Friday, August 26, 2011

Krus mo, pasan mo, sundan mo ako! (Oo, maikli lang ito.)

August 28, 2011
Twenty-second Sunday in Ordinary Time
Jr 20.7-9 . Rm 12,1-2
Mt 16, 21-27
===


Pramis, maikli lang ito. Magpapasan pa tayo ng krus eh!


Sinabi ni Hesus sa Ebanghelyo ngayon,  Ibig mo bang sumunod? E di limutin mo ang lahat, pasanin ang krus mo at sundan mo ako!


Hindi tayo nagkakamali sa mga naririnig natin ngayon. Isa itong napakatandang hamon, kasingtanda na ng ewan ko, na hanggang ngayon ay buhay na buhay pa rin ang alingawngaw sa makabagong panahon. Kahit na ang lolo ng lolo ng lolo ng lolo ng lolo (...) ng lola ng nanay natin ay narinig na ito. Lahat ng nauna sa atin ay nagsimatayan na, at lahat ng di pa nga naisisilang (kasama na ang walang habas na ia-abort ng ilan... wag sana) ay mae-encounter ang panawagan na ito.

Mula sa panahon ng imperyalismo, kolonyalismo at monopolyo, hanggang sa panahon ng skyscrapers, franchising, at networking, ng IPod, IPad, Windows 7, Smart Phone at WiFi, ng Angry Birds, Dota at Nyan Cat, ng Facebook, Twitter, Multiply, SirBitz (bakit nasama ang blog na ito?) at Ur Dose (at bakit ito rin ay nasama?), patuloy na sumisigaw si Hesus mula sa 2000 taong nakaraan. Isang panawagan na tumatagos sa isip at puso ng lahat ng tao na makakarinig...

Limutin ang lahat! Pasanin ang krus mo! Sundan mo ako!

Kung iisipin nga naman, ano ang pinagkaiba ng panahon ni Hesus sa makabagong kabihasnan? Maliban sa mga inobasyon ng makabagong isipan, wala namang talagang pinagkaiba. Tao pa rin tayo, mahihina pa rin, nagkakasala pa rin, nasasaktan pa rin, at higit sa lahat, namamatay pa rin.

Naghihirap tayo. Mula noon hanggang ngayon, patuloy nating nararamdaman ang bigat ng pagdurusa. Iniisip ng tao na makakaluwag siya sa buhay sa isang mundo na puno ng matataas na eroplano, matatayog na building, at techie na gamit. Walang masama, moderno na tayo, di ba?

Subalit, tignan natin ang puso niya, at matutuklasan natin ang lahat ng pinapasan nating mga pagdurusa at problema na dumarating sa iba't-ibang anyo: utang, masamang pagnanasa, kayabangan, alitan, digmaan, patayan, at maging ang ating biyenan. Marami tayong hinaharap na problema, mabibigat ang krus ng ating panahon.

May magagawa ba tayo sa ating sariling lakas? Ni ang isang dukha na nagpapalimos lamang sa daan, ni ang mga nakatira sa squatters' area na wala nang makain sa isang maghapon, sila man ay lumalapit rin sa Diyos upang humingi ng gabay sa oras ng pangangailangan. Di nila ito kakayanin, kaya ipinagkakatiwala nila ang kanilang mga pagsubok sa Panginoon! 

Papalakpakan kita, at standing ovation pa kung sakaling kaya mo nang gawin ang lahat sa sarili mo lamang, at hindi na kailangan ng gabay ng itaas... aba, ikaw yata ang bagong Diyos! Walang magagawa si yabang sa harap ng Panginoon. Kahit na ilang libong rolyo ng kayabangan at kasakiman ang ipambalot natin sa sarili natin, pagdating ng oras ng mabibigat na pagsubok, di ba't ikaw pa ang nauuna sa mga mahihirap sa paglapit sa ating Panginoon, kasi mabigat ang problema mo?

Gusto ninyo ng example? Ito, si
Tata Usteng ng Cavite. Sa Aug. 28 rin
ang kanyang Kapistahan.
Oo nga, mabigat ang mga problema at mga krus! Pero sinubukan mo na bang ialay ang lahat ng ito sa Diyos? Araw-araw ay pinagkakalooban tayo ng Panginoon ng panibagong mga pagsubok upang matuto naman tayong lumapit sa kanya. Aminin na natin, nakakayanan lamang nating magdasal tuwing mabibigat ang ating mga problema. Pero ang Diyos ay maunawain at bukas ang puso,  Bukas ang tainga niya tuwing masaya tayo, at handa siyang makinig kung hindi na natin kaya.


Di ba nga, kaya rin nga natin hinahalikan ang Krus ni Kristo tuwing Biyernes Santo, bilang pagkilala rin sa ating personal na mga pasanin sa buhay. Niyayakap natin ito, hinahalikan, at TINATANGGAP. Sa ating pagpasan sa ating sariling mga krus, sinusundan natin ang yapak ng Panginoong Hesus, isang yapak na puno ng kaligayahan, kababaang-loob, at pagpapaubaya sa kalooban ng Ama.


Oo, suyang-suya na tayo sa mga hinaharap nating mga suliranin sa buhay, pero sa pagpasan natin dito makikita natin ang kaganapan ng paglilingkod ng Panginoong Hesus, isang paglilingkod na laging binabanggit, Hindi ako, ngunit ang Kalooban mo ang masunod!


Iyan ang Kristiyano. Sa harap ng mabibigat na pagsubok ay keri lang ang buhay, hindi nangangamba kahit na ilang bagyo at mabibigat na krus ang dumaan. Bakit? Dahil ito ang kanyang pamantayan...


Limutin ang lahat! Pasanin ang krus mo! Sundan mo ako!


Sa ating pagsunod sa panawagan na ito ni Kristo, makakaasa tayong mararating natin ang kaganapan ng ating minimithi. Hindi man natin ito matanggap sa buhay na ito, di ba nga't may Eternal Life? Ang nagnanais na iligtas ang kanyang buhay ay mawawalan pa nga nito; ang mawalan ng buhay alang-alang sa akin ay magkakamit nito! Basta, handa tayong magpasan, at sumunod sa landas ng Panginoon. Umasa tayong may makakamit tayong gantimpala sa kinabukasan.


O, di ba't maikli? O, siya! Pasan na tayo ng krus!




Sunday, August 21, 2011

Eh sino nga ba ako???

August 21, 2011
Twenty-first Sunday in Ordinary Time
Is 22, 19-23 . Rm 11,33-36
Mt 16, 13-20
===

May nakausap ka sa YM: NASL please...


May nakilala ka personally: Who are you?


May nag-text sa iyo na di naman nakalista sa phonebook mo: Hu u?


Mahalaga nga sa atin na kilala ang mga taong malapit sa buhay natin: mga kapamilya, kaibigan, kaopisina, kaeskwela, teacher, at kung sinu-sino pa. Maging sa gamit, pagkain, at kung anu-anong ginagamit at nakakasalamuha natin, importante ang pangalan.

Sa diwang ito iikot ang ating Ebanghelyo ngayon. Isa nang tanyag na tao si Hesus sa Judea noon. Batikang manggagamot, tagapagturo sa dukha, at isang banal na tao, iyan ang pagkakakilala ng lahat sa kanya. Pero ano nga ba? 

Sa Cesarea, magtatanong si Hesus, Sino ako ayon sa mga tao? Maraming pagkakakilalang ibinigay sa kanya, siya daw ay si Juan Bautista, o di kaya ay si Elias, o di kaya ay si Jeremias o ibang propeta. Para sa iba, si Hesus ay pagkakahalintulad ng ibang banal na tao ng nakaraan. Wala nang iba pang mahalaga.

Pero muli siyang nagtanong ng isang tanong na tila personal. Eh kayo? Para sa inyo, sino ako? Sa kanilang nakakakilala ka kanyang kapangyarihan, nais niyang malaman kung tugma nga ba ang kanilang pagkakakilala sa kanyang tunay na katauhan.

Muling pumasok si Pedro sa usapan. Siya na nakasaksi sa hiwaga ng pagbabagong-anyo sa bundok, at nakalakad sa dagat ay sumigaw: Ikaw ang Mesiyas, ang anak ng Buhay na Diyos!  Malinaw na malinaw, walang bahid-duda, kilala nga ni Pedro si Hesus. Sa harap ng pagkakaila ng bayang hudyo, narito siya't buong-lakas na bumigkas ng tunay na pagkakakilala ng kanyang guro.

Pinakilala ni Pedro si Hesus sa mundo bilang Anak ng Diyos na buhay; dahil dito ay binigyan rin ni Hesus si Pedro ng isang mahalagang pagkakakilanlan: Ikaw ay Pedro, at sa batong ito itatayo ko ang aking Simbahan... ibibigay ko sa iyo ang susi ng Langit; ang iyong itali sa lupa ay itatali rin sa Langit; ang kalagan sa lupa ay kakalagan rin sa Langit.

Sa malinaw, ipinagkatiwala ni Hesus kay Pedro ang Simbahan na itatatag sa bisa ng kanyang kamatayan sa Krus. Marami pang darating sa buhay ni Pedro, ngunit malinaw na sa kabila ng lahat ng ito, ay nakikilala niya si Hesus. Kahit na ipagtatwa niya ito ng tatlong beses, mananaig pa rin ang isang pagkakakilala na naghatid sa kanya sa isang panibagong estado sa buhay, bilang tagapamuno ng isang Simbahang matatag at banal.

Ito ang maghahatid sa atin sa pagtatanong, kapag tinanong ba tayo ni Hesus, Sino ako para sa iyo?, ano ang ating isasagot? Tayo ay bininyagan at pinakakain ng tinapay ng buhay at pinagkakaisang-diwa sa pagmamahal na biyaya ng Panginoon, ngunit sa harap ng lahat ng ito, kilala nga ba natin kung sino si Hesus? 

Tayo lamang ang makakasagot nito. Paano? Sa pamamagitan ng ating buhay. Kung nabubuhay tayo ayon sa atas ng Panginoon na magmahalan tulad ng kanyang pagmamahal, siguradong nakikilala nga natin ang ating Panginoon na sinasamba, pinasasalamatan at pinagdarangal sa araw-araw. Hindi sapat ang panalangin lamang; kilala natin si Hesus kung tayo ay nagiging buhay na Ebanghelyo sa pamamagitan ng ating buhay (Bl. Charles de Foucauld).

O, ano na? Kilala nga ba natin si Hesus?

===

HAPPY 21ST BIRTHDAY, BRO. WELDANN!!!
From: urdose.blogspot.com

Sunday, August 14, 2011

We Shall be Glorified Too!

August 15, 2011
SOLEMNITY OF THE ASSUMPTION OF THE BLESSED VIRGIN MARY 
Rv 11:19a; 12:1-6a, 10ab . 1 Cor 15:20-27
Lk 1, 39-56 
===

Sometime in my teenage life, I asked my priest-friend, “Fads, ano ba ang reality ng Assumption?” I asked so, because even though I believed that Mary assumed to Heaven, I am still searching for its realization, how did it happen.

My priest-friend answered, “Kahit na ang mga dalubhasa ng Simbahan, hindi alam kung paano nga ba nangyari ito. May nagsasabing nakatulog si Maria, at sa pagkakatulog niyang yun, siya ay ginising ng mga Anghel at dinala sa Langit. May iba namang nagsasabi na si Maria ay namatay talaga ng pagkatanda, pero pagkatapos siyang ilibing, dun siya dinala sa Langit.”

Through that, I came to know of the two theories behind Mary’s death: there is the theory of the Dormition (for the Orthodox), and the Theory of Assumption (for us Catholics).

In the Dormition, it is said that Mary really died and on this death, She assumed to heaven on her soul on the moment of her death, followed by her body on the third day.

However, we Catholics believe that Mary, on the completion of her days, assumed to Heaven body and soul, in one complete being. We are split into two upon the question of whether or not Mary died. Some believe on it, others do not.

Whatever the theories may say, one thing is important. Mary was taken to Heaven, and there she is now with her Son, guiding each and everyone of us on our journey here on Earth. Mary was a very humble servant of God. She followed His will, and for this, to her was given the most important grace: the grace of incorruption, and being glorified with her Son.

Same thing goes to those who follow God’s Divine Will no matter what. When we complete our days, just as God promised through Jesus’ sacrifice, we shall also experience the grace of resurrection. We shall also be glorified on the way as Mary did.

Yes. We shall suffer a great deal here on Earth. These are God’s test for all to see whether or not we follow God’s Will. We must persevere. We must continue living and doing good. Huwag tayong mawalan ng pag-asa sa buhay na meron tayo. Kasama natin ang Panginoon sa bawat sandali. He never abandons us, he just wants to see who are really worthy of his graces and mercy. We pray that one day, like Mary, we can also sing the praises of God there in the Heavenly Jerusalem.

Actually, hindi na rin kasi kailangang hintayin ang kamatayan natin. As St. Therese said, Let us spend heaven doing good upon Earth. We continue living and doing His Will here, by serving others and loving our Neighbor. We could be God’s perfect representative on Earth though our deeds. Being Christians, this is our challenge: Heaven is our goal; Earth is our training ground.

I believe that Mary died naturally, and after her death, she was taken to Heaven. This is on the fact that just as Christ experienced death for him to be glorified, it is the same for his Mother, and on a broader view, for all of us. We shall die here on Earth, yet we shall one day be glorified just as Jesus and Mary did.

And so we give honor to Mary:

Ave, Regina Caelorum,
Ave, Domina Angelorum:
Salve, radix, salve, porta
Ex qua mundo lux est orta:
Gaude, Virgo gloriosa,
Super omnes speciosa,
Vale, o valde decora,
Et pro nobis Christum exora.

Saturday, August 6, 2011

Halika Rito...

August 07, 2011
Nineteenth Sunday in Ordinary Time
1 Kgs 19,9a.11-13a . Rm 9,1-5
Mt 14,22-33
===

Kahapon, nakita ni Pedro ang isang kakaibang Hesus, nagbagong-anyo sa bundok. Maningning, maluwalhati, at binisita pa nina Moises at Elias. Sa sobrang kasiyahan niya at pagkatuwa, ay napasigaw siya na kung maaari ay dumoon na lang sila. Gagawa pa nga daw sila ng tatlong tolda para sa kanilang tatlo. Sa kabila ng mixed emotions, nanaig ang kasiyahan at pagkamangha sa puso ni Pedro. Natatalos niyang Diyos nga si Hesus na pinapanginoon kahit ng mga alagad ng lumang tipan.

Si Pedro pa rin ang isa sa mga karakter sa ating Ebanghelyo ngayon. Ito ang isang pagpapakita ng 'other side' niya, ang kanyang mahinang kalooban. Kung sa Pagbabagong-anyo, nanaig ang pagkamangha, dito sa ating Ebanghelyo ngayon, naghahari ang takot at kakulangan ng pananampalataya. Paano?

Babalik tayo sa pagpapakain ni Hesus ng limanlibong lalaki. Pinauwi na niya ang lahat pagkatapos ng milagrosong pagpapakain, samantalang inatasan niya ang mga alagad na sumampa na sa bangka at mauna na sa susunod na destinasyon. Pagkaalis nilang lahat, nanatili siya sa bundok upang manalangin. Gabi na noon.

Samantala, ang bangkang sinasakyan ng mga alagad, hayu't binabayo ng malakas na bagyo sa lawa. Hindi mapakali ang lahat, sagwan ang isa, hawak ng tali ang iba. Lahat ay inaasikaso ang mga maaaring paraan para hindi sila malunod at mamatay. Lahat ay nag-aalala para sa kanilang buhay. Lahat ay takot na takot. Hanggang sa may makita sila sa tubig...

isang lalaki...

NAGLALAKAD SA IBABAW NG TUBIG?!

Mas lalo silang pinagharian ng takot. Syempre, iisipin mong multo ang isang taong naglalakad sa ibabaw ng tubig! Wala pang ibang taong nakalakad sa ibabaw ng lawang binabagyo liban sa isang ito! 

Pero sumigaw ang lalaking ito, isang tinig na pamilyar at makapangyarihan. Huwag kayong matakot! Tatagan ninyo ang loob ninyo! Ako si Hesus! Oo, ang kanilang Rabbi, naglalakad sa ibabaw ng lawa sa kabila ng bagyo!  Anong kababalaghan ang nasaksihan nilang ito! Tunay nga na isang himala!

Pero biglang pumasok sa eksena si Pedro. Nais niyang sunduin si Hesus sa tubig, kaya sumigaw siya, Panginoon, kung ikaw nga yan, hayaan mo akong makapaglakad rin sa ibabaw ng tubig. Kung ito ay tanda ng tapang o pag-aalinlangan, malinaw na nais ni Pedro na mapatunayan na si Hesus nga ang lalaking naglakad sa tubig at hindi siya namamalik-mata.

Halika rito. At naglakad nga si Pedro sa direksyon ng kanyang guro. Sa una, ay nakaramdam siya ng tuwa sa paglalakad niya sa tubig. Nag-uumapaw siya sa saya. Aba, naglalakad ako sa tubig!!! Wow!!! Subalit lahat ng ito ay nawala nang tumingin siya sa paligid at nasindak sa delubyo na kanyang nararanasan. Malakas na hangin, bagyong walang kasinglakas. At si Pedro ay nahulog sa tubig at nalunod. Panginoon! Sagipin mo ako!

Nilapitan nga siya ni Hesus at tinulungang tumayo. Tumatak malamang sa kanyang isipan ang mga sinabi ng kanyang Maestro,  Bakit ka nag-alinlangan? Bakit ang liit ng iyong pananampalataya? At sila ay nagtungo sa bangka. Samantalang ang iba naman ay sinamba siya at sumambulat, Ikaw nga ang Anak ng Diyos!

Posible kaya itong mangyari sa panahon natin ngayon? Hindi. Hindi natin makakayanang gawin ito liban na lang kung may gagamitin tayong espesyal na gadget para makapag-enjoy sa ibabaw ng tubig. Tanging isang may-kapangyarihan lamang ang maaaring gumanap nito sa isang kanyang nilikha. Iyun ay wala nang iba kundi si Hesus na siyang sinugo ng kanyang Amang Makapangyarihan upang muling tubusin ang tao mula sa kamatayan at kasalanan. Siya na Diyos na totoo at taong totoo ang maaaring magpamalas ng ganitong kapangyarihan sa atin!

Halika rito!

Sa totoo lang, patuloy na naglalakad si Hesus sa gitna ng mga pagsubok ng ating buhay.  Iyung mga sandaling feeling-down tayo, iyung mga sandaling naliligalig tayo, na para bang bagyo na binabayo at sinasalanta ang buong katauhan natin, at para bang hindi natin alam ang gagawin. Tingin tayo, andun sa malapit si Hesus, nakalahad ang kamay at iniimbitahan tayong maglakad rin sa gitna ng mga pagsubok na ito. Para bagang sinasabi niya,  Huwag kang matakot, anak; andito lang ako! Halika, maglakad ka papunta sa akin!

Kapag nakita natin siya, huwag tayong mag-alinlangang lumapit. Huwag matakot sumunod sa kanya! Siya na nagbagong-anyo sa itaas ng bundok, at nagpapahayag ng kanyang kadakilaan, ang siyang tumatawag sa atin ng lumapit sa kanya. Pumunta nga tayo patungo sa kanya kalakip ang buong pananampalataya sa puso. Natatalos nating kapag kapiling natin ang Panginoon, wala tayong mararamdamang pangamba:  The Lord is my Light and Salvation... whom shall I fear?

Pero sa sandaling mahulog tayo sa bangin, at malunod sa lawa ng pangungulila at mawalan ng pananampalataya. Huwag nating kalilimutan na andyan pa rin siya at patuloy na handang sumaklolo sa atin. Sana ay hindi natin maranasan ito, ngunit kapag ito ay dumating sa ating buhay, isipin lang natin na andyan lang siya, tumatakbo patungo sa atin, at nakahandang sagipin tayo. 

May imbitasyon si Hesus: Halika rito! Hindi niya papahintulutang mahulog tayo sa bangin ng kadiliman, ni maligaw sa di-tamang landas. Tumingin lang tayo sa kanyang mata, malapit na ilahad ang kamay papunta sa kamay niya, at manampalataya! Ililigtas niya tayo sa gitna at sa kabila ng lahat ng ating pinagdadaanan! HUWAG MATAKOT!

Friday, August 5, 2011

ANG SAYA NAMAN DITO!

August 06, 2011
FEAST OF THE LORD'S TRANSFIGURATION
Dn 7,9-10.13-14 . 2Pt 1,16-19
Mt 17,1-9
===

Minsan, may nakausap akong kaklase na nagbahagi sa akin tungkol sa karanasan niya. Ito ay noong siya ay magbakasyon sa probinsya nila pagkatapos ng summer classes namin. Sa wakas, matapos ang isang buwan ng paghihirap at pagtagaktak ng pawis sa pag-aaral, mararanasan na rin niya ang kakaibang regalo ng pamamahinga. 

Nagbago sa isang iglap ang kanyang kapaligiran, from hell to heaven, ika nga. Sa sobrang sarap ng naging pagbabago sa buhay niya, nasabi niya, Naku, Bitz! Sobrang saya doon, di ko napansin, June na pala. Kaya yun, bumalik na ako sa Malabon para magpa-enroll.

Minsan talaga, kapag nakakaranas tayo ng isang malaking pagbabago sa buhay natin, nakakaranas tayo ng isang kakaibang kasiyahan. Parang nakakapanibago sa pakiramdam, na napapasigaw tayo, Naku naman! Ang saya-saya naman dito! Parang sana, dito na lang ako nakatira... Nakakalimutan nila na sa kabila ng kakaibang pakiramdam ay isang tunay na realidad na 

Ito rin ang pakiramdam nina Pedro, Santiago at Juan noong sa harap nila ay biglang nagbagong-anyo ang kanilang Rabbi. Isipin ba naman, sa tanghaling-tapat, ang kanilang Panginoon ay nagbagong-anyo! Nagningning ang mukha, pumuting sobra ang damit, kuminang na walang kapantay! At may special guest pa, sina Moises at Elias! 

Hindi talaga makapaniwala si Pedro na sa di-inaasahang pagkakataon ay makikita niya at ng kanyang mga kasama ang isang kababalaghan. Para silang nanalo ng higit sa milyun-milyong jackpot sa tindi ng hiwagang nasaksihan nila. Sa sobrang kilabot at tuwa, ay napabulalas si Pedro, Panginoon, dito na tayo! Gagawa kami ng tatlong tolda, tig-isa kayo nina Moises at Elias! 

Pero dito natapos ang lahat. Isang ulap ang pumagitna sa kanila at may tinig na nagsabi: Ito ang aking anak na kinalulugdan ko ng lubusan; pakinggan ninyo siya! At sa muling pagkurap ng mata, ay bumalik na sila sa realidad. Wala nang hiwaga, si Hesus na lang. Balik sa dati, ngunit tumatak na sa isipan ng tatlong alagad ang misteryong nakita nila. Meron ngang kakaibang maibibigay si Hesus!

Pasukin natin ang ating araw-araw na buhay. Bawat araw, busy tayo. Tadtad ng trabaho, pagod at puno ng stress. Wala nang oras na tumahimik na sandali at magnilay sa gawain ng Panginoon sa ating kalooban. Takbo nga ito ng mundo sa ngayon, eh. Wala nang oras para sa Diyos, puro ako, ako at ako na lang. Ninanais nga nating mag-unwind, magbago, subalit hindi natin nagagawa dahil panay atupag natin sa gawain ng mundo.

Pero kung lubos lang nating nakikita at nauunawaan ang hiwaga na ginagawa ng Panginoon sa ating buhay, sa kabila ng di-mabilang na paghihirap na pinagdadaanan natin, masasabi rin nating dahan-dahan ay nababago tayo, nagpapalit-anyo mula sa dating makasalanang pagkatao patungo sa isang iniligtas na nilalang ng Diyos!

Malakas ang panawagan ng Ama: Pakinggan si Hesus at tiyak na mararating rin natin ang isang pinagbagong-anyong katauhan! Hindi na natin kailangang hanapin ito sa kung saan, dahil hindi natin ito makikita o matutumbasan ng bagay ng mundo. Makinig sa mga Salita ng Diyos, tanggapin siya sa bawat Misa sa Banal na Pakikinabang, at pagsumikapang sundan siya sa araw-araw na pamumuhay. Tiyak na hindi magtatagal tayo ay mabibigyan rin ng pinagbagong katauhan, isang katauhang pinagpala ng Diyos, isang katauhang laging mahal sa paningin ng ating Panginoon!

At pag nasumpungan natin ito, tiyak rin nating masasabi, Ang saya naman dito!