula rito.

Oo, mahirap ang daan patungo sa kaganapan ng mga bagay na ito sapagkat sa araw-araw ay nakaka-encounter tayo ng kaliwa't-kanang mga problema, subalit dito lamang makikita ang pagmamahal na handog sa atin ng Panginoon. Huwag matakot na pasanin ang Krus! Ito ang magtatakda ng ating pagtatagumpay sa buhay na ito patungo sa kabilang kaganapan!

Mapalad ang tao na naituturing na tagumpay ng Banal na Krus!

No comments:

Post a Comment