September 18, 2011
Twenty-fifth Sunday in Ordinary Time
Is 55,6-9 . Phil 1,20c-24.27a
Mt 20,1-16a
===
Magpasikat (clap-clap-clap)... Magpasikat (clap-clap-clap)... Dito sa S********, tayo ay magpasikat!!!
Ang mundo natin, puno ng pasikatan. Paramihan at pagandahan ng magagawang stunt, teaching style, dance moves, pag-awit ng kahit anong kanta, pag-rap, kahit paramihan ng tsismis na masasagap, basta yung masasabi ng tao na doon siya magaling, doon siya magpapasikat. Kahit saan kang tumingin sa ating lipunan: showbiz, politics at (ang totoo 'raw', mas bihasa sa pagpapasikat ang mga taong-) simbahan, gumagawa tayo ng anumang paraan upang makilala, upang magpasikat.
Gusto ng tao na umangat, at makilala ng higit na nakakarami. Kahit na madalas itong nagdadala sa kanya ng kapahamakan, wala siyang pakialam basta makilala siya at magkaroon ng 'say' sa lipunang kanyang ginagalawan. Minsan, nasisita na siyang papam-pam, KSP, Papansin, pero keri lang basta doon siya magkakaroon ng big break.
Aminin man natin o hindi, ganito ang madalas na pinagdadaanan natin. Pasikat para magpakilala.
Ganito rin sana ang magiging eksena sa Ebanghelyo natin ngayon. Sa talinhagang ikinukwento ni Hesus, may isang may-ari ng ubasan na naghanap ng ga trabahador upang gumapas ng kanyang ani. Limang beses siyang lumabas sa kalsada upang maghanap, every three hours mula sa pagsikat hanggang sa paglubog ng araw. Lahat ng nakikita niyang nakatambay, inaaya niyang magtrabaho para sa kanya. Siyempre, may sweldo kaya mas pursigido ang mga manggagawa.
Sa pagwawakas ng araw, pinatawag ang lahat ng nagtrabaho para sa kanilang sweldo. Naunang tumanggap ang mga nagtrabaho isang oras bago ang pagtatapos ng araw (5:00 PM). Sunud-sunod na ito hanggang sa umabot ang swelduhan sa mga naunang nagtrabaho (6:00 AM). Sila ang nagbabad sa init ng araw, nagpawis ng mainam, upang makatanggap ng napag-usapang sweldo, eto't kapareho lang ang natanggap nila at ng mga nahuli sa kanila!
Sabi nga ng isa, Ano ba yan, boss?! Buong maghapon kaming nagpagod at naghirap, bakit di mo man lang dagdagan ang sweldo namin? Bakit pareho lang ang tinanggap naming lahat, kahit ang mga isang oras na nagtrabaho ganun rin ang sweldo? It's unfair!?!
Ang sagot ng may-ari, Di ba iyan ang pinagkasunduan, isang salaping pilak? Di ko naman kayo dinaya. O naiinggit ka lang at inakala mong hahanga ako sa pagpapasikat ninyo? Hala, kunin mo na ang sweldo mo at umuwi ka na.
Nagpursigi ang trabahador na buong araw nagpagal - nagpasikat kung baga - sa pag-asang higit pa sa napag-usapan ang igaganti sa kanila, ngunit sa dulo ng lahat ay naging pantay ang may-ari sa lahat ng nagtrabaho. Para sa may-ari ng ubasan, walang nauna o nahuli. Ang mahalaga, ang lahat ay makagawa at sila ay mabigyan ng hustong bayad. Pantay-pantay, walang pagpapasikat.
Ang nahuhuli ay mauuna. Ang nauuna ay mahuhuli.
Habang inaakala nating mahalaga ang magpasikat upang magkaroon ng pangalan sa sociedad, iba ang pamantayan ng ating Panginoon. Sa kanyang mga mata, tayo ay pantay-pantay, nauna man tayong tawagin sa kanyang biyaya o ngayon lang nakaunawa sa kanyang mga handang ipagkaloob sa atin basta ialay lang natin ang ating sarili sa kanya.
Ang Panginoon ay hindi tumitingin sa dami ng tsapa o uniporme na suot-suot natin sa ating mga gawaing-simbahan. Hindi niya binibilang ang dami ng organisasyon na sinasaniban natin. Ni hindi nga niya tinitignan ang dunong ng tao pagdating sa utos ng Inang Simbahan o sa Salita ng Diyos. Sa kanya, mahalaga ang puso, ang intensyon ng ating mga ginagawa, kung sa atin bang mga sarili ay inuuna natin siya higit sa ating mga sariling interes.
Hindi mahalaga sa Panginoon ang magpasikat; mahalaga sa kanya ang puso natin at intensyon...
Paano ba tayo gumalaw sa harapan ng Diyos at ng kapwa: Nagpapasikat rin ba tayo na umaasang mas higit ang ating matatanggap sa bandang huli, o nagpapaubaya sa kalooban niya, at gumagawa sa kapayakan?
No comments:
Post a Comment