Sunday, September 11, 2011

Pinatawad tayo... Magpatawad rin naman tayo!

September 11, 2011
Twenty-fourth Sunday in Ordinary Time
Sir 27,30-28,7 . Rm 14,7-9
Mt 18, 21-35
===

Nagtanong si Pedro, Panginoon, ilang beses ko po bang patatawarin ang aking kapatid, pito po ba?

Sinabi ni Hesus, Huwag lamang pitong beses, kundi pitumpung ulit na pito...

===

Sa maraming pagkakataon, narinig na natin ang salita ng pari o kaibigan na ganito ang nilalaman: Pinatawad tayo ng Diyos, magpatawad rin tayo! Minahal tayo ni Kristo hanggang Krus, magmahalan rin tayo tulad ng pagmamahal niya! 

Kapag narinig natin ito, parang napapataas lamang tayo ng kilay sa di-pagkapaniwala sa sinabing ito ng pari o kaibigan. Madalas nga nating sinsagot, weeh. Totoo? Napakadali para sa inyong sabihin iyan, kasi hindi ninyo alam ang masaktan ng iba.

Aminin natin, sa panahon at mundong panay sarili at yabang ang umiiral, hindi na natin magawang magpalipas ng ilang sandali sa piling ng ibang tao, lalo na kung di rin naman kasama sa circle of friends natin. Mas ninanais pa natin na yung mga taong malapit lang talaga sa atin ang ating palaging kausap, kasama sa kung saan-saan. 

Mas madalas pa nga, hinahabol natin ang mga taong nakasamaan natin ng loob dahil  nais nating gumanti sa kanila. Kahit na magmakaawa pa sila dahil di naman nila sinasadya ang ginawa nilang kamalian, wala tayong pakialam at patuloy tayo sa pagsakdal laban sa kanila. tsismis dito, trial by publicity diyan, panira kung saan-saan basta makaganti lang tayo.

Masarap pa niyan, tayo pa ang mga taong pumupuno ng simbahan tuwing Linggo. Tayong mga nagsisimba at nagpupuri sa Panginoon, tayo pa ang may ganang  manakmal ng kapwa natin, at magmayabang at gumawa ng iskandalo laban sa iba. Siyempre, hindi lahat ay ganito ang pag-uugali. subalit aminin man natin o hindi, karamihan ng mga 'taong-simbahan' ay may ganitong pananaw sa buhay. Magaling sa loob ng Simbahan, ngunit sa komunidad ay ugaling-halimaw ang turingan. 

Dito sinasabi ng Panginoon, Tulad ng ginawa ng hari sa sakim niyang alipin, gaganapin rin ng Aking Ama sa Langit ang pagganti kung hindi kayo marunong magpatawad sa iba.

Kung ika'y isang tunay na Kristiyano, alam mong pinatawad ka na ng Panginoon at higit pa rito, sapagkat inialay ni Hesus ang kanyang buhay para sa iyo. Kung ika'y nagnanais na magpasan ng krus at sumunod kay Hesus, kailangan na kaya mong patawarin ang iyong kapwa, gaano mang kasakit ang lahat niyang ginawa sa iyo. Ito ang nararapat na katauhan ng isang sumasampalataya sa Diyos at kabilang sa kawan ng Panginoon. Mahirap iyang ganapin, ngunit sa sandaling patawarin mo ang taong nagpapahirap sa iyo, gaano mang kasakit ang ginawa niya laban sa iyo, isang kakaibang pakiramdam ng paglaya ang iyong mararamdaman.


Hindi naman kailangang ipilit kung mahiap pa rin sa ating patawarin ang ating kapwa. Dito papasok  ang hiwaga ng panalangin at paghihintay. Ipagdasal natin sa Panginoon ang kapakinabangan ng taong umuusig sa atin. Hintayin natin ang pagdating ng tamang oras na tayo ay pagtagpuin ng panahon at buksan ng Panginoon ang puso natin sa kapatawaran. Ang Banal na Espiritu na ang magdadala sa atin sa ganap na pagpapatawad, pag-unawa at pagmamahal.

Tandaan natin ang lagi nating kinakanta: Walang sinuman ang nabubuhay at namamatay para sa sarili lamang. Tayo'y  may pananagutan sa isa't-isa! (Malapit ito sa Ikalawang Pagbasa: Tayo ay sa Panginoon, mabuhay man tayo o mamatay!) Kung minamahal tayo ng Panginoon, tayo rin ay dapat magmahalan! Kung pinatatawad niya tayo, tayo rin at palagi ay dapat magpatawaran! Ito ang magdadala sa atin sa Kistiyanong pagkakaisa.

===

May nagsabi sa akin, Bitoy, ingat ka, baka matawag kang hipokrito dahil sermon ka ng sermon pero di mo naman inilalagay sa katotohanan ang mga sinasabi mo.

Ganito ang estado ko sa buhay. Hindi po ako tulad ng mga tipikal na Christian at Catholic blogger na hindi ninyo kilala ang ugali ngunit pinupuri ninyo dahil magaling sa pagsusulat. Hindi ko po isusulat ito para magtaas ng sariling bangko. Isusulat ko po ito sapagkat nais ko pong magpapakilala sa inyo.

Wala po akong maipagmamayabang na credentials. Isa lamang po akong ordinaryong Laikong-lingkod na nagninilay sa Salita ng Panginoon at ibinabahagi ito sa iba.

Nagkakasala rin po ako! Hindi ako perpekto, iyan ang linya nila. Ito naman ang linya ko, Makasalanan rin po ako. Nahihirapan ako sa pagtanggap sa kahinaan ko, ngunit dahan-dahan ay pilit akong tumatayo. Hindi ko man po palaging naipapahayag ang aking naisusulat, hindi po nangangahulugan na ako ay hanggang salita lamang.

Mahal ko po ang aking ginagawa. Kilala ko po ang aking pagkatao. Mas maganda ang kinalalabasan ng anumang gawin ko kung ito'y aking pinagpapaguran ng bukal sa kalooban. Masaya po ako at alam kong ang Panginoon ang siyang nag-uudyok sa akin na gawin ang mga bagay na ito.

Minsan nga natatanong ko sa sarili ko kung bakit sa kabila ng paglilingkod ko sa buong Simbahan sa pamamagitan ng blogsite na ito, ay patuloy pa rin ako sa mga kamalian ng kahapon. Isa po ito sa mga bagay na hangad ko ring mabago sa aking katauhan sa parating na panahon. Hindi po palaging ganito ang katauhan ko; tatanda rin ako at mas mapapasabak sa magulong mundo bilang tunay na Kristiyano.

Tinatawag ako ng Panginoon sa ganitong landas. Kahit na kaliwa't-kanan ang mga puna, ang mahalaga ay naibibigay ko po ang isang taos-pusong serbisyo sa sambayanang Kristiyano, lalo na po sa inyong patuloy na nagbabasa at sumusuporta sa lahat ng hangarin ko sa buhay.

Sa sandaling ito, Ako po ay naghahandog ng isang taos-pusong PAUMANHIN sa lahat ng mga nasasaktan ko at kinamumuhian ako mula pa noong unang sandaling dumating ako sa buhay nila. Sa inyo na patuloy kong nasasaktan, alam ko man o hindi, sa salita man o gawa, ako po ay naghahandog sa inyo ng patawad na nagmumula sa kaibuturan ng aking puso. Sana po ay maunawaan ninyo ang aking kalagayan sa buhay. 

Pare-pareho lang po tayo sa paningin ng Diyos. Pinapatawad niya tayo lagi-lagi at oras-oras. Sana po ay patawarin at unawain rin po ninyo ang aking mahinang katauhan.

No comments:

Post a Comment