July 03, 2011
Fourteenth Sunday in Ordinary Time
Zec 9,9-10. Rm 8,9.11-13
Mt 11,25-30
===
Noong Biyernes, nagnilay tayo tungkol sa paanyaya ni Hesus na magpahinga ang lahat ng mga napapagod na. Saan nga ba ulit magpapahinga? Siyempre, sa kanyang mapagmahal at banal na Puso. Di ba nga, kung sa wika natin, ay nababalewala ang PUSO, sa wika ng Diyos, ito ay pinagmumulan ng pamamahinga at kabanalan para sa atin.
Iisa lang ang Mabuting Balita natin noong Biyernes at ngayong Linggo. Iisang paanyaya, iisang taong nag-aanyaya upang magpahinga tayo. Iisa ang mga taong iniimbitahan, walang iba kundi tayong lahat.
Pero sa araw na ito, magnilay naman tayo sa panalangin ni Hesus sa simula ng ating Ebanghelyo. Pinasasalamatan kita, Ama, Panginoon ng langit at lupa, sapagkat inilihim mo ang mgabagay na ito sa marurunong at inilahad sa mga may kaloobang tulad ng isang bata. Ito nga ang ikinalulugod mo!
Matatanong natin, Bakit nga ba hindi pinatungkulan ni Hesus ng kanyang pagtuturo ang mga marurunong sa Israel noong mga panahong iyon, sa halip ay itinuon niya ang kanyang intension sa mga maralitang umaasa sa paglingap ng Diyos: mga balo, mga inaalihan ng diyablo, mga bata, at yung mga nasa lower class ng lipunan?
Di ba nga, kapag wala tayong sakit, hindi na natin iniisip na magpatingin sa doktor kasi nga maayos naman ang pakiramdam natin, at saka lang tayo pumupunta sa kanya kapag masama ang pakiramdam natin? Ito rin ang nais na iparating ni Hesus sa kanyang panalangin. Hindi na kailangan ng mga marurunong ang pagtuturo, ang mga Punong Pari, mga Pariseo, Saduceo, at yung mga matatanda ng bayan. Ang tama sa kanila ay palaging tama, hindi ito magbabago sa katagalan ng panahon.
Para nga sa kanila, sagabal si Hesus sa kanilang mga balak at sumasalungat sa kanilang mga paniniwala. Kaya nga sa bandang huli, dala ng kanilang mga ‘tamang’ paniniwala, ipinapatay nila si Hesus at pinag-usig ang kanyang mga alagad. Hindi sila nagtagumpay, at sa Muling Pagkabuhay ni Hesus, lalong tumatag ang kanyang mga itinuro sa taong-bayan.
Sila na nakapakinig kay Hesus, at mga nakakita sa kanyang mga kababalaghan, sila ang higit na biniyayaan ng Diyos. Bakit? Tulad ng isang bata na nakikinig sa utos ng kanyang magulang, nakikinig silang lahat sa mga turo ni Hesus. Kahit na walang pinag-aralan, iniintindi ang bawat salitang nagmumula sa kanilang Rabbi. At kahit na pinagkakaitan at kinakalimutan ng lipunan, sila ang pilit na tumutupad sa kalooban at tunay na hangad ng Diyos, taglay ang kababaang-loob at kalinisan ng puso.
Silang mga maralita ng Israel, kahit na pinakahamak sa mata ng tao, ang mga mapapalad sa paningin ng Diyos. Dala ng kanilang pagtitiwala sa kaligtasang bigay niya sa kanila, ay nagpapakilala ang isang Diyos na nagmamahal sa kanila, nakikinig at nagkakaloob ng pamamahinga na nagmumula sa Puso ng habag: lumapit kayo sa akin… at kayo’y pagpapahingahin ko!
Walang nakakikilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakikilala sa Ama kundi ang Anak, at yaong marapat na pagpahayagan ng Anak. At umabot sa ating panahon ang kagandahang-loob ng Panginoon sa pamamagitan ng Inang Simbahan na nagpatuloy ng mga nasimulan ni Hesus. Sa pamamagitan ng Banal na Iglesya Katolika, ay umabot sa ating kultura, kamulatan at pagka-unawa ang mga tinuro at ginawa ni Hesus. Sa bisa ng Binyag, ay tinawag tayo na anak ng Diyos na iniligtas mula sa kasalanan. At patuloy na ipinapasa sa atin ang Mabuting Balita na nagmumula sa Panginoon.
Dito papasok ang tanong: Paano ba natin tinatanggap ang salita ng Panginoon: tulad ba ng mga marurunong na pinagwawalang-bahala ito, o tulad ng isang maralita na wala nang inaasahan kundi ang Diyos? Sa ating pakikinig sa Salitang banal ng Panginoon, pinipilit ba nating isabuhay ito at maging halimbawa sa iba? O tulad ng mga marurunong, hindi na ba natin kailangan ang kahit na ano mula sa Diyos sapagkat iniisip na nating nasa atin na ang lahat, at sagabal lang siya sa ating mga plano?
Isang bagay lang bilang pagtatapos. Kung tinatanggap natin ang Salita ng Diyos, at tinutupad ang lahat ng nakasaad doon, tiyak na tayo rin, tulad ng mga maralita ng Israel na pinagkalooban ng biyaya na makita ang Panginoong Hesus ng harapan, ay magiging marapat na panahanan ng kanyang Espiritu, na siyang magdadala sa atin sa ganap na pamamahinga, isang pamamahinga na tanging Diyos lang ang nagbibigay at nagkakaloob.
ISANG PANALANGIN…
Panginoong mahabagin, salamat dahil minarapat mong ipahayag sa amin ang iyong salitang nagkakaloob ng ganap na pamamahinga para sa amin. Sa halimbawa ng isang bata, tanggapin nawa namin ang salitang ito ng bukal sa puso, at sikapin nawa naming mabuhay ayon sa iyong mga atas. AMEN.
No comments:
Post a Comment