Sunday, July 17, 2011

Mabait naman ako, eh!

July 16, 2011
Sixteenth Sunday in Ordinary Time
Wis 12.13, 16-19 . Rm 8,26-27
Mt 13,24-43
===

Mabait naman ako, eh!

Iyan ang karaniwang sagot natin kapag nasisita tayo sa isang bagay na sinasabi nating hindi natin ginawa, o hindi natin sinasadyang gawin. Mabait daw ang isang tao at imposible niyang gawin ang isang bagay na masama. Kapag nakakarinig tayo ng ganitong reaksyon sa gabi-gabing panonood ng balita, ang nagiging reaksyon natin ay, weeh...

Naalala ko sa Philosophy class namin, ang sabi ay Man is innately good. Mabuti o mabait naman talaga ang tao, at ito ang totoo dahil sa lahat tayo ay nilikha ayon sa wangis ng Panginoon. Nilikha niya tayo na perpekto at pihado. Subalit dahil sa pagpasok ng hilahil ng ahas, at sa pagkahumaling ng tao sa pagiging magaling sa lahat ng bagay, kaya tayo nakakagawa ng pagkakasala. Tayo ay dumadaan sa kamatayan. 

Suwerte na nga lang natin at dumating ang panahon ng kagandahang-loob ng Diyos, sa pagdating ng kanyang Anak na si Hesus. Namatay siya, ngunit muling Nabuhay upang pakawalan tayo mula sa parusang kapahamakan na hatid ng pagkakamali ng ating unang magulang. Isinugo rin niya ang Banal na Espiritu para mapabanal ang lahat ng mga iniligtas. Tinipon niya ito sa iisang Simbahan, upang mabuhay ang lahat ng mananampalataya sa iisang pananampalataya, iisang binyag, iisang Diyos na kinikilala at minamahal ng lahat. Patuloy na naghahasik ang Diyos hanggang sa ngayon ng mabubuting binhi upang maipakita ang kanyang pagmamahal at pagtatangi sa atin.

Pero kahit na ganun, ay nagkakasala pa rin tayo. Sa totoo lang, hindi pa rin talaga nawawala ang hilahil ng masama, at halatang-halata ito sa di-mabilang na mga kaharasan na nangyari sa nakaraang panahon. Mga terorismo, kidnapping, holdap, hostage, maging suicide at abortion. Lahat ng ito, tanda na hindi pa nagwawakas ang paghasik ng lagim ni Taning sa mundong naliligalig na nga, makasarili pa.


Ang ating buhay ay sinusubok palagi kung may pananampalataya tayo sa Diyos na nagligtas sa atin o wala. Hindi importante kung malawak ang ating pananampalataya o hindi. Basta may pananampalataya tayo, okey na iyun para kay Hesus. Ang buto ng mustasa ang pinakamaliit sa lahat ng binhi. Ngunit pagtubo nito, ito'y nagiging mas malaki kaysa alin mang halaman at nagiging punongkahoy, kaya't nakakapagpugad ang mga ibon sa mga sanga nito. At kahit na ganitong kaliit ang ating pananampalataya, hayaan lamang natin itong lumago at ito'y lalaki upang maging isang makapangyarihang puno. 


Sa lahat ng bagay, basta manalig lang tayong kasama natin ang Diyos at hindi niya tayo pababayaan. Tulad ito sa pampaalsa na inihalo ng isang babae sa tatlong bakol na harina, kaya't umalsa ang minasang harina. Ganito ang paghahari ng Diyos. Maliit man, basta merong pananampalataya, ito'y makakagawa na ng mga himala para sa atin at para sa iba.

Pero sabi nga ni Hesus sa Ebanghelyo ngayon, Kung paanong ang mga damo ay tinitipon at sinusunog, ganoon din ang mangyayari sa katapusan ng daigdig. Lahat ng gumawa ng mabuti ay makakarating sa Langit at magliliwanag na parang araw sa kaharian ng kanilang Ama, subalit ang mga masasama, kahit na ilang libong beses nilang sabihin na Mabait naman ako, eh! ay ibabagsak sa impiyerno. Tatangis sila roon at magngangalit ang kanilang ngipin.

Ang may pandinig ay makinig!

Balik tayo sa realidad. Lahat naman kasi tayo ay hahatulan sang-ayon sa ating mga ginawa sa nakaraan. Kung naging mabuti tayo o masama habang nabubuhay, iyan ang magtataya kung sa Langit nga ba ang punta natin o sa Impiyerno. Kung nanampalataya ba tayo sa Diyos kahit minsan man lang sa buhay natin o hindi. 

Tanungin natin ang ating mga sarili ngayon. Una, Mabait nga ba talaga tayo? Ikalawa, May pananampalataya rin ba tayo? Hindi natin ito masasagot sa isang tanungan lang. Kinakailangang makita natin ang ating sarili sa liwanag ng ating palaging mga ginagawa. Sa ating palagiang pakikisalamuha sa kapwa. Sa ating mga iniisip o ginagawa, dito natin masasagot ang mga tanong na ito at mapagninilayan kung gaano na nga ba kalawak ang ating pananampalataya.

Sa dulo ng lahat, tanging Diyos at Diyos lamang ang nakakakilala sa atin. Makapagtatago tayo sa iba, ngunit hindi sa Diyos. At ang Diyos na siyang nakakasaliksik sa puso ng tao, ang siyang nakakaalam kung ano ang kalooban ng Espiritu, sapagkat ang Espiritu ang namamagitan para sa mga hinirang, ayon sa kalooban ng Diyos.(Ikalawang Pagbasa)

No comments:

Post a Comment