Saturday, April 16, 2011

Hosanna o Crucifige?

April 17, 2011
PALM SUNDAY OF THE LORD'S PASSION
Blessing of Palms
Mt 21,2-11
Mass
Is 50,4-7 . Phil 2,6-11
Mt 26,14—27:66 or 27,11-54
===

Hosanna Filio David! Benedictus qui venit in nomine Domini!

CRUCIFIGE!!!


At dumating na rin sa wakas ang isanlinggong paggunita sa Pagpapakasakit, Kamatayan at Pagkabuhay ng ating Panginoong Hesukristo. Ayan! Lalabas na naman ang iba't-ibang gawaing 'kabanalan' ng mga Pinoy: Pasyon, Senakulo, Pagpupuryos, Paggapang, Pagpapapako sa Krus, Pakaridad, Visita Iglesia, Via Crucis, Pagpunta sa Grotto, Pagtimpi sa pagkain, Prusisyon, at may humahabol pa... OUTING, SWIMMING, MOVIE MARATHON, at ang bagong trend, FACEBOOK.

Sa maniwala kayo at hindi, yan na po ang kinabibisihan ng madla tuwing Mahal na Araw. Pero bago ang lahat ng iyan, sinisimulan muna natin ang linggong ito sa Misa ng Linggo ng Palaspas. Babasbasan ng Simbahan ang mga dala-dala nating palapa, tanda ng ating pagsalubong sa Kristong matagumpay na nakapasok sa lungsod ng Jerusalem upang tuparin na ang kanyang tunay na misyon: ang magpakasakit, mamatay at muling mabuhay para sa ating lahat. At sa maniwala kayo o hindi, ang mga taong sumalubong at tumanggap sa kanya noong pumasok siya sa lungsod ay ang mga tao rin na humatol sa kanya ng kamatayan sa Pista ng Paskwa.


Dito iikot ang ating pagninilay sa araw na ito: pagtanggap at pagtakwil. Dalawang magkasalungat na idea, subalit parehong natikman ng ating minamahal na Panginoon. Naranasan niyang kapwa tanggapin, at itakwil. Mahalin at talikdan. Alayan ng buhay sa paglilingkod at kitlan ng buhay sa Krus. Iikot ito sa dalawang salita: HOSANNA at CRUCIFIGE.


HOSANNA!!!


Ang pagpasok ni Hesus sa lungsod ay isang pagtatagumpay para sa kanya. Sa wakas, matutupad na ang nasasaad sa kasulatan na siya ay maghahain ng isang hain na sapat na para sa lahat. Ang mga taong nais siyang makita ay nagkatipon sa burol mula sa Bethpage patungo sa pintuan ng lungsod. Taglay nila'y mga dahon at balabal. Dumarating si Hesus na nakasakay sa asno, nagagalak sa kanyang nakikita. Dito nagsimula ang lahat sa Jerusalem.


Ito ang inaalala natin sa unang bahagi ng liturhiya ngayon. Taglay ang ating mga palaspas, tayo ay nakikiisa sa mga Hudyong sumisigaw, Hosanna Filio David! Nakikitingin tayo at nagtatanong, Sino itong dumarating? Kinikilatis natin siya, Siya si Hesus, ang propeta na galing sa Galilea. Tulad nila, kinikilala nating dumarating si Hesus sa ating buhay. Wari'y sinasabing, Andito na ako, kapatid. Ililigtas na kita. Sa pusong tatanggap sa kanya, pag-asa at kapayapaan ang tatanggapin. Walang pagsidlang ligaya ang ating tatanggapin sa oras na siya'y pumasok at dumatal na sa ating mga buhay, sa ating kalooban. 


CRUCIFIGE!!!


Pero anumang saya ang ating taglay ngayong araw na ito, ito ay mababahiran pa rin ng kalungkutan sa pakikinig natin sa Pasyon ng Panginoon, na nanggaling kay San Mateo. Ito ang magpapaalala sa atin ng tunay na mensahe ng linggong ito: may isang taong namatay, may isang Ama na nag-alay ng Anak para iligtas tayo. Di na natin kailangang balikan pa isa-isa ang mga pangyayari sa Ebanghelyo ngayon, sapagkat kung titignan natin sa kabuuan, ay isa itong pagpapakita ng pag-ibig at awa ng Diyos sa atin. 


Subalit kapansin-pansin ang panawagan ng madla sa pahayag na ito: Crucifige! Ipako sa Krus! Silang tumanggap sa kanya ng buong puso ay narito't sumisigaw na ipapako siya at ipapatay. Malinaw ang kanilang intensyon, ang patahimikin ang isang tao na inaakala nilang panggulo sa kanilang mga naisin. 


Malungkot isipin, ngunit totoo na hindi lahat ng ating kasama ngayon na may taglay na palaspas at sumisigaw ng Hosanna ay kaisa natin sa intensyon. Ilan sa atin, lalo na ang mga nabubuhay sa kasalanan, ay kaisa ng mga Hudyo ng pagsigaw, Crucifige! Lahat ng mga nabubuhay na di-ayon sa turo ng Simbahan, lahat ng mapang-husga, lahat ng nabubuhay sa pita ng laman, at lahat ng ayaw sa biyaya ng buhay. Samakatuwid, lahat tayo!!!


Oo, kapatid. Lahat tayo ay parang mga balimbing, sisigaw ng Hosanna ngayon, maya-maya'y sisigaw na ng Crucifige! Sa tuwing nasa simbahan tayo at nakikiisa sa Banal na Misa, ay panay papuri ang ating sinasambit sa Diyos. Tinatanggap natin siya sa banal na Komunyon, panay dasal natin at hiling. Ngunit sa ating mga ginagawa sa araw-araw sa labas ng simbahan, sa ating bawat paggawa ng kasalanan, ay mas lumalakas ang ating paghiyaw na ipapako si Hesus. At ang ilan ay masayang-masaya sa ginagawa nilang ito. Parang walang Hesus na nag-alay ng buhay para sa kanila.


Mga kapatid! Tanong sa atin ng ating liturhiya ngayon, Ano ang sinisigaw mo: Hosanna o Crucifige? Sa ating buhay sa araw-araw, nakikita ba natin ang ating sarili na tinatanggap ang Panginoon sa ating buhay, o patuloy natin siyang pinapatay sa ating paggawa ng kamalian at kasalanan?


Ngayong Semana Santa na paparating, siyasatin natin ang ating mga sarili upang mas marapat tayo na makipagdiwang sa pagkamatay at pagkabuhay ni Hesus. Samantalahin natin ang pagkakataong na makapagsisi at magbalik-loob sa Diyos. Sa kanya at sa kanya lang nagmumula ang ating kapayapaan. Sa kanya bumubukal ang mga biyaya na ating kailangan, lalo na ang kaligtasan. Ito ay sa pamamagitan ni Hesus na pinako sa Krus para sa ating lahat.

===


I would like to invite you to read and reflect on the Reflections on the Gospels of the Paschal Triduum from April 21-24 here in http://urdose.blogspot.com. However, due to my busy schedule in these days, the posts would be auto-published. I would still try my best to promote it in Facebook as I always did. Nevertheless, this is an opportune chance for everyone to read and reflect on what God has in store for us on these three days of Salvation. 
God bless and have a meaningful Holy Week ahead! :)

No comments:

Post a Comment