Wednesday, September 7, 2011

Sa Bukang-liwayway...

September 08, 2011
FEAST OF THE BIRTH OF THE BLESSED VIRGIN MARY
Mi 5,1-4a or Rm 8,28-30
Mt 1, 1-16, 18-23
===

Sa bukang-liwayway...
ang iyong paglingap ang siyang susubaybay.
Hindi man namin tiyak ang aming dadaanan,
sa iyong pagsubaybay, kami'y makakarating sa paroroonan.

Sa bukang-liwayway...
ang iyong pagmamahal ang siyang magpapainit
sa aming mga kaloobang nanlalamig sa kawalan
at sa mundong sa kasalana'y napipiit.

Sa bukang-liwayway...
ang iyong pagmamahal ang kinasasabikan.
Magkamali man kami, ika'y patuloy sa pag-akay;
tumalikod man kami, ika'y patuloy na kakalinga.

Sa bukang-liwayway...
nagsimula ang aming kaligtasan.
Kaganapa'y sa iyo nagpasimula,
sa araw na ito'y aming ginugunita.

Buong-pusong pasalamat ang laan
ng aming puso' kalooban.
Papuri sa labi'y kaisa ng katauhan;
ang pagdangal ng isa'y pagdangal ng bayan.


TUWA nami'y iyo ring kagalakan,
HAPIS nami'y iyong ramdam.
LUWALHATI namin ang iyong nais,
kaya ang LIWANAG sa ami'y pinasisinag.

Pagdamutan ang aming handog na hangarin
sa bukang-liwayway, ngayon at palagi,
Aming minamahal na Ina, banal at timtiman
Ina ng Diyos at ng kanyang sambayanan:

Tunay kang mapalad sa babaeng tanan!
Pagpupuri  ng iyong puso'y tunay na dalisay!
Narito kaming iyong mga anak;
akayin kami kay Kristong Poong mahal!

Basbasan ang Simbahang Ikaw ang s'yang Reyna!
Pagpalain ang aming bayan at ang daigdigan!
Itulot mong ngayon at sa aming kamatayan,
Ngalan mo't ng iyong Anak ay aming ipagdangal!

MALIGAYANG KAARAWAN, 
INANG MARIA!

St. Anne and her daughter Mary

No comments:

Post a Comment